Konkretong e-vehicle policy, panawagan ng mga Los Bañense

Ulat nina Maryrose Alingasa, Darlene Shien Flores, at Hannah Lyn Rivero

Isa si Ann sa daan-daang komyuter ng pampublikong transportasyon sa Los Baños, partikular na ang electric vehicles o e-vehicles. Ayon sa kanya, lubhang nakatutulong ang e-vehicles, partikular na ang e-bikes, dahil na rin sa kaginhawaan na naibibigay nito sa byahe at sa kapaligiran. Ngunit sa kabila nito ay inaalala pa rin niya ang mataas na presyo ng pamasahe sa mga e-vehicles, katulad ng mga matatagpuan sa junction ng Los Baños.

Dahil dito, may mga iilan pa ring nais hindi sumakay sa e-vehicles, isa rin dito si Marielle, dahil sa paiba-ibang ng halaga ng pamasahe kumpara sa tradisyonal na pampublikong transportasyon. Para sa kanya, magandang magkaroon ng malinaw na taripa kada ruta ang mga e-vehicles na makikita ng publiko.

Kaya naman din para kay Mary Grace, isang empleyado sa Los Baños, ang pagkakaroon ng tamang patakaran sa paggamit ng e-vehicle ay maghihikayat sa kaniyang subukan ang paggamit nito. Isa sa kanyang suhestyon ay ang kasiguraduhan na ang drayber ay karapat-dapat magmaneho at marunong sumunod sa batas trapiko lalo na sa patuloy na pagdami ng mga e-vehicles na lubhang nakakaantala sa sistema ng transportasyon. Tatlo lamang sila sa mahigit dalawang daang sumasakay sa e-vehicles sa Los Baños. 

Mga patakaran tungkol sa E-Vehicles 

Bagaman unti-unting isinusulong ang green mobility dahil sa makakalikasan nitong benepisyo at potensyal na bawasan ang polusyon, may mga hamon pa rin na kinakaharap sa pagpapatupad nito. Ayon sa ilang mamamayan, mahalaga ang pagkakaroon ng maayos at malinaw na mga polisiya upang masiguro ang epektibong paggamit ng mga e-vehicles at maengganyo ang mas maraming tao na tangkilikin ang alternatibong paraan ng transportasyon.

Ayon kay Mr. Edilco Abad, pinuno ng Traffic Regulation Office (TRO) sa Los Baños, mayroong umiiral na ordinansa tungkol sa pagkakaroon ng prangkisa ng mga electric pedicab o e-bikes. Ang ordinansang ito ay naaprubahan noong taong ika-14 ng Pebrero taong 2020, kung saan naaayon ito sa resolusyon ng Municipal Tricycle Franchising Regulatory Board o MTFRB 2020-05. Ito ay isang resolusyon upang payagan ang umiiral na prangkisa ng padyak o tradisyonal na pedicab na maiangkop din sa mga e-bikes. 

Bago makakuha ng franchise, kailangan nakarehistro sa SCC (Standards Compliance Certificate). Ayun kasi ang nasa ordinance natin, na kailangan SCC registered ‘yung PODA o TODA”, dagdag pa niya ukol sa ordinansa. Ngunit dahil sa nakaraang pandemya at kawalan ng opisyal na opisina na mamamahala sa prangkisa, naudlot ang pagpaparehistro at pagkakaroon ng prangkisa ng mga nagmamaneho ng e-pedicab mula taong 2020 hanggang 2022. 

Sa patuloy na pagtaas ng bilang ng gumagamit ng mga e-vehicles sa mga pangunahing kalsada, isa sa mga usapin ay ang tungkol sa regulasyon at mga kaakibat na multa o parusa. Mayroong tamang ruta na ipinapatupad para sa mga e-bike at iba pang mga pampasaherong sasakyan. Isa sa mga unang itinampok ni Mr. Edilco ay ang multa na ipinapataw sa mga hindi sumusunod sa tamang ruta o prangkisa. Kapag nahuli ang isang e-bike o padyak driver na hindi nakarehistro o walang prangkisa, ang penalty ay maaaring umabot sa Php 2,500. Kung ang isang e-pedicab drayber ay gumagamit ng isang hindi awtorisadong ruta, tulad ng mga national roads na hindi bahagi ng kanilang itinalagang ruta, maaari silang pagmultahin. Ayon pa kay Mr. Edilco, ang e-pedicab o e-tric na ginagamit sa national road, na hindi sumusunod sa kanilang itinakdang ruta, ay tinutukoy na “out-of-line” o “out-of-route,” at may kaukulang multa na Php 1,000.

Sa kabilang banda, ang usapin ukol sa mga pribadong e-vehicle sa bansa ay patuloy na pinag-uusapan. Sa kasalukuyan, usapin pa rin sa kongreso ang ordinansa na naglalatag ng mga parusa para sa mga may-ari ng pribadong e-vehicle. Ang mga lokal na pamahalaan ay hindi makapagpataw ng anumang multa o parusa hangga’t wala pang direktiba o gabay na inilabas mula sa Land Transportation Office (LTO).

“Ang ginagawa na lang namin ay sinisita na lang namin sila, pero hindi namin hinuhuli, ang ginagawa namin ay pinapaalalahanan sila,” saad pa niya. 

Sa ganitong mga aksyon ng paglabag, ang mga awtoridad ay may pangunahing kakayahan upang sila ay bigyan ng babala at paalala tungkol sa mga regulasyon para sa maayos na paglalakbay sa kalsada. Ang mga patakaran o regulasyong ito ay may layunin na protektahan ang mga motorista. Kung patuloy ang hindi pagsunod sa mga alituntunin, tiyak na magpapatuloy ang mga multa at iba pang mga legal na aksyon.

Pambansang lagay ng Electric Vehicle 

Ayon sa datos mula sa Comprehensive Roadmap for the Electric Vehicle Industry (CREVI) noong 2023 ng Department of Energy, patuloy na tumataas ang bilang ng mga electric vehicle sa bansa. Mula sa 145 na bilang nito noong 2014 ay patuloy itong tumaas hanggang 2021 na umabot sa 8,593. 

Bagaman bumaba sa 12.55% ang bilang nito sa kasalukuyang datos na inilabas noong 2023, nakasaad sa pang-2023–2028 termino na layuning magkaroon ng 311,700 na e-vehicles sa bansa. Kalakip din nito ang 7,300 na charging stations. 

Sitwasyon ng Electric Vehicle sa Los Baños

Sa kasalukuyan, mayroong apat na Pedicab Operators and Drivers’ Association (PODA) sa Los Banos kung saan kabilang dito ang mga electric pedicab (e-pedicab). Ito ay ang (1) Bambang, Poblacion, Malinta PODA (BPMPODA), (2) Batong Malake, Mayondon, San Antonio PODA (BMMPODA), (3) Rhodas, Marymount PODA (RHOPODA), at (4) Tuntungin-Putho PODA (TP-PODA). Ang BMMPODA o tinatawag ding Team Padyak ang may pinakamalaking bilang na nasa 202 rehistradong e-pedicab ayon sa kasalukuyang datos na ibinigay ng TRU.

Kapansin-pansin ang pagtaas ng bilang ng pampasaherong e-vehicle sa Los Baños. Ayon kay Mr. Edilco, dahil sa pagnanais ng mga tao na umunlad, ang mga dating padyak ay unti-unting napapalitan ng e-pedicab. Gayunpaman, dahil kasalukuyang dinirinig pa rin sa kongreso ang usapin tungkol sa e-vehicle, nagkakaroon ng pag-aalinlangan ang mga tao sa pagpaparehistro nito.

Ipinaliwanag din niya na ayon sa Administrative Order No. 2021-039 na inisyu ng LTO, may mga nakasaad na pinagsama-samang gabay ukol sa klasipikasyon, pagpaparehistro, at operasyon ng lahat ng uri ng electric motor vehicles. Sa ilalim ng mga gabay na ito, may mga bahagi na hindi pinahihintulutan ang ilang uri ng e-bikes na magamit bilang pampublikong transportasyon.

Presensya ng Electric Vehicle sa UPLB

Ang Tipaklong Mobility Sharing Project ay nagbibigay ng tatlong pangunahing opsyon para sa mas mabilis at masayang paglalakbay. Kabilang dito ang paggamit ng elemechanical bikes, electric bikes, at electric kick-scooters. Sa pamamagitan ng pay-per-use, daily/weekly passes, at mga long-term subscription services, nagiging mas abot-kaya at praktikal ang sistema para sa lahat ng gumagamit, lalo na sa mga estudyante.  Para sa mga komyuter, mas naging mabilis ang kanilang pag biyahe at nakatitipid sila sa pamasahe. Nakatutulong din ang nasabing proyekto sa ating kalikasan dahil nababawasan ang emisyon ng carbon dioxide sa paggamit nito. 

Ang UPLB, sa pakikipagtulungan ng Pamahalaang Bayan ng Los Baños at ng kooperatiba ng Samahan ng Nagkakaisang Drivers at Operators ng Los Baños (SNODLOB), ay naglunsad naman ng mga makabagong electric microbuses. Ang mga ito ay tinatawag na  “eLBeep” na nangangahulugang Electric Light Bus para sa Environment and Economy Partnership. Bilang bahagi ng UPLB Green Mobility Initiative, ang eLBeep ay naglalayon na gawing moderno ang transportasyon sa campus sa pamamagitan ng pagbuo ng mga partnership at pagkakaroon ng inisyatibong pang-kalikasan.

Tugon mula sa mga komyuter

Nagsagawa ng survey ang mga may akda tungkol sa karanasan ng mga komyuter patungkol sa e-vehicle. Sa 50 na sumagot ng survey ay 76% sa kanila ay estudyante. Sa bilang na ito ay nasa BMMPODA ang may pinakamaraming komyuter na nasa 51.6%. Isa sa bilang na ito si Ann Venice Biete.

“Mas convenient kase di sya mausok at maingay sa byahe,” pagbabahagi ni Ann, isang estudyante.

Bagaman may katulad ni Ann na nakikinabang sa presensya ng e-vehicle sa Los Baños ay may mga komyuter ding hindi maganda ang naibahaging karanasan sa pagsakay sa e-vehicle halimbawa na lamang ang isinalaysay ni Marielle Khaye Beato.

“May one time na sumakay ako sa e-vehicle noong highschool, hindi pa kasagsagan ng mga e-vehicle mas mataas sila maningil kesa sa mga tricycle kaya sana pala ‘di na lang ako sumakay non,” ika ni Marielle.

Ayon sa Presidente ng BMMPODA, ang ruta na may pinakamalaking bilang ng e-pedicab na si Elisa Aronales, ang mga presyo ng pamasahe sa mga nakatakdang ruta ay usapan lamang ng mga miyembro ng asosasyon.

“Bale iyon po ay usapan lang po sa asosasyon (BMMPODA), depende po halimbawa ay kung may mag-overprice naman. Pwede naman po ireklamo sa akin,” paglilinaw ng Presidente ng samahan.

Naipaliwanag din ni Aronales na hindi pinapatawan ng taripa ang mga e-pedicab dahil hindi lumalabas ang mga ito ng national highway. 

“Kami kasi sa ordinance lang kami sumusunod pero pagdating sa taripa hindi kami pwedeng bigyan ng taripa kasi hindi naman kami nakakalabas ng highway. Kumbaga dito lang kami sa loob ng barangay,” paliwanag ni Elisa. 

Nagbigay paalala rin ang presidente ng BMMPODA sa mga kolorum na bumabyahe nang walang plaka mula sa munisipyo dahil sa bantang dala nito sa kaligtasan ng mga pasahero. 

“Ngayon, ang inaano (alalahanin) ko lang kasi. ‘Pag once ang isang nage-ebike, halimbawa ako hindi ako miyembro. Tapos once sumakay sa akin ang pasahero, at halimbawa may nangyari (aksidente), hindi naman natin inaasahan. May nangyari doon sa hindi miyembro, hindi ko sasagutin kasi hindi ko ‘yun miyembro, kumbaga kolorum ‘yun,” dagdag ni Elisa. 

Sa kabilang banda, 74% sa mga komyuter ay naniniwalang nakatutulong sa malinis na kapaligiran ang paggamit ng e-vehicle na pinaniniwalaan din ni Mary Grace Q. Campollo, isang empleyado. 

“Sa tingin ko, ang benepisyo ng paggamit ng evehicle is more on the environment side. Pero kung titingnan sa produktibidad, adding e-vehicle in the public transportation system has two effect (based on my observation) it help commuters to go somewhere but adding e-vehicles without any change in [transportation] system can also add to the heavy traffic. E-vehicle on personal use is useful to productivity,” pagbabahagi ni Campollo. 

Lumalabas sa pahayag ng mga komyuter sa survey na ang mga aspektong nararapat pagtuunan ng pansin ng lokal na pamahalaan ay batas at polisiya, inklusyon ng iba’t ibang sektor, pamasahe, kamalayan ng mamamayan, paradahan, at kapaligiran.

Panawagan ng mga komyuter

Patunay ang mga sentimento nina Ann, Marielle, at Mary Grace sa naitutulong at posibleng maitulong ng e-vehicle para sa mga komyuter. Gayunpaman, mahalaga ang papel ng lokal na pamahalaan sa epektibong regulasyon sa mga e-vehicles sa Los Baños. Kabilang dito ang maigting na pagpapatupad ng mga ordinansa, pagtiyak sa inklusibong mga patakaran para sa mga namamasada ng tradisyunal na sasakyan at e-vehicle, makatwiran na sistema sa pamasahe, kamalayan ng publiko ukol sa e-vehicle, maayos na paradahan, at pagsusuri sa epekto nito sa kapaligiran.

SUPORTA NG PAMAHALAAN. Kaakibat ng bawat pasada at pagsusumikap ng mga e-pedicab drivers ang gampanin ng LGU upang mapanatili ang kaayusan nito. (Maryrose Alingasa, Darlene Flores, & Hannah Rivero/LB Times)

Ang tumataas na bilang ng e-pedicab ay nagbibigay ng sapat na datos upang masusing pag-aralan pa ang mga umiiral polisiya at ordinansa, sa parehong lokal at pambansang antas. Mahalaga ang pagsiguro na ang anumang bagong patakaran ay hindi lamang nakatuon sa mga e-vehicles kundi nagbibigay din ng suporta sa mga namamasada ng tradisyunal na sasakyan. Ang ganitong balanse ay makakatulong upang mapabuti ang kabuhayan ng mga tsuper habang isinusulong ang mas maayos at makakalikasan na sistema ng transportasyon. 

Dahil dito, ang panawagan ng mga komyuter ng  Los Baños na paigtingin ang mga batas ukol sa e-vehicle ay nararapat lamang na maiparating sa mga kinauukulan.

“Kaya hinihimok ko silang bigyang-prayoridad ang pagpapaunlad ng accessible charging infrastructures, magbigay ng mga incentives tulad ng mga tax break at subsidyo, at suportahan ang e-vehicles ng mga pampublikong sasakyang pang-transportasyon,” mensahe ni Ann sa tagapagpatupad ng batas hinggil sa electric vehicles. Ang mga hakbang na ito ay mahalaga upang maisakatuparan ang isang inklusibo at sustainable na transportasyon para sa lahat.