Ulat ni Addie Macayan-Torres
Sa harap ng pabago-bagong panahon at tumitinding init ng mundo dulot ng climate change, matindi ang panawagan para sa agarang demokratiko at makatarungang aksyon na hindi nagtutulak ng alinmang sektor sa laylayan. Ngunit habang bumibilis lalo ang ‘climate action’ mula sa pampubliko’t pribadong sektor, nananatiling bukas ang tanong: sino ang papasan at haharap sa epekto ng mga pagbabagong ito?
Sa Laguna, isang non-government organization (NGO) ang nagsusulong ng kampanya para sa isang makatarungang transisyon sa paggamit ng enerhiya na hindi isinasantabi ang kapakanan ng mga nasa napag-iiwanang sektor—ang Renewable Energy Transition Institute o Reboot PH.
Binubuo ito ng mga climate advocates na naniniwalang ang pantay at demokratikong proseso ang dapat maging batayan ng anumang aksyon upang labanan ang climate change. Ayon kay Allein Espinoza, Local Coordinator ng Reboot PH Laguna, ang organisasyon ay nag-ugat sa isang training program na tinatawag na ‘Reboot Program’ bootcamp, kung saan nagsama-sama ang mga technical at social experts upang bigyang-pansin ang mga nuances pagdating sa usapin ng climate actions.
Mula rito, isinulong ng grupo ang panawagang Just Energy Transition (JET), isang adbokasiya na nagsusulong ng makatarungan at inklusibong paglipat mula sa paggamit ng fossil fuels tungo sa iba’t ibang renewable energy sources.
“Ang JET ay isang paniniwala na sa kabilang banda, kailangan natin magpalit ng mga pinagkukunan ng enerhiya sa mas sustenable o tinatawag nating renewable energy,” paliwanag ni Espinoza. Subalit pagdidiin niya, “Sa pagbabagong iyon, may [mga taong] naiiwan at mas lalo niyang napapalim ang inhustisya sa lipunan.”
Kaya para sa kanila, hindi lamang simpleng usaping pangkalikasan ang JET, bagkus ay isa itong usaping panlipunan at pampulitika na may malalim na epekto sa mga komunidad na madalas ay napag-iiwanan sa mga desisyon tungkol sa enerhiya.
Sa likod ng mapanlinlang na kaunlaran
Sa aktwal na pagpapatupad ng transisyon sa enerhiya, lumalabas ang mas mabigat na hamon: paano ito maisasagawa nang hindi pinapalalim ang siklo ng inhustisya? Sa pananaw ni Espinoza, ang JET ay hindi maihihiwalay sa mas malawak na konteksto ng “development aggression,” o ang mga proyektong isinusulong sa ngalan ng kaunlaran ngunit kadalasan ay nakapagdudulot ng mapanirang epekto sa mga nasa bulnerableng komunidad.
“Tatlong emblematic develoment projects ang tinututukan ng Reboot [PH] ngayon. Una ay yung Twin dams hydropower dam sa Pakil; pangalawa, yung floating solar; pangatlo, yung LLR na circumferential road network,” paglalarawan niya.
Likha ni Sean Angelo Guevarra
Bagaman nakatuon ang Reboot PH sa mga isyung may kinalaman sa enerhiya, hindi maihihiwalay sa kanilang adbokasiya ang pagtutok sa mga usapin hinggil sa mga development projects, lalo na kung ang mga ito ay may direktang epekto sa mga nasaa bulnerableng sektor ng lipunan.
“Yung Just Energy Transition ay naka-subsume lang bilang konsepto doon sa mas malawak na development aggression. While hindi namin adbokasiya ito bilang organisasyon, adbokasiya namin ito bilang development workers kaya, hindi mapaghihiwalay na kailangan din namin na kilusan din ito,” paliwanag pa niya.
Para sa Reboot PH, mahalaga ang makatarungang proseso ng transisyon hindi lang bilang proteksyon sa kalikasan, bagkus bilang pagpapahalaga sa dignidad at kabuhayan ng mga nasa laylayan. Ani Espinoza, ang mga nasa marginalized groups ang madalas kailangang mag-adjust para sa mga climate response technologies.
“Mayroong itatayong 2,000 ektaryang Floating Solar [Project] dito sa Laguna de Bay” saad ni Espinoza. Binigyang-diin niya na mayroong direktang epekto ang proyektong ito sa sektor ng mga mangingisda dahil aniya’y “kakain [ito] sa espasyo [ng] pangingisda.”
Ang prosesong ito ay maituturing na hindi makatarungan para sa nasabing sektor. paliwanag ni Espinoza, “Ikaw na [nga] ang [kabilang sa] pinaka-bulnerableng sektor safety wise, tapos economically, ikaw din ang mas bulnerable, tapos ikaw pa ang kailangan mag-adjust.”
Bilang tugon sa lumalalang banta ng hindi patas na transisyon, isinilang ang ‘Kasama Ka! Laguna,’ isang kampanya na isinusulong upang matiyak na ang mga tradisyonal na bulnerableng grupo ay hindi naiiwan sa gitna ng kabi-kabilang proyektong pangkaunlaran sa Laguna.
Mula sa prinsipyo ng Sustainable and Inclusive Development o SID, ang kampanya ay nagsusulong ng makatarungan at patas na transisyon sa enerhiya, pagkakapantay-pantay sa kaunlaran, at aktibong partisipasyon ng mga mamamayan. Pinangungunahan ito ng mga civil society organizations, eksperto sa akademya, lokal na pamahalaan at pribadong sektor, at mismong mga miyembro ng komunidad, kung saan ang Reboot PH ang nagsisilbing secretariat.
Para sa maka-masa at makatarungang kaunlaran
Isa sa mga layunin ng Reboot PH ay magkaroon ang mga sektor na may limitadong boses ng pagkakataong mabigyang kahulugan ang ibig sabihin ng “makatarungan” para sa kontekstong kanilang kinabibilangan, kasabay ng pagsasa-ayon ng mga layunin at aksyon ng organisasyon batay sa saloobin ng mga mamamayan.
Sa pamamagitan ng serye ng konsultasyon at pakikipanayam sa mga miyembro ng komunidad, sinisikap ng nasabing NGO na ilapit ang diskurso ng enerhiya sa mismong mga maaapektuhang sektor, kaakibat ng pagtanaw sakanilang mga pagtindig sa kung ano ang isang “makatarungang kaunlaran.”
“Sa Pakil, ang makatarungan para sa kanila ay tutulan itong Hydropower Dam kaya tinututulan natin iyon. Sa bahagi naman ng mga mangingisda, gusto nila makahanap ng espasyo kung saan makakasama sila doon sa Solar [Project], hindi nila tutulan pero may mga kondisyon sila na kailangang makamit. [Kaya naman] sinusuportahan natin iyon,” pagpapahayag ni Espinoza ng kanilang paniniwala sa Reboot PH.
At kung muling babalikan ang naunang katanungan kung sino ang dapat pumasan ng mga proyektong naka-angkla sa layunin ng kaunlaran, isa lamang ang malinaw na kasagutan para sa Reboot PH: ang transisyon tungo sa malinis na enerhiya ay hindi tunay na makatarungan kung may naiiwang sektor sa laylayan ng lipunan.
“Isa sa magandang batayan ng hustisya ay pantay ang epekto at benepisyo. Ang gusto natin sa dulo’t dulo, mas lamang yung benepisyo nila [miyembro ng bulnerableng sektor] kaysa sa negatibong epekto para sa kanila,” mariing sinabi ni Espinoza.
Sa gitna ng umiigting na krisis ng klima, nananatiling mahalaga ang mga panawagan para sa mabilisang aksyon mula sa mga kinauukulan. Subalit, kaagapay din ng responsibilidad na ito ay masigurong sa bawat hakbang ay walang komunidad ang maiiwanan.
Kaya naman, ang mga organisasyong tulad ng Reboot PH ay nananatiling mahalaga hindi lamang para sa pagpapalawig ng mga ganitong panawagan, kung hindi para rin sa isang transisyon na binibigyang-espasyo ang mga mamamayan na makilahok sa mahahalagang usapin para sa inaasam na makatarungang kaunlaran.
“Hindi natin sinasabi na mali yung mga renewable energy projects. Ang sinasabi lang natin ay hindi [dapat] nakaatang dito sa mga basic sectors yung mismong pagresponde sa mga epekto ng climate crisis,” ani Espinoza.