Ulat nina Jannsen Martinez at Cian Tolosa
Coverage at mga larawan nina Mithi Balladares at Aarish Constantino
Pagpupugay sa kultura, kabuhayan, kasaysayan, at lalo na mga residente ng Barangay Tuntungin-Putho.
Inilunsad nitong Abril 19 ang kauna-unahang GuBu-GuBu Festival Streetdance Competition sa Barangay Tuntungin Putho, na ginanap sa Tuntungin Putho Sports Complex, alas-diyes ng umaga. Bahagi ito ng GuBu-GuBu Festival, na ginanap mula Abril 13 hanggang 20.
Limang grupo ang lumahok sa street dance competition: Purok 4, Purok 3, Purok 5, Purok 6, at Tuntungin Putho Los Baños (TPLB) Fitness Dance Group.
Nagwagi ang Purok 5 bilang Grand Champion at tumanggap ng ₱15,000. Nasungkit din nila ang mga parangal na Best in Street Dance at Best in Showdown. Nakuha naman ng Purok 3 ang Best in Costume at 2nd Place na may premyong ₱10,000. Pumangatlo ang Purok 6 at tumanggap ng ₱7,000.
Tumanggap naman ng ₱5,000 consolation prize ang TPLB Fitness Dance Group at Purok 4.
Ayon kay John Harvey Jucoy, ang choreographer ng nanalong grupo mula Purok 5, nagsanay ang kanilang grupo sa loob ng 20 na araw, na siyang naka depende sa availability ng bawat miyembro. Binubuo ang grupo ng mga residente ng Tuntungin-Putho; mula elementarya, high school, kolehiyo, at out-of-school youth.
Sa panayam, ipinaliwanag ni Jucoy na ang kanilang pagtatanghal ay naglalayong ipakita ang kultura at kabuhayan ng komunidad, tulad ng pagsasaka, pagpapasada sa mga pedicab at e-bike, at ang Maria Tuntungin Hill, na sentro ng mga retreat at youth camps noon.
“Ang barangay Tuntungin-Putho napapalibutan po siya ng bundok, isa na po yung pinakakilalang bundok dito—yung Maria Tuntungin Hill na pinopromote po namin. May nakatayo po dung retreat and formation house—bata palang po kami nagrerecollection po kami, nagreretreat po kami dun–- about God, about self, about family”

Hiyawan at palakpakan ang sumabay sa mga humataw na kalahok sa street dance competition ng Day 7 (Abril 19) ng GuBu-GuBu Festival. Kuha nina Mithi Balladres at Aarish Constantino
Dagdag pa niya, sariling gastos ng grupo ang kanilang mga kasuotan at props, naglaan lamang ng Php 600 kada miyembro para maisakatuparan ang kanilang pagtatanghal. Plano rin ng grupo na gamitin ang napanalunang premyo para sa isang swimming outing bilang simpleng kasiyahan.
Isa sa mga aktibong nakiisa ang Sangguniang Kabataan (SK) ng Barangay Tuntungin-Putho sa pagpapatakbo ng street dance competition. Ayon sa SK Councilor na si Anne Margarett Faundo, ang SK ang nangangasiwa sa Palarong Pamputho, mga larong pinoy na para sa kabataan. Sila rin ang namahala sa kauna-unahang GuBu-Gubu Festival King and Queen Pageant.
Malaki rin ang naging papel ng SK sa street dancing competition, mula sa pagbibigay ng suporta sa mga kalahok hanggang sa pag-aasikaso ng kanilang kaligtasan.
Bagamat karamihan sa gastos ng mga kalahok ay mula sa sariling bulsa, tumulong ang SK sa paghanap ng pondo at pag-aayos ng practice schedules, katuwang ang barangay at mga opisyal.
Tungkol sa GuBu-GuBu festival
Ang GuBu-GuBu festival ay sama-samang binuo at pinlano ng barangay, kabilang ang pagbalangkas ng ordinansa para sa taunang selebrasyon. Layunin nitong ipagdiwang ang buhay, biyaya, kasaysayan, tradisyon, at kultura ng mga taga-Tuntungin Putho.
Ang salitang GuBu-GuBu ay hango sa apat na pangunahing elemento ng barangay: Gulay, dahil sa malawak na taniman ng gulay; Bundok, na sumasalamin sa heograpiya ng lugar at sa Maria Tuntungin Hill; Gulong, na kumakatawan sa padyak at e-bike bilang pangunahing uri ng transportasyon ng barangay; at Buhay, para sa pagdiriwang tuwing Linggo ng Pagkabuhay.

Street dancers ng Purok 5 ang tinanghal na Grand Champion ng taong ito. Kuha nina Mithi Balladres at Aarish Constantino
Ang inisyatibo ay pinangunahan ni barangay kagawad Ervin Flores Malabanan, ang pangunahing may-akda ng GuBu-Gubu Festival. Ayon sa kanya, matagal na nilang pangarap na makapagdaos ng masiglang kapistahan sa kanilang barangay, inspirasyon mula sa mga naobserbahang pagdiriwang sa ibang lugar.
Bukod sa street dancing competition, ilan pa sa ibang malaking gawain sa walong araw na pistahan ay ang The Clash of Tuntungin Putho singing contest, Gandang Nanay Pageant, Palarong Pamputho at ang koronasyon ng GuBu-GuBu Festival King and Queen.