LSPU-Sta Cruz, nanawagan laban sa pagkalat ng unverified information hinggil sa nangyaring sunog

Nanawagan ang Laguna State Polytechnic University-Sta Cruz Campus (LSPU-SCC) sa mga netizens na iwasan ang pagpapakalat ng hindi-beripikadong impormasyon hinggil sa pagkasunog ng gusali nito kahapon, Marso 13.

Ayon sa opisyal na pahayag ng pamantasan, nag-umpisa ang sunog bandang alas-12:43 ng tanghali kahapon sa isang laboratory room sa College of Arts and Sciences Building. Bagamat agad na rumesponde ang mga kawani ng LSPU-SCC, mabilis na kumalat ang apoy sa ikalawang palapag ng gusali.

Agad namang dumating ang mga bumbero mula sa Bureau of Fire Protection (BFP) at mga fire volunteers upang apulahin ang apoy. Naideklarang “contained” ang sunog bandang alas- 6:56 ng gabi.

Natupok sa sunog kahapon, Marso 13, ang ikalawang palapag ng College of Arts and Sciences Building ng Laguna State Polytechnic University-Sta Cruz Campus. Larawang kuha ni Jowe Ferrer

Sa opisyal nitong pahayag, nanawagan ang LSPU-SCC sa mga netizens na iwasang magpakalat ng di-beripikadong impormasyon na posibleng maging sanhi ng trauma sa mga apektado. “We ask for prayers as the affected family and the entire LSPU community go through this challenging time,” dagdag nito. 

Batay sa Facebook post ng LSPU-SCC Supreme Student Council, nasawi sa sunog si Trisha Macalagay, Public Information Officer ng organisasyon at estudyante ng BS Biology sa LSPU-SCC. Matatandaang nagwagi si Macalagay bilang Binibining Paete Ukit Taka noong 2022.

Dahil sa pinsalang dala ng sunog, pansamantalang suspendido ang face-to-face classes at face-to-face transactions sa LSPU-SCC. Ipinagpaliban rin ang entrance exam ng pamantasan, na nakatakda sanang ganapin ngayong araw.

Nakikipagtulungan ang pamantasan sa mga awtoridad para maisagawa ang imbestigasyon sa insidente.