Ulat ni Abigail Job F. Alla
SAN PEDRO, Laguna –Matapos ang halos limang buwan mula nang inihain ang resolusyon tungkol sa paghihiwalay ng Sitio Bayan-bayanan upang maging isang sariling barangay, isinagawa noong ika-8 ng Abril ang pagdinig ng komite ng mga batas at ordinansa ng Brgy. San Vicente. Kalaunan, nasuspinde rin ang pagdinig dahil sa kakulangan ng pirmadong petisyon mula sa mga residente ng Sitio Bayan-bayanan.
“Kasi ang sinasabi ni attorney, kung tayo ay magiging prudent at talagang susunod sa procedure dapat mayroon munang petition coming from the constituents”, saad ni Kagawad Abigail Asne-Manuel, ang principal author ng hinaing resolusyon.
Kasama ni Asne-Manuel sina Kagawad Earl Gius Castasus at Kagawad Emmanuel Berroya bilang co-author ng nasabing resolusyon. Ipinaliwanag ni Asne-Manuel na ang mataas na bilang ng populasyon ng Sitio Bayan-bayanan, pati na rin ang mga hinaing ng mga residente ang kanilang naging basehan sa paghain ng resolusyon. Dagdag pa rito ang heograpikal na aspeto, kung saan malayo ang Sitio Bayan-bayanan mula sa San Vicente Proper.
Dagdag ni Asne-Manuel, “Actually, naisip na namin ‘yan na magpasignature kami bago yung hearing, but since we took some advice kasi from the previous officials namin, parang sinabihan kami na last resort nalang siguro yung signatures.”
Ayon naman sa isang 25-taong gulang na residente ng Sitio Bayan-bayanan, magandang balita para sa kanya ang inihinain na resolusyon dahil mas matugunan na ang kanilang mga pangangailangan.
Saad din ng naturang residente, “In terms of pagkuha ng ambulance, nahihirapan pa kami since itatawag pa muna sa baba… Also, sa pag aasikaso din ng mga documents. Isa din yung danas namin kasi syempre kailangan pang bumiyahe imbis na dito nalang mismo kukunin, kailangan bumaba pa sa [San Vicente] proper”.
Sa isang hiwalay na panayam, nilinaw ni Hon. Raphael Antonio Ty, ang acting chairperson ng Komite sa mga Batas at Ordinansa ng Brgy. San Vicente, na umabot ng halos limang buwan ang pagitan ng pagdinig dahil sa mga paghahandang kanyang isinagawa.
“During that time na finile itong resolusyon na ito, nag consult ako. Hindi ko siya binaliwala, dinelay, nothing like that talaga. Nag consult ako sa mga attorney, current barangay captains,” giit ni Ty.
Habang kasalukuyang suspendido ang pagdinig, ang naturang resolusyon ay sasailalim muna sa isang karagdagang pagsusuri ng komite ng Barangay San Vicente. Mayroon rin mga ilang detalye na pinapabago sa nasabing resolusyon.