Sa lupang kinagisnan: Ang kuwento sa likod ng pag-unlad sa Barangay Masiit

Ulat nila Cindrel Lapitan, Gian Duran, at Franchesca Cabang

Ang isang makitid na daanan sa Barangay Masiit, Calauan, Laguna ay tila payak sa tingin ng iba. Ngunit sa likod ng katahimikan nito ay nakatago ang mga kuwento ng mga residenteng matagal nang naninirahan dito: mga kuwentong puno ng pangarap at pangamba sa harap ng napipintong pagbabago. 

Bilang bahagi ng layuning mapaunlad ang bayan, isinagawa ang access road, isang proyektong pang-imprastruktura na layong magbigay ng alternatibong ruta sa bayan ng Calauan. Dahil sa mataas na lokasyon nito, inaasahang makatutulong ito upang maiwasan ng mga motorista ang pagbaha, lalo na tuwing tag-ulan. Mag-uugnay ang kalsadang ito mula Barangay Masiit hanggang Barangay San Isidro. Ang lupang dadaanan ng proyekto ay donasyon ng pamilyang Soriano, na nagmamay-ari ng isang hacienda sa Calauan. 

Ngunit, habang dumarating ang progreso, may mga boses ng pagkabahala mula sa mga residenteng nangangambang mawalan ng kabuhayan at tahanan.

Tahanan at sakripisyo

Isa sa kanila si Virginia Mendoza, isang ina, dating Overseas Filipino Worker, at kasalukuyang lingkod-barangay. Matapos ang maraming taon ng pagod at pangungulila bunsod ng kanyang desisyong magtrabaho sa ibang bansa, naipundar niya ang tahanang matagal niyang pinangarap para sa kanilang pamilya.  “Itong bahay na ‘to ay napakaimportante lalo sa akin. Ito ‘yung bahay na naipatayo ko noong kasalukuyang ako ay nasa abroad,” aniya.

Sa kasalukuyan, siya ay isang Barangay Nutrition Scholar na nangangalaga sa kalusugan ng mga batang may edad 0 hanggang 59 buwan. Kahit maliit ang honorarium na kanyang natatanggap, sinisikap pa rin niyang maitaguyod ang pag-aaral ng kanyang dalawang anak na parehong nasa kolehiyo. 

“Hindi siya sapat kasi konti lang naman ‘yung honorarium, hindi naman kasi sa sahod, honorarium lang naman kami sa barangay. Pinagtitiyagaan na lang kasi may dalawa akong estudyante na ngayon ay parehas na nasa kolehiyo [kaya] pandagdag din ‘yon, kahit konti lang,” aniya. 

Sa kabila ng kakulangan sa kita, patuloy ang kanyang pagsisikap, ngunit ang panibagong hamon na kinahaharap nila ay ang posibilidad na pagkawala ng kanilang tirahan dahil sa proyekto. 

Lupang tinubuan at kabuhayan

Gaya ni Virginia, nangangamba rin si Francisco Cadagan, 45 anyos at isang magsasaka sa Barangay Masiit. Mahigit tatlong dekada na siyang nagtatrabaho sa bukid at dito na rin nakakabit ang kanyang kabuhayan.

“Siguro talagang hindi ko lang maiwan ang bukid. Kumbaga, doon na ako nabuhay, doon na rin ako mamamatay,” ani Francisco. 

Bagamat may iniaalok na pabahay ang National Housing Authority (NHA) sa Don Bosco, Calauan, malayo naman ito sa bukid na kanilang sinasakahan. Ito ay dagdag gastos para sa mga tulad niyang umaasa ng kita sa lupa. “‘Yung tumira doon, kasi nga gawa ng aking minana ay aking pinagkakakitaan dito. [Kaysa] doon pa ako manggagaling, lalaki nang lalaki ang gastos ko. ‘Pag dito, lakad na lang—‘yung kumbaga, ‘yung mamamasahe pa ako,” dagdag pa niya.

Ang relokasyon at epekto nito sa mga residente

Ayon kay Calauan Municipal Civil Registrar 1 Dario C. Escarez, sinimulan ang access road project noong Pebrero 28, 2022.

Ang Calauan ay isang dating malawak na hacienda na ipinagkaloob bilang donasyon ng pamilyang Soriano—ito ay isang lupaing ngayo’y nagsisilbing daanan mula Barangay Masiit patungong San Isidro. “Kasi itong Calauan ay dating hacienda… dinonate para magkaroon ng pass through from Masiit dire-diretso dun sa San Isidro,” paliwanag ni Escarez.  

Bawat residenteng maaapektuhan ay inalok ng pabahay sa isang relocation site sa Don Bosco; ngunit, maraming nais na manatili sa Masiit dahil sa kanilang mga personal na dahilan. 

“Una, syempre nandoon ang kanilang ikinabubuhay. Ikalawa, mas gusto nila yung area doon gawa noong nandito yung kanilang mga kamag-anak. Tapos ikatlo, mas accessible siya kung ikaw ay papuntang Los Baños, ng Bay, ng San Pablo. Unlike kung ikaw ay mapapalipat doon sa NHA [kung saan] medyo mapapalayo ka pa at mahal ang iyong pamasahe,” saad niya.

Giit ni Escarez, nararapat din tingnan ang kaunlarang kakabit ng road widening project na ito dahil may mga benepisyo itong hatid–magkakaroon ng mas malawak na alternatibong daan at maiiwasan ang baha sa kalsada. “During rainy days or rainy season, magkakaroon ng heavy flood doon, pupuwede kang dumaan diyan. Kasi medyo mataas iyon sa pathway kaysa sa highway,” giit niya.

Panandaliang pag-asa para kina Francisco at Virginia

Sa gitna ng lahat ng ito, may pag-asa pa ring sumisilip para sa mga tulad nina Francisco, Virginia, at ng marami pang residente ng Barangay Masiit. Ayon kay Virginia, kinausap sila ng bagong alkalde ng bayan na si Roseller Caratihan, at sinabing hangga’t hindi pa kailangan ang lupa, maaari silang manatili. 

“Iyong aming bagong mayor na napakabait, kinausap naman kami. Hangga’t hindi pa ito kailangan, stay lang muna kami dito. At siya naman ay humahanap nang paglilipatan namin na dito lang din sa aming barangay, ayaw niya na kung saang barangay kami mapupunta,” pahayag niya. 

“Kaya ‘yon ang hiling ko sa mga kumakandidato, kung maaari bigyang pansin kami. Hindi ‘yung mangangako lang kasi eleksyon tapos pagdating ng eleksyon, nakaupo na, wala na… dedma na. ‘Yung tutulungan talaga kami, hindi lang sa salita kundi may gawa ‘yung pagtulong nila at ‘yung concern niya talaga sa amin dito gawin,” aniya.

Para kay  Virginia, ang tunay na tahanan ay hindi lamang gawa sa pader at bubong, kundi pati na rin sa mga alaala, samahan, at sakripisyo upang buuin ito. Para naman kay Francisco, ang bukid ay hindi lamang munting lupa—ito ay buhay. 

Ang kanilang kuwento ay paalala na sa bawat proyektong pangkaunlaran, may mga tinig na kailangan marinig hindi upang hadlangan ang pagbabago, kung hindi upang maisama sa proseso ng pag-unlad sa komunidad.