Ulat nina Arianne Joy De Torres at John Vincent Moreno | Coverage ni Janus Martinez

NASA LARAWAN: Mula 2015, isinasagawa sa Municipal Health Office ng Los Baños ang PSI activity upang maisulong ang laban nito para sa family planning. Litrato mula sa Los Baños Municipal Health Office
Upang ipagpatuloy ang adhikain ng tanggapan tungo sa maayos na family planning, dinaluhan ng 103 babaeng residente ng bayan ang isinagawang Progestin Subdermal Implant (PSI) Activity ng Municipal Health Office (MHO) ng Los Baños, Abril 24.
Nakapailalim ang nasabing proyekto sa mas malaking programang nakasentro sa family planning o ang responsableng pagpaplano ng pamilya. Ang nasabing PSI activity ay kadalasan umanong dinadaluhan ng mahigit 100 babaeng residente ng bayan.
Sa kasalukuyan, apat na beses kada taon karaniwang isinasagawa ang implant activity ngunit kada linggo ay bukas din ang kanilang tanggapan para sa mga nais magpalagay ng nasabing implant.
Binigyang-diin ni Alma Manlisis, midwife, family planning coordinator ng MHO, at isa sa mga tagapamahala ng activity, na malaking tulong ang programang ito sa kababaihan sa bayan sapagkat bukod sa mga benepisyo ay libre itong isinasagawa ng kanilang opisina.
“Napakalaki ang difference. Kasi sa hospitals, nagre-range ‘yan ng PHP 4000 to 4500. Pero sa amin, libre lang,” wika niya. Bagama’t may malaking pagkakaiba sa presyo, nilinaw ni Manlisis na parehas din naman ang epekto ng mga ito.
Wika niya, 2015 pa nang simulan ng kanilang tanggapan ang programa. Isa ito umano sa mga programa nilang naglalayong mapalawak ang kaalaman ng kababaihan ukol sa mga alternatibong paraan ng pagpaplano ng pamilya.
Paliwanag niya, ang PSI ay isang anyo ng contraceptive na may maliit at flexible na rod na siyang inilalagay sa ilalim ng balat ng braso ng babae upang mapigilan ang hindi inaasahang pagbubuntis. Isinasagawa nila ito kasama ng ilang mga diskusyon at lectures ukol sa nasabing contraceptive.
Dagdag pa niya, ang implant ay tumatagal ng tatlo hanggang limang taon depende sa brand, at may efficacy rate na 99%.
Wika ni Manlisis, bukod sa hindi mabubuntis ang babae, kabilang din sa mga benepisyo ng PSI ang hindi araw-araw na pag-inom ng birth control pills at kawalan nito ng negatibong epekto sa pagtatalik.
Gayunpaman, binigyang-diin din niya ang ilang posibleng side effects ng PSI tulad ng irregular menstruation, spotting, paglala ng tigyawat, at pananakit ng ulo ng ilang pasyente. Ayos sa kaniya, natural lamang ang mga ito pagkatapos isagawa ng implant. Dagdag pa rito, hindi rin aniya nito protektado ang isang indibidwal mula sa sexually transmitted infections (STIs).
“Merong bumabalik kasi nga, ‘yung side effect niya, sumasakit ‘yung ulo nila, gano’n. Tapos ‘yung menstruation, hindi daw tumitigil. Pero kokonti lang naman ‘yon,” ani Manlisis.
Ipinaliwanag din niya na tulad umano ng ibang contraceptives ay may posibilidad ding hindi umubra ang PSI dahil sa 1% na kulang sa efficacy rate nito. Maigi pa rin umano na i-practice ang ligtas na pakikipagtalik upang maiwasan ang mga ‘di inaasahang pagbubuntis.
Ayon sa kaniya, kung magkataong gustuhin ng pasyente na ipatanggal ang implant, kinakailangan nilang bumalik sa opisina o kaya ay lumapit sa isang medical health professional. Wala rin umanong epekto kung hindi maipagpatuloy ang pagpapalagay ng implant matapos ang tatlo o limang taon bukod sa pagkakaroon ng posibilidad na mabuntis ang babae.
“Kasi meron akong naging pasyente, nag-abroad siya. So, lumagpas ng three years ‘yung implant niya. So ang ano nga lang, mabubuntis siya. Sabi ko nga, ‘yun lang, wala kang proteksyon no’n, pwede ka nang mabuntis,” pagkekwento niya.
Dagdag din niya, mahalaga ang mga isinasagawang lecture upang malinawan ang publiko, partikular na ang mga kababaihan sa bayan, sa mga benepisyo at limitasyon ng PSI sa halip na umasa at maniwala lamang sa mga sabi-sabi.
Sa kasalukuyan, patuloy naman ang paghimok ng opisina sa mga residente na dumalo sa mga family planning lectures upang higit pang maunawaan ang konsepto ng PSI at upang makapagtanong at makapag-isip pa ang mga interesadong indibidwal ukol dito.