Hustisya para sa desaparecidos, tinalakay sa ‘Alipato at Muog’ screening sa UPLB

Ulat ni Franz Aaron Varias

DISKURSO. Ang direktor ng pelikula kasama ang mga reactors na sina Aron Sierva, Xyrelle Supremo, Sophia Pangilinan, at Shine Nuñez para sa talkback session. (Franz Aaron Varias/LB Times)

“Iba’t ibang klase ng sining ang meron sa pelikula, kaya tingin ko mas epektibo siya. Tapos kahit na mamatay na ako, nandiyan na siya, ayun ‘yung pinakamahalaga sa akin na madocument at maikwento ko ang mga nais kong sabihin, kahit wala na ako.”

Ito ang pahayag ni JL Burgos, direktor ng dokumentaryong “Alipato at Muog,” ukol sa kapangyarihan ng sine sa pagtalakay ng mga isyu ng lipunan sa isang screening na ginawa sa UPLB NCAS Auditorium noong ika-8 ng Abril 2025.

Ang dokumentaryo ay tungkol sa biglaang pagkawala ni Jonas Burgos, kapatid ng direktor at isang aktibistang dinukot at naging desaparecido mula pa noong 2007. Isinalaysay din ang halos dalawang dekadang paghihirap at pagsigaw ng hustisya na personal na ikinaharap ng kanilang pamilya. 

TALAKAYAN.
Isang manonood ang nagbahagi ng tanong at pananaw sa talkback session matapos ang screening. (Franz Aaron Varias/LB Times)

Sa isang talkback session pagkatapos ng screening, ibinahagi ni Direk JL ang mga suliraning kanilang kinaharap sa paggawa ng kanilang dokumentaryo at ang kanyang layunin na mapanatili ang alaala ng kanyang kapatid sa pamamagitan ng sining. 

Bago maipalabas sa publiko, dumaan ang Alipato at Muog sa isang malaking pagsubok nang unang bigyan ito ng X-rating ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) na kalaunan ay ginawa rin na R-16 na nagbukas sa mas maraming manonood.

Ayon kay Direk JL Burgos, nanindigan sila na walang nilabag na pamantayan ang pelikula at walang sapat na basehan ang naging paghahatol ng MTRCB ng X-rating dito.

“Dahil nanindigan kami, maraming nanindigan kasama kami, may mga kapwa artists at filmmakers na pumunta sa labas ng MTRCB na nag-rally at prinotesta ang kanilang ginawa,” ani Burgos.

Sa kabila ng hamong ito, nagpatuloy ang pagpapalabas ng pelikula sa iba’t ibang unibersidad at screening venues. Kinilala rin ang Alipato at Muog sa 20th Cinemalaya Philippine Independent Film Festival, kung saan tinanggap nito ang pagkilala na Special Jury Prize. 

Ipinahayag naman ng mga naimbitahang reactors na mahalaga ang pagtindig at pagkakaisa sa kabila ng mga pagsubok. 

Ibinahagi ni Aron Sierva, Teaching Associate sa Department of Economics, “Sa kabila ng pananakot, sa kabila ng intimidasyon ng estado, hangga’t mayroon po sa atin na maglalakas loob na tumindig, buhay ang pag-asa para sa isang lipunan na malaya, na walang desaparecidos, na walang karahasan.”

Dagdag ni Xyrelle Supremo, Chairperson ng College of Forestry and Natural Resources Student Council, “Walang mali sa patuloy na pagtutok sa mga isyung ito at pagsingil sa mga may pananagutan,” na nagpapakita ng pangangailangan ng patuloy na pagkilos at pagkakaisa para sa hustisya.

Samantala, sinabi ni Sophia Isabel Pangilinan ng Karapatan Southern Tagalog na ang mga kabataan at mamamayan ay may malaki at mahalagang papel sa pagsusulong ng hustisya at pagtatanggol sa mga isyu sa karapatang pantao. “Kaya tayo bilang mga kabataan, bilang mga mamamayan, it’s imperative for us that we stand together and unite,” ani Pangilinan.

Binigyang diin din ni Shine Nuñez, Lecturer mula sa History Division ng Department of Social Sciences, ang kahalagahan ng paggamit ng ating mga natututuhan para sa kapakanan ng bayan. 

“Sana gamitin natin ang ating pinag-aralan, ang ating ginugugol na mga oras hindi lang para sa sariling pag-unlad kundi sa pagtulong ng ating kapuwa at ng ating lipunan, dahil tayo ay mga iskolar ng bayan na nag-aaral at lumalaban para sa bayan,” saad ni Nuñez.

Dagsa ang mga estudyante at miyembro ng komunidad sa registration area ng Alipato at Muog screening. (Franz Aaron Varias/LB Times)

Ang pagpapalabas ng dokumentaryong ito ay bahagi ng Cine UP, isa sa inisyatiba ng UP Alpha Phi Beta Fraternity na naglalayong maghatid ng mga pelikulang may temang panlipunan at mapalawak ang pag-unawa ng mga mag-aaral sa mga isyung hindi kadalasang naipapakita sa mainstream media. 

Binibigyang halaga rin ng programang ito ang kahalagahan ng sama-samang pagkilos ukol sa mga isyung panlipunan na may malalim na epekto sa bansa. Ang pelikula ay nagsisilbing paalala sa bawat isa ng kahalagahan ng pakikibaka at paninindigan sa panahon ng paninikil.

Dinaluhan ng mga estudyante, guro, at iba’t ibang miyembro ng komunidad ng Los Baños, ang screening ay nagnanais mas mapalalim ang kanilang pag-unawa sa mga isyung panlipunan, tulad ng karapatang pantao at pananagutan.