Ulat nina Jai De Los Santos, Lovely Sayco, at Ally Felismino
“#ScamAlert: Ang wais na Pilipino, hindi naloloko.” Ito ang pamagat ng roadshow tungkol sa online scams at digital safety, na isinagawa ng ng online news site na Rappler sa UPLB College of Development Communication (CDC) noong Biyernes, Marso 28. Layunin ng nasabing programa ang magturo ng mga kasanayan para makaiwas sa online scam. Mahigit 100 ang dumalo sa pagpupulong, mula sa sa iba’t-ibang pamantasan ng Laguna, mga miyembro ng mga lokal na pamahalaan, at iba pang mga pampublikong dibisyon sa komunikasyon.
Nagsimula ang talakayan sa pagbusisi ng mga laganap na online scams at kung paano nabibiktima ng mga ito ang mga Pilipino. Ayon kay Gemma B. Mendoza, Rappler Digital Services Head and Lead Researcher on Disinformation and Platforms, “complacency” o pagiging kampante, ang isa sa malaking kahinaan ng mga netizens, lalo na sa mga nakatatandang social media users. “Iniisip nilang hindi sa kanila ‘yon (scam) mangyayari,” paliwanag ni Mendoza.
Tinalakay naman ng direktor ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na si Rojun V. Hosilos ang usaping cyber security. Binigyang-diin niya ang halaga ng personal na regulasyon sa online content laban sa mga cyberfraud. “Tulad ng pagtawid sa kalsada, let’s cross [through] the internet where it’s safe [and legal],” mungkahi Hosilos sa paggamit ng social media at sa pag-iwas sa mga online na manloloko.

Sinagot ng event speaker na si Gemma B. Mendoza ng Rappler sa mga katanungan sa naganap na panel discussion. Kabilang din sa panel sina Pia Ranada ng Rappler, Rodjun Hosilos ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center, Jay Beltran ng DILG-Laguna, at Giancarlo Morrondoz ng UP Internet Freedom Network.
Ginabayan naman ni Rappler Community Lead Pia Ranada ang isang open forum, kung saan nagkaroon ng pagkakataong magtanong ang mga kalahok sa event.
Bukod sa talakayan, nagkaroon din ng pagsasanay tungkol sa pag-document at pagreport tungkol sa online scams, pati na ang pagtulong sa mga komunidad apektado ng mga ito.
Sinubok din ng Rappler ang mga mag-aaral sa kanilang Digital Well-being at Fact Checking 101 na segment ukol sa paggamit ng mga online tools upang maprotektahan ang digital privacy at sa paglaban sa disinformation.
Ang proyektong ito ay kolaborasyon ng Rappler at #FactsFirstPh kasama ang CICC, Department of Interior and Local Government ng Laguna, at ang UPLB CDC.
Ang #ScamAlert ay isa sa mga ginagawang roadshow ng Rappler sa buong Pilipinas upang matugunan ang mga pampublikong isyu tulad ng mga scam.