PagsanJuanders: Larong Nagbibigay-Buhay sa Kulturang Pagsanjeño

By Abigail Castillano

Sa panahon kung saan puro cellphone na ang mga hawak ng bata at sa unti-unting pagkawala ng ating cultural identity, ang PagsanJuanders: A Game of Wonders and Culture ay isang board game upang bigyang-sigla muli ang cultural identity ng mga kabataang Pagsanjeño.

Upang laruin ang PagsanJuanders, ang mga manlalaro o “turista” ay “maglalakbay” sa Pagsanjan gamit ang boardgame na ito, na nagpapakita ng mga kamangha-manghang likas na tanawin at mayamang kultura ng lugar. Kailangang mag-ipon ang mga turista ng mga postcards mula sa mga scenic site at historical landmarks upang makalikom ng puntos upang manalo. Ang huling destinasyon para manalo sa laro ay ang Magdapio Falls, ang orihinal na pangalan ng Pagsanjan Falls. Kung walang turista ang nakaabot sa Magdapio Falls, ang turista na may pinaka-maraming puntos ang siyang mananalo.

Ang PagsanJuanders ay isang board game na nagpapakita ng mga kamangha-manghang likas na tanawin at mayamang kultura ng bayan ng Pagsanjan, Laguna.
Litrato mula sa PULSO Facebook page.

Paano nabuo ang konsepto ng PagsanJuanders?

Ang PagsanJuanders ay isang laro hango sa orihinal na panukala ni Jhon Grevialde, ang founder at ang executive director ng Pagsanjan Unified Leaders for Service Organization o PULSO. Ayon kay Grevialde, ang ideya para gumawa ang organisasyon ng isang laro ay nagmula kay Bb. Ericka Penido, isa sa founding volunteers ng PULSO noong 2023; subalit, hindi umusad ang suhestyon na ito dahil sa iba pa nilang kasabay na proyekto. Ngunit noong June 2024, binalikan ni Grevialde ang ideya ni Penido, at binuo ang orihinal na game structure nito—ang konsepto, mechanics ng laro, elements, pati na ang mga research work. Ito ay nag-uugat pa rin sa adbokasiya ng PULSO na mabigyang solusyon ang pagkawala ng cultural identity ng mga Pagsanjeño, lalong-lalo na ang mga kabataan nito.

Sa ilalim ng patnubay ni Grevialde, pinangunahan nina Janna Durante (Project Leader), James Constantino (Project Auditor), at Saint Dorado (Project Art Director), ilan sa masisipag na kabataang boluntaryo ng PULSO, ang pagsasabuhay ng nasabing proyekto.

Kampeon ng Kultura

Noong Setyembre 2024, itinanghal na “Kampeon ng Kultura” sa Gawad Kampeon ng Kabataan ng Laguna 2024 ang PagsanJuanders. Dahil dito, ginawaran ng Youth Development Affairs (YDA) Office-Laguna at Gawad Laguna Inc. (GLI) ang PULSO ng pondo upang mabigyang buhay ang adbokasiya ng proyekto ito.

Kinilala bilang “Kampeon ng Kultura” ang PagsanJuanders sa Gawad Kampeon ng Kabataan ng Laguna 2024 noong Setyembre 2024. Imahe mula sa PULSO Facebook page.

Patuloy pa ring nilalakad ng PULSO ang copyright ng laro upang ma-protektahan ang intellectual property ng organisasyon.

Opisyal na paglulunsad

Ginanap ang opisyal na paglulunsad ng laro noong February 8, 2025, kasama ang 12 na pampublikong eskwelahan sa Pagsanjan bilang mga pangunahing panauhin. Sa parehong okasyon, ipinaalam ng organisasyon sa mga dumalo—mga guro at mag-aaral—kung paano nabuo ang laro at kung paano ito laruin. Ibinahagi rin ng organisasyon ang mga orihinal na kopya ng PagsanJuander sa mga paaralan.

Ang mga sumusunod na eskwelahan ay ang mga unang nabigyan ng kopya ng laro at naturuan kung paano ito laruin.

  • Unson Elementary School (Pilot School)
  • Francisco Benitez Memorial School
  • Maulawin Elementary School
  • Jose A. Gallardo, Sr. Elementary School

Ang natitirang walong eskwelahan ay kabilang naman sa susunod na iskedyul para sa pamamahagi ng laro. Dahil dito, hindi pa natatapos ng organisasyon ang pagkalap ng mga feedback tungkol sa laro.

  • Caesar Z. Lanuza Elementary School
  • San Isidro Elementary School
  • Pinagsanjan Elementary School
  • Sampaloc Elementary School
  • Mario Z. Lanuza Elementary School
  • Dr. Augusto E. Hocson Elementary School
  • Dingin Elementary School
  • Anibong Elementary School

Panawagan para sa suporta

Kuwento ni Grevialde, gustuhin man niya na maibahagi ang laro sa mas maraming tao, magastos ang paggawa ng isang board game. Salamat sa napanalunang pondo, nabigyang-buhay nila ang laro; ngunit upang patuloy itong maibahagi, nangangailangan sila ng karagdagang suporta upang mas marami pang eskwelahan ang mabigyan ng PagsanJuanders—pribado man o publiko, mula elementarya hanggang kolehiyo—dahil wala namang pinipiling edad ang pag-alala sa ating kultura.

Para sa mga gustong magbigay ng donasyon o makipag-ugnayan sa PULSO:
Facebook page: https://www.facebook.com/pulsopagsanjan
Email: [email protected]