Ulat ni Jhonadelle Patriarca

KESUPERMOMS. Mga nanay na kahaok sa Kesorap Cooking Contest. (Municipal Nutrition Action Office Santa Cruz, Laguna/Facebook)
Tilapia Balls with Kesong Puti Garlic Sauce, Tilapia Keso Wrap, Buttered Garlic Kesong Puti Tilapia, at Marinara with Kesong Puti.
Ito ang mga putaheng likha ng mga nanay ng Santa Cruz na kinilala sa “Kesorap Cooking Contest” bilang parte ng Kesong Puti Festival na ginanap noong ika-8 ng Abril 2025 sa Municipal Grounds ng lungsod.
Layunin nitong isulong ang lokal na industriya, hindi lamang ng Kesong Puti, pati na rin ng Tilapia. Ang mga sangkap ay galing sa mga nagtitinda ng kesong puti na matatagpuan sa mga stall sa paligid ng piyesta at mga tilapia sa mga lokal na isdaan. Ang mga sariwang produktong ito ay mula rin mismo sa mga lokal na maggagatas, magsasaka, at mangingisda ng bayan.
Mga Nagwagi
Si Merlinda L. Estrada mula sa Barangay Bubukal ang nagwagi ng unang gantimpala, dahil sa kanyang putaheng Tilapia Balls with Kesong Puti Garlic Sauce. Ito ay binilog na laman ng isdang tilapia na mayroong pampalasa, kasama ang sarsa na gawa sa kesong puti.

Kesobrang sarap. Ang putaheng nang gatas ng tagumpay ni nanay Merlinda. (Municipal Nutrition Action Office Santa Cruz, Laguna/Facebook)
Sinundan ni Kemverlie C. Salsa ng Barangay Poblacion II, na nasungkit ang ikalawang pwesto sa kanyang Tilapia Kesowrap with Salsa na kagaya ng Chicken Wrap na karaniwang niluluto sa kusina.
Ang ikatlong gantimpala ay napunta kay Joylyn E. Apran mula sa Barangay Patimbao para sa kanyang nilutong Buttered Garlic Kesong Puti Tilapia.
Ang People’s Choice Award ay nakuha ni Gloria C. Menguito ng Barangay Santisima Cruz, matapos tanghaling paborito ng publiko ang kanyang putaheng Marinara with Kesong Puti.
Naging taga-hatol sina Man Recio: Ang Kusinerong Gala, Chef Gel Salonga-Datu, at Lara Luvi Ramos na mga kilalang food content creator at culinary advocate.
Kultura ng Kesong Puti
Bagaman matagal nang bahagi ng kulturang bayan ang paggawa ng kesong puti, ilan na lang ang kasalukuyang marunong at patuloy na gumagawa nito.
“Sa panahon ngayon kaming mga matatanda na lang ang mahilig diyan sa kesong puti eh, nagmamahal na rin ung produkto mismo, mabuti nang may festival para natitikman din ng iba, napagmamalaki ang keso, tapos pag may mga recipes na ginagawa nila, mas hahanap-hanapin ng tao at ung mga mangagatas na kakilala namin ay kumikita,” ani Joel Santos, isang municipal worker na lokal ng Santa Cruz.
Para sa kanila ay ang mga patimpalak gaya ng Kesorap ay malaking tulong para muling mabuhayan ang interes ng publiko sa produktong ito at pataasin ang demand at suporta para sa mga negosyong lokal.
Naging daan ito upang makilala pa ang mga lokal na tagagawa. Marami sa kanila ay mga matatandang tagapagmana ng kaalaman sa paggawa ng keso, na ngayon ay nagkakaroon ng bagong pag-asa at merkado.

Kesobrang sarap. Ang putaheng nang gatas ng tagumpay ni nanay Merlinda. (Municipal Nutrition Action Office Santa Cruz, Laguna/Facebook)
Produktong Santa Cruz
Maliban sa patimpalak, bida rin sa paligid ng event grounds ang mga stall na mabibilhan ng kesong puti. Karamihan sa kanila ay mula sa Barangay Bagumbayan na tinaguriang sentro ng gawaan nito. Ang ibang stall ay nagtinda rin ng sariling produkto gaya ng Chichalett, isang chicharon na gawa sa litsugas at Gatas Pinoy.
Binisita at sinuportahan ng mga lokal at turista ang mga food stall, kung saan pwedeng tumikim, bumili, at makipagkuwentuhan sa mga gumagawa ng produkto.