Ulat nina Zcyrel Barola, Katrina Barcelona, Demi Laborte, at Earl Masongsong

NASA LARAWAN: Tuloy-tuloy ang pabása ng Pasyón nitong Mahal na Araw sa Immaculate Conception Parish – Los Baños. Kuha ni Arianne Joy De Torres
Tahimik ang mga kalsada, walang pasok ang mga manggagawa at mag-aaral, at sa mga sulok ng barangay ay maririnig ang mala-awit na pagbigkas ng kasaysayang matagal nang isinabuhay ng pananampalataya—ang pabása ng Pasyón. Ganito ang karaniwang sitwasyon sa ilang barangay sa bayan ng Los Baños tuwing Semana Santa.
Ngunit sa likod ng tila tahimik na pagninilay, isa ring tahimik na hamon ang kinahaharap ng tradisyon ng Pasyón sa bayan: paano ito mapananatiling buhay sa panahon ng mabilis na modernisasyon at ano ang gampanin ng kasalukuyang henerasyon sa pagpapatuloy nito?
Pasyón: Kahulugan at kahalagahan
Ayon sa National Museum of the Philippines, ang pabása ng Pasyón ay ang pag-awit o pagbigkas sa buhay, pagkamatay, at muling pagkabuhay ni Kristo na isinasagawa mula pa noong 1700s. Sinasabing ang Pasyón ay isang mahalagang bahagi ng panitikang Tagalog na tumatalakay sa pananampalatayang Kristiyano.
Bagama’t iilan na, may mga residente pa rin ng Los Baños na ipinagpapatuloy ang tradisyon ng pabása. Isa na rito ang 39 anyos na si Jose Paolo Natividad, ang kasalukuyang presidente ng Confraternity of Saint Joseph at 17 taon nang sumasali sa mga pabása ng Pasyón. Para sa kanya, ang Pasyón ay isang paraan ng pagsasariwa ng kadakilaang ginawa ni Kristo para sa sangkatauhan at nagsisilbing paalala para sa mga tao sa simula ng paggunita ng Semana Santa.
“Iyon [pabása ng Pasyón] ay nagiging hudyat para sa kanila na ‘aba, tayo ay magsimba na, tayo ay pumunta ng simbahan, tayo ay mag-istasyon na ng krus,’ kasi ito na nga yung Holy Week na sinasabi,” paliwanag niya.
Tulad ni Jose, si Lourdes Banasihan, isang 61 anyos na katekista ng Immaculate Conception Parish Church at walong taon nang sumasali sa mga pabása, ay labis din ang pagpapahalaga sa nasabing tradisyon. Aniya, mahalaga ang pabása ng Pasyón dahil sa dala nitong kaligayahan sa kaniyang buhay.
“Ito ‘yung nagbibigay sa’kin ng ligaya. Para siyang nagbibigay ng buhay sa ‘kin kaya ako’y nagbabasa ng Pasyón. Para bang gamot siya sa akin,” wika ni Lourdes.
Para kina Jose at Lourdes, hindi lamang panata bilang mga deboto ang kahulugan ng Pasyón, kundi isang personal na karanasan ng pananampalataya at kagalakan. Ngunit sa paglipas ng panahon, hindi maikakailang unti-unti nang nagbabago ang anyo at kahulugan ng tradisyong ito para sa maraming Pilipino—lalo na sa pag-usbong ng teknolohiya at pagbabago ng pamumuhay.
Mga hamon sa pagpapatuloy ng Pasyón
Naggagandaha’t nagkikintabang mga altar, mga putaheng ihinanda ng parokya o pamilyang nagbukas ng kanilang tahanan, at tunog ng gitara’t tinig ng mga mambabasa—ganito ang karaniwang matatagpuan sa pabása ng Pasyón noon. Ngayon, habang patuloy ang pagsusumikap ng ilang deboto at parokya na buhayin ang tradisyon ng pabása, malinaw na nahaharap ito sa iba’t ibang suliranin.
Isa sa mga nabago sa pabása ng Pasyón ay ang bilis ng pagbasa nito. Sa tradisyonal na gawi, ang pabása ay kadalasang umaabot ng ilang araw at nagtatapos sa Biyernes Santo. Ngunit sa kasalukuyan, dahil sa haba ng Pasyón, iniiklian ito ng ibang mga grupo upang makabawas sa gastos sa pagkain at iba pang gastusin tulad ng dekorasyon, sound system, at, minsan, pamasahe.
Sa Los Baños, napansin ni Lourdes na tinadtad o binibilisan na ang pag-awit ng Pasyón, bagay na kanyang ikinalulungkot sapagkat hindi na raw ito lubusang nararamdaman ng mga mambabasa. Aniya, noon daw ay umaabot ng 24 oras o isang buong araw ang tipikal na Pasyón ngunit ngayon ay tila palagi itong minamadaling tapusin.
“Para sa ‘kin, hindi dapat. Kasi hindi ko mararamdaman […] Kasi ‘pag ‘yung mabagal, parang damang-dama mo na… kahit ikaw mismo ang kumakanta, parang may nararamdaman ka sa katawan mo na kakaiba,” pagbabahagi ni Lourdes.
Paliwanag ni Jose, isa sa mga maaaring dahilan ng pagbilis ng pag-awit ng Pasyón ang pagiging hati ng atensyon ng mga maybahay—ang mga karaniwang kasama sa mga pabása—sa kani-kanilang responsibilidad na naiiwan sa tahanan. Gayunpaman, ipinabatid pa rin niya ang pagtutol sa pagmamadali sa pagbabasa.
“Hindi rin ako pabor doon sa mga nagmamadali kasi kapag minadali, parang hindi ka kaisa doon sa kwento […] Parang buka na lang nang buka ‘yung bibig mo pero ‘yung nasa isip at nasa puso mo, wala na. Kasi ang goal mo ay matapos, hindi yung mabasa yung buong kwento,” aniya.
Sa kabila ng mga ito, hindi pa rin nauubos ang mga pamilyang nagbubukas ng kanilang tahanan para sa pabása. Gayunpaman, naobserbahan naman ni Marco na humupa na ang bilang ng mga residenteng nagpapabása sa kani-kanilang tahanan.
“May’rong sa bahay ginagawa. Pero dito sa Los Baños, mga iilan na lang. Hindi na kagaya noon na maraming pamilya ang nagpapabása,” aniya.
Sa pagkawala ng mga matatandang nagsisilbing lider, nawawala rin ang mga tahanang nagsisilbing sentro ng tradisyon. At sa pagkawala ng tradisyong ito, nabubura ang bahagi ng kolektibong alaala at espiritwalidad ng mga Kristyano.
Isa pa sa mga hamon sa tradisyon ng Pasyón ang limitadong partisipasyon mula sa mga kabataan. Gayunpaman, bagama’t madalang ay may iilan pa ring kabataang sumasama sa mga pabása ng Pasyón sa Los Banos. Kasama na rito ang mga debotong sina Marco Balmaceda, 21 anyos na volunteer at choir member ng San Antonio De Padua Parish at Jann Will Evangelista, 17 anyos na miyembro ng Confraternity of Saint Joseph at sakristan sa Immaculate Conception Parish Church.

NASA LARAWAN: Si Jann Will Evangelista, 17 anyos na sakristan ang isa sa mga kabataan sa bayan na nakikiisa sa pabása. Kuha ni Arianne Joy De Torres
Para sa kanilang dalawa, higit pa ang Pasyón sa mga tradisyonal na pagpapakahulugan dito.
“Sa pabása, hindi lang kami basta nagbabasa—nakikiisa kami sa paghihirap, pagkamatay, at pagkabuhay ni Kristo,” wika ni Marco.
Paliwanag naman ni Jann, ang pagpapasyon ay hindi lamang nakasentro sa kamatayan ni Hesus kundi pati rin sa kasaysayan ng kaligtasan. Inihalintulad niya rin ito sa buhay ng tao.
“Para ding Pasyón ‘yan, e, ang buhay natin. Sa una, nagkakaroon tayo ng kagalakan, pero may panahon din naman na dumadaiting tayo sa kapighatian, mahirap. At sa bandang huli, do’n naman tayo nagkakaroon ng kasiyahan, so paikot-ikot lang, para ding libro ng Pasyón.”
Ibinahagi rin nila ang pangamba ng pagkawala ng tradisyon ng Pasyón dulot ng matandang edad o minsan ay pagpanaw ng mga matandang nagpapabása ng Pasyón.
Paliwanag ni Jann, sa kasalukuyan ay may mga magbabasa na sa halip na nagpapahinga na dahil sa kanilang edad o kalagayan ay patuloy pa ring dumadalo sapagkat walang ibang hahalili sa kanilang tungkulin. Sa kanilang pag-alis, nangangamba ang ilan na maaaring tuluyan nang mawala ang pagpapatuloy ng pabása.
“Kaya sa ‘kin, [may] kahalagahan na may mga bata pa rin talaga na mga katulad ko na matuto sa pagbabása, para naman may mga kapalit na sila. Kasi syempre, maghapon ‘yung pagbasa ng Pasyón, [kailangan] magpapahinga ka rin do’n. Para may papalit din,” wika niya.
Kasabay nito, nananatili pa ring hamon ang interes ng kabataan sa ganitong uri ng panrelihiyong gawain. “Mas inuuna nila ang cellphone, ang pag-e-ML, computer, and everything,” ani Jose.
“Syempre, iba na ‘yung panahon ngayon sa panahon noon. Mas pipiliin ng kabataan mag-beach, mas pipiliin ng mga kabataan mag-swimming kaysa maglagi dito sa simbahan ngayong Mahal na Araw. Kaya isa na rin ‘yun sa factor na kumonti na ‘yung mga nagpapabása,” paliwanag naman ni Marco.
Sa harap ng iba’t ibang hamong dala ng modernisasyon, nawawalan ng puwang ang Pasyón sa buhay ng mga kabataan. Bagama’t may ilan pa ring kabataang lumalahok tulad nina Marco at Jann, hindi maikakailang sila ay tinig lamang sa gitna ng mas malawak na katahimikan mula sa kasalukuyang henerasyon.
Kabataan at ang kinabukasan ng Pasyón
Sa kabila ng mga pangamba sa henerasyong inaasahang magpapatuloy nito, mas lumalawak din ang mga hakbang na muling buhayin ang diwa ng Pasyón sa mga kabataan—hindi lamang bilang manonood kundi bilang aktibong kalahok sa pabàsa.
“Kailangan maituro namin sa mga kabataan kasi paano na? Paano na maipagpapatuloy ‘yung napakakulay na tradisyon, lalo ng isang Katoliko, kung matitigil na ‘yung tradisyon ng pagbása ng Pasyón?” pangamba ni Jose.
Dagdag pa ni Lourdes, mahalaga ang pagkakaroon ng kabataang kahalili dahil karamihan sa mga kasamahan niya ang wala nang kakayahan pang sumali sa taunang pabása, kaya’t lalong nagiging mahirap ang pagtitipon tuwing mayroong pabása.
Gayunpaman, nilinaw nila na mahalaga ring maunawaan na ang pagsali ng mga kabataan sa Pasyón ay hindi maaaring basta na lamang ipilit. Ayon kay Jann, mas mahalaga na kusang-loob ang pakikiisa at pagsali ng mga kapwa nya kabataan.
“Mas maganda kung ‘yung magbabasa ng Pasyón ay ‘yung mga kabataang gusto talagang matuto. Hindi ‘yung, ‘Ay pinilit lang ako ng president [ng samahan] na kailangan kong bumasa ng Pasyón,’” pagbabahagi niya.
Ayon pa kina Jose at Lourdes, mas epektibo ang pakikilahok sa tradisyong ito kung ito ay dumaan sa prosesong unti-unti at naaayon sa takbo ng interes ng mga kabataan. Mula sa pagiging bahagi ng choir at pagsali sa gawain ng simbahan hanggang sa pag-upo at pakikinig sa pabása, maaaring umusbong ang interes at pag-unawa ng kabataan sa esensya ng tradisyon.
Mungkahi naman ni Jann, maaring makatulong ang pakikipag-ugnayan sa organisasyon gaya ng Parish Youth Commission na mayroon sa bawat parokya. Batid niya na sa pamamagitan ng mga ganitong samahan ay magandang mahamig ang mga kabataan na pumunta at makiisa sa pabása.
Gayunpaman, ipinaliwanag ni Marco na ang panghihikayat ay hindi lamang tungkulin ng simbahan. Batid din niya na ang kabataan, mga pamilya, pamahalaang lokal, at mga organisasyon sa simbahan ay may kani-kanilang gampanin sa pagpapatuloy ng tradisyon.
Ang pananampalataya, gaya ng Pasyón, ay buhay na kalinangan—pinagyayaman, ipinapasa, at isinasabuhay. Sa bawat tahanang hindi na binubuksan at sa bawat kabataang hindi na lumalahok, unti-unti ring nawawala ang tradisyong minsang sentro ng komunidad tuwing Mahal na Araw.
Ngunit para kina Jose, Lourdes, Jann, at Marco, hindi kailanman sarado ang pabása sa mga bagong tinig. Hangga’t may handang bumasa, makinig, at umunawa, ang Pasyón ay mananatiling buhay, hindi lamang bilang tradisyon, ngunit kundi bilang pamamaraan ng pananalig at pananampalataya.