Los Baños Child Care Center, mas pinalawak ang serbisyo at pasilidad para sa mga anak ng mga single parent

Ulat nina: Carmela Nasam, Joyce Dalisay, Riva Jatulan, Kristel Delos Reyes, Francine Pineda

Binuksan na sa publiko ang mga karagdagang pasilidad ng unang gusali ng Los Baños Child Care Center (LBCCC) sa Brgy. Timugan nitong ika-31 ng Marso, sa pangunguna ng Municipality Social Welfare and Development Office (MSWDO) Los Baños.  Layunin ng LBCCC na matulungan ang mga magulang sa pag-agapay sa kanilang mga batang anak na nasa tatlo (3) hanggang limang (5) taong gulang.

Ayon kay Los Baños Municipal Social Welfare Development Officer Hanna Erika Erasga-Laviña, kumpara sa inisyal na pagbubukas ng LBCCC noong 2022, mas kumpleto na ngayong Marso ang kagamitan at mga educational material dito. Nagkaroon ng mga karagdagang pasilidad upang mas mapabuti ang serbisyo, tulad na lamang ng Reading Room, Writing Room, Clinic, Dining and Kitchen area, at Space Room. Kaakibat ng mga ito mga ang bagong scheduled program at mga aktibidad para sa bawat age group sa patnubay ng mga lisensyadong childcare workers na may kasanayan sa Early Child Care Development (ECCD).

Mga bagong kagamitan at educational material sa Los Baños Child Care Center (LBCCC) Educational/Tactile Learning Room. Larawang kuha ni Carmela Nasam

Dinagdag sa renobasyon ng LBCCC ang outdoor playground, Space Room kung saan maaaring magpahinga at matulog ang mga bata, Sunshine Room para sa mga art activities, at Recreational Room na mayroong mga educational toy para sa tactile learning ng mag-aaral, gayundin ang pagkakaroon ng nars at clinic sa loob ng center.

“Dalawa itong childcare (development centers) na nakaplano. Ito (Brgy. Timugan branch) ‘yong unang nag-operate. ‘Yong susunod nasa Brgy. San Antonio. Mas malaki naman siya dito (at) kinukumpleto na lang ang mga gamit… Possible… after June o July,” pahayag pa ni Erasga-Laviña tungkol naman sa ikalawang gusali ng LBCCC.

Saad naman ni Los Baños Development Management Officer Karen Mercado, kasalukuyang prayoridad ng programa ang mga batang anak ng mga solo parent ng Los Baños habang ito ay sumasailam pa lamang sa anila’y trial period.

Gayundin, nilinaw ni Erasga-Laviña na ang LBCCC ay magiging bukas para sa iba pang bata bilang secondary beneficiary sa Mayo ngayong taon.

Upang makapagparehistro ang magulang, makipag-ugnayan lamang sa opisina ng MSWD Los Baños o magpunta sa tanggapan ng LBCCC sa Brgy. Timugan at magsumite ng birth certificate, proof of relationship to the child, at katunayan na sila ay solo parent kalakip ang iba pang dokumento katulad ng updated baby book, vaccination record, at medical certificate ng mga anak. 

Bukas ang LBCCC mula Lunes hanggang Biyernes, mula 7 AM hanggang 4:30 PM. Maaaring bisitahin ang Facebook page ng Bagong Los Baños para sa mga anunsyo ukol sa pagpaparehistro, pagpapaabot ng donasyon, o pagnanais na magboluntaryo sa programa.