24-hour convenience store sa Bay, na-holdap

Ninakawan ng dalawang armadong kalalakihan ang isang branch ng Alfamart Convenience Store malapit sa Jubileeville Subdivision, Brgy Masaya, Bay Laguna, noong madaling araw ng Martes, Abril 15. 

Ayon kay Angelito de Mesa, kapitan ng Brgy. Masaya, alas-dos ng madaling araw ng makatanggap ng tawag ang barangay mula sa Bay Municipal Police Station tungkol sa nangyaring nakawan. Agad naman silang nagtungo sa lugar at tiningnan ang CCTV ng tindahan. Kasalukuyang hindi gumagana ang CCTV ng barangay matapos itong madamay sa sunog, dalawang buwan na ang nakaraan. 

Ninakawan ng dalawang armadong lalaki ang branch na ito ng Alfamart sa Masaya, Bay, Laguna noong madaling-araw ng Abril 15. Larawang kuha ni Jyas Bautista

Batay sa salaysay ng dalawang empleyado na naka-duty noon sa convenience store, hinampas ng baril ng isa sa sa mga kawatan ang lalaking crew member, na noon ay naglilinis sa labas ng tindahan. Tinutukan naman umano ng baril ang kahera sa loob. Tinatayang nasa Php 13,000 ang halaga ng nakuhang salapi, ayon kay Kap. de Mesa. Agad namang tumakas papuntang Calauan ang mga magnanakaw, sakay ng kanilang motorsiklo, at nakaalis na bago pa makarating ang mga pulis. 

Batay sa mga ulat, walang security guard ang tindahan nang mangyari ang insidente. “Matagal ko na po sinasabi sa kanila na maglagay sila ng gwardiya sa Alfamart, dahil hindi naman po lahat ng kanilang pangangailangan ay mapo-protektahan namin,” saad ni Kap. de Mesa. Bukod pa rito, ang mga tanod ng barangay ay hindi awtorisadong magdala ang baril habang nasa trabaho, ayon sa Department of the Interior and Local Government.  Kung mayroon sanang security guard ang tindahan, “magkakaroon ng alinlangan ang mga nag-iisip ng masasama,” dagdag ni de Mesa. 

Kasalukuyang naka-temporary leave ang dalawang Alfamart crew members na nakaharap ng mga kawatan, ayon sa kanilang officer in charge na si  Jane Robles. 

Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya, bagama’t tumanggi silang magbigay ng pahayag sa ngayon. 

Patuloy naman ang pag-iikot ng mga tanod sa lahat ng bahagi ng barangay tuwing gabi upang maprotektahan ang mga residente. 

Hiling ni Kap. de Mesa, makipagtulungan sana ang mga negosyo sa barangay, lalo na sa usapin ng peace and order. “Ang akin lang po sanang mahihiling na tulong din sa aking mga ka-barangay, lalo’t higit sa mga malalaking businessman dito sa amin, ay magtulungan kami. Kung sila’y may pangangailangan na puwede naming maitulong sa barangay…ay kami naman ay laging nakalaan para maiwasan na yang mga ganyang insidente. At kagaya nga po niyan sa Dali at Alfamart, ang akin lang pong sanang hinihinging tulong sa kanila, ay maglagay sila ng guwardiya, nang sa gayon ay maiwasan po na magkaroon ng mga problemang kagaya niyan,” sabi niya.