E-Waste: Yaman o Basura?

Ulat nina Fernando Hurtado III at Aina Patricia Febrero

Mga Donor na nagbigay ng kanilang e-waste noong February Fair 2025. (Fernando Hurtado III/LB Times)

Sirang bumbilya, telepono, wires, monitor, at iba pa—ilan lamang ito sa tinatawag na electronic waste o e-waste.

Sa panahon ng mabilisang teknolohikal na pag-unlad, kasabay din ang pagdami ng mga sira at hindi na nagagamit na elektronikong kagamitan. Ngunit ito ba ay simpleng basura lamang, o maaari rin itong maging yaman?

Ang electronic waste o e-waste ay basurang nagmumula sa mga luma, sira, o hindi nagagamit na elektronikong kagamitan. Isa ito sa mga may pinakamabilis na pagdami ng basura sa mundo. Ito rin ay may masamang epekto kung maihalo sa ibang klase ng basura dahil may mga kemikal at parte ang e-waste na maaaring matunaw at magdulot ng polusyon sa lupa at tubig. Gayunpaman, ang e-waste ay maaaring mapakinabangan kung ito ay maayos na ma-recycle at ma-dispose nang tama.

Ito ang nais isulong ng The E-Waste Project-ELBI (TEP-ELBI) ng UP ECOSYSTEMSS. Layunin nitong makapagpalawak ng kamalayan sa mga tao at komunidad tungkol sa wastong pangangasiwa ng e-waste, kabilang ang tamang pagtatapon, pagre-recycle, at pagkakaroon ng economic value nito.

Nagsimula ito noong 2017 at ang proyektong ito ay mula sa The-E-Waste Project Consortium sa Diliman, Quezon City sa Maynila. Nakita nila John Paulo Quitoriano ng UP Ecosystemss na maganda itong halimbawa upang maisaayos at maikalap ang kahalagahan ng pangongolekta ng e-waste. 

Isa mga unang e-waste collection ng TEP-Elbi noong 2018 sa likod ng UPLB Humanities Building.

Ayon kay Carla Sebastian ng TEP-ELBI, ang kanilang layunin ay higit pa sa simpleng pangongolekta ng e-waste. 

“Ang goal namin actually is to promote intellectual environmentalism at ang pagko-collect ng e-waste ay isa sa mga proyektong nakikita naming gawin at mapalaganap ang ganitong pagpo-protekta sa kalikasan,” aniya.

Dagdag pa niya na magkaiba ang paraan ng pangangasiwa ng solid waste at e-waste, na kinakailangan ng espesyal na proseso.

Sinang-ayunan ito ni Edgielyn Macasaet ng UP ECOSYSTEMSS, na binigyang-diin ang kahalagahan ng maayos na pamamahala ng e-waste. 

“We should handle our e waste well cause they’re very toxic, pero also valuable so dapat may proper e-waste management talaga,” sabi niya.

Tuwing February Fair sa UPLB, isa sa mga pangunahing aktibidad ng UP ECOSYSTEMSS ay ang pagtatayo ng booth para sa mga taong nais ibahagi ang kanilang e-waste. Sa ganitong paraan, nagkakaroon ng oportunidad ang mga estudyante at residente na itapon nang wasto ang kanilang sirang gadgets o appliances.

Matapos kolektahin ang e-waste, ito ay inilalagay sa tamang mga imbakan upang maiwasan ang pagtagas ng mga nakakalasong materyales at mapadali ang wastong pagproseso. May maayos na sistema ang TEP-ELBI sa pag-iimbak ng nakolektang e-waste bago ito dalhin sa mga recycling at waste management facilities.

Ayon kay Engr. Christian Paulo C. Altoveros, Engineer II and Pollution Control Officer ng University of the Philippines Los Baños, inilalagay ang nakolektang basura sa waste-to-energy facility na kung saan ang ilang uri ng basura ay kino-convert sa kuryente sa pamamagitan ng combustion. 

Paliwanag niya, “Balak natin na yung mga waste na magegenerate natin, icoconvert siya into electricity so dun siya napupunta ngayon lahat.”

Ang pangongolekta ng e-waste at paghihiwalay nito sa ibang klase ng basura ay isang magandang halimbawa ng pangangalaga at pagmamalasakit sa kalikasan. Ang e-waste ay maaaring ituring na basura kung hindi wasto ang pagtatapon nito, ngunit maaari rin itong maging yaman kung maayos na maire-resiklo at mapapakinabangan muli.

Hindi na lamang simpleng basura ang e-waste—ito ay isang pagkakataon para sa pagbabago. Sa tulong ng TEP-ELBI, patuloy na naisusulong ang wais na pangangalaga sa kalikasan tungo sa isang mas malinis at mas makakalikasang pamumuhay.