Ulat nina: Justine Bajada, Mithi Balladares, Aarish Constantino
LOS BANOS, LAGUNA – Isa ang kumpirmadong nasawi matapos matupok ang apat na bahay sa Purok 4, Baybay Riles, Barangay San Antonio noong ika-13 ng Abril.
Ayon sa pahayag ng mga kawani ng barangay at sa isang apektadong residente, lampas alas-tres ng madaling araw nagsimula ang sunog. Labing-anim ang kabuuang bilang ng mga nasunugan kasama ang nasawi.
Sa panayam kay FO1 Dominic Paul Perez, sinabi nito na 3:27 a.m. nakatanggap ng tawag ang Bureau of Fire Protection (BFP) at dumating sa lokasyon apat na minuto ang makalipas. Idineklarang fire out na ang lugar ng 4 a.m.
Tinatayang umabot sa mahigit isang milyong piso ang halaga ng pinsalang dulot ng sunog.
Ayon kay Veronica Felismina, 37 anyos, isa sa mga naapektuhan ng sunog, hindi nila agad napansin na ang katabing bahay ay nasusunog na dahil sa pag-aakala na ang nararamdamang init ay dala lamang ng matinding init ng panahon.

Ang bahay ni Veronica Felsimina, isa sa mga nasunugang bahay sa insidente. Larawang kuha ni Mithi Balladares
“‘E ang mga anak ko ang sasarap ng tulog, yung kwarto pa naman nila nasa may likod. Yung pakiramdam kase ng panganay ko, ‘mainit’ daw, eh siyempre mainit ang panahon, di niya iniisip na may sunog. Nung nagising ako saka lang sila naalimpungatan kase ang lakas ng boses ko,” aniya.
Tanging refrigerator lamang ang kaniyang naisalba. Kahit telepono ng kaniyang asawa, na ginagamit panghanap-buhay, ay hindi nailigtas sa apoy. “Ang pinakamasakit po doon, ang cellphone ng asawa ko nasama din sa sunog, eh ‘yun lang ang pinagkakakitaan niya. On call driver kase siya”, ayon sa kanya.
Kasama rin sa sunog ang barberya ni Alberto del Mundo, na bahagi mismo ng kaniyang bahay. Mahimbing ang kaniyang pagkakatulog nang biglang maalimpungatan dahil sa mga sigaw ng mga kapitbahay na may nasusunog.
Nasawi ang isang lalaki dahil sinubukan nitong balikan ang pera sa loob ng bahay habang ang apoy ay patuloy na lumalaki. Ang kaniyang asawa ay isinugod sa ospital dahil inatake sa puso.
Pansamantalang nakikitira ang mga nasunugan sa kanilang mga kapitbahay, kaibigan, at kamag-anak na malapit sa kanila. Bukod sa dalawampu’t limang kilong bigas, de lata, at mga damit na binigay ng barangay, umaasa ang mga nasunugan ng karagdagang tulong mula sa munisipyo upang makapag simula muli. Hindi pa natutukoy ang pinagmulan ng sunog at kasalukuyang nag-iimbestiga pa ang BFP.