Ulat ni Mhel Karlo B. Serdeña

Iprinesenta ni Dr. Fermin D. Adriano ang mga kasalukuyang kinakaharap na mga hamon sa sektor ng agrikultura sa Pilipinas sa isang seminar na pinamagatang “Philippine Agriculture in Crisis: What Should Our Response Be?”. (Mhel Karlo Serdeña/LB Times)
Ginanap ang talakayang “Philippine Agriculture in Crisis: What Should Our Response Be?” sa UPLB REDREC Auditorium nitong ika-7 ng Abril 2025 sa pangunguna ng UPLB Department of Agricultural and Applied Economics (DAAE) ng College of Economics and Management (CEM).
Nagsilbing tagapagsalita si Dr. Fermin D. Adriano, dating Undersecretary for Policy and Planning ng Department of Agriculture (DA) at propesor ng UPLB, na gumamit ng datos mula sa Philippine Statistics Authority (PSA) sa kanyang diskusyon.
“Pag ikinumpara niyo ho ang kontribusyon ng Pilipinas sa karatig bansa natin tulad ng Malaysia at Vietnam, makikita natin dito na maliit lang ho ang kabuuang kontribusyon ng agrikultura sa GDP natin,” pahayag ni Adriano.
Dahil sa kakulangan sa resources at mga lupaing nakalaan para sa pagsasaka, kinakaharap ngayon ng bansa ang trade deficits pagdating sa imports na nagreresulta sa mas mababang sahod ng mga manggagawa sa sektor ng agrikultura. Mababa rin ang antas ng eksportasyon ng mga produkto ng bansa, ayon sa datos.
Napansin din ang pagtaas ng poverty incidence sa mga pamilyang umaasa sa agrikultura mula 2003 hanggang 2015, kung ihahambing sa mga regular households. Isa ito sa mga dahilan sa unti-unting pagbaba ng interes ng mga kabataan ngayon sa agrikultura dahil sa kakulangan sa suporta at kita sa pagsasaka.
Naitala rin na ang karaniwang Pilipino ay gumagastos ng animnapung porsyento (60%) ng kanilang kita para sa pagkain. Dahil dito, ang pagkakaroon ng sapat at masustansyang pagkain ay naisasantabi. Isa ito sa mga pangunahing dahilan kung bakit laganap ang malnutrisyon, dulot ng kakulangan ng suplay ng pagkain at lupa na para sa pagsasaka na nagdudulot ng negatibong epekto sa intelektuwal na kakayanan ng mga bata.
Iminungkahi rin niya na mahalagang maisulong ang Farm Consolidation at Clustering upang mas mapataas ang farm productivity at oportunidad sa negosyong pang agrikultura. Dapat din ay gumamit ng mga pamamaraang hindi lamang nakasentro sa produksyon, kundi pati na rin sa buong sistema ng agrikultura.
Isa pa sa mahalagang pagtuunan ay ang pananaliksik at pakikipagtulungan sa mga pribadong sektor upang makahanap ng makabago at epektibong solusyon para sa agrikultura ng bansa.