Ulat ni Ashley Pauline Lansin

NASA LARAWAN: Mga volunteer na doktor, sina Dr. Manilyn Jamora at Dr. Don Kim Bariata, habang nagsasagawa ng konsultasyon sa kanilang mga pasyente. Larawang kuha ni Ashley Pauline Lansin
LOS BAÑOS LAGUNA — Umabot sa 126 residente ng Brgy. Timugan ang nabigyan ng libreng serbisyong medikal sa isinagawang Dr. Avelex S. Amor Memorial Medical Mission ng UPLB Zoological Society noong Abril 12, 2025, mula 7:00 ng umaga hanggang 12:00 ng tanghali.
Pinangunahan nina Justin Wynne Alojado at Rikki Palomo, mga chairperson ng Socio-Cultural and Services Committee, ang taunang medical mission na layong magbigay ng libreng check-up, gamot, at pangunahing paggamot sa mga miyembro ng komunidad.
“Collaborative ang buong proseso mula sa pagpaplano hanggang sa mismong araw ng mission,” ani Alojado, na nagsabing ibinatay nila ang kanilang plano sa naging karanasan sa mga nakaraang taon.
Mula sa dating simpleng medical mission, ipinangalan na ito ngayon bilang Dr. Avelex S. Amor Memorial Medical Mission bilang paggunita kay Dr. Avelex, isang doctor to the barrios na nasawi habang tumutulong sa mga pasyente.
“Layunin naming ituloy ang misyon ni Dr. Avelex—ang tumulong sa mga nangangailangan nang walang hinihintay na kapalit,” dagdag ni Alojado.
Unang target sana ang Brgy. Mayondon, ngunit dahil sa aberya sa iskedyul ay inilipat ito sa Brgy. Timugan. “Nakita namin ‘yung kagustuhan ng mga taga-Timugan na tumulong at makipag-collaborate, kaya sila ‘yung napili namin,” ani Palomo.
Ibinahagi rin ng mga organizer ang mga naging hamon sa preparasyon, tulad ng kakulangan sa manpower at pondo. “Sa una, kakaunti lang talaga kami. Pero na-overcome namin ‘yon sa pamamagitan ng pag-recruit ng volunteers at pakikipag-ugnayan sa alumni,” ayon kay Palomo. Sa kabuuan, nakapagtala sila ng dalawang volunteers at tatlong volunteer doctors.
Bukas ang medical mission para sa parehong pre-registered at walk-in na pasyente. Sinimulan ang proseso nito sa pamamagitan ng height and weight measurement, blood pressure check, at pagkonsulta sa mga volunteer doctors. Matapos nito, namahagi rin ang mga organizer ng libreng gamot sa mga pasyente.
“Malaki rin ang naitulong ng alumni at iba pang donors para matustusan ang mga gamot at kagamitan,” dagdag ni Alojado. Para sa mga donasyong mula sa malalayong lugar, nakipag-ugnayan sila sa mga miyembrong may kakayahang kunin ang mga supplies.
Isa si Gerlie Prado sa mga pasyenteng nabigyan ng libreng serbisyong medikal. Isa siyang walk-in na pasyente na nalaman ang medical mission mula sa isang kakilala. “Malaking tulong ito lalo na sa panahon ngayon. Libre ang check-up at pati gamot,” aniya.
Para naman kay Marieta Castillo, ang medical mission ay isang malaking tulong ito sa kanya. “Mainit man ang panahon pero malaking tulong talaga ito lalo na’t ang mamahal na ng bilihin. Nakakagaan din ng loob ‘yung komunikasyon sa mga doktor.”
Sa hinaharap, nais palawakin ng komite ang saklaw ng medical mission upang makapagbigay ng serbisyo hindi lamang para sa general check-up kundi pati na rin sa dental at ophthalmologic services.
Itinampok din sa aktibidad ang isang seminar tungkol sa Dengue, isang sakit na patuloy na nagiging suliranin sa Brgy. Timugan dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso nito. Ipinaliwanag dito ang mga datos ukol sa tumataas na dengue rate, mga sintomas nito, at mga hakbang sa pag-iwas sa sakit.
“Habang may suporta, hindi matatapos ang misyon,” dagdag pa ni Alojado.
Sa pagtatapos ng aktibidad, ipinamalas ng UPLB Zoological Society na ang tunay na diwa ng serbisyong medikal ay hindi lamang nasusukat sa dami ng gamot o doktor, kundi sa malasakit at pagkakaisa para sa kapakanan ng bawat isa. Sa pagpapatuloy ng Dr. Avelex S. Amor Memorial Medical Mission, muling pinatunayan na habang may mga taong handang tumulong, mananatiling buhay ang layunin ng isang serbisyong nakaugat sa puso ng komunidad.