Ekonomiya ng CALABARZON, lumago nang 5.6% noong 2024

Ulat nina: Joana Yap at Francine Daniel
Litrato: Philippine Statistics Authority Calabarzon

News Conference ng PSA para sa Economic Performance of Calabarzon (Kuha mula sa Facebook Live ng PSA – Calabarzon)

Mas mabilis ang paglago ng ekonomiya ng CALABARZON noong 2024 kumpara noong 2023, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA) sa news conference nito noong ika-22 ng Abril 2025. Sa 2024 Report on the Economic Performance of CALABARZON, naitalang lumago nang 5.6% ang Gross Regional Domestic Product (GRDP) ng rehiyon noong 2024, mas mataas kumpara sa 5.2% GRDP growth rate na naitala noong 2023.

Ayon sa ulat ng ahensya, ang sektor ng Industry ang may pinakamalaking ambag sa ekonomiya ng rehiyon, na may 49.6% share o katumbas ng humigit-kumulang ₱1.53 trilyon sa kabuuang Gross Regional Domestic Product (GRDP).

Pinangunahan ng manufacturing sector—ang pinakamalaking sub-sektor sa ilalim ng Industry—ang nasabing pagtaas, na may tinatayang ambag na 1.5 percentage points sa kabuuang paglago. Ang pag-angat ng sektor ay iniuugnay sa patuloy na pagdami ng industrial zones sa rehiyon at ang pagpapatayo ng mga makabagong imprastraktura, na lalong nagpapalakas sa aktibidad ng industriya.

Sa pangunguna ni PSA IV – A Regional Director Charito C. Armonia, ilan sa mga paksang tinalakay ay ang dami ng serbisyo at produktong nagawa ng rehiyon, gastos nito at ng mga kabahayan sa utilities, pagkain, transportasyon, edukasyon, at iba pa, halaga ng mga bawat produktong nagawa, at performance ng CALABARZON kumpara sa ibang rehiyon.

“In terms of levels, the size of CALABARZON’s economy continued to increase to 3.27 trillion pesos in 2024 from 3.09 trillion pesos in 2023 and 2.94 trillion pesos in 2022,” ayon kay Armonia.

Dagdag ni Michael Lavadia, Officer-in-Charge at Regional Director ng NEDA IV-A, na nakakuha ang CALABARZON ng 731.8 bilyong piso mula sa lokal at dayuhang mga mamumuhunan, at kinilala ito bilang isa sa pinakamalaking investment na natanggap ng mga rehiyon sa buong bansa.

Ayon kay Lavadia, sapat ang mga investment na ito upang makalikha ng mga bagong trabaho, lalo na sa sektor ng manufacturing at administrative support services. Mungkahi rin niya na maganda ang performance ng real estate sa rehiyon, kaya’t posible raw na mas maraming taga-Maynila ang lumipat sa CALABARZON.

Ika nga niya, “Real estate also emerged as a major contributor, indicating increased demand for housing and a rising trend of home ownership, signifying CALABARZON’s growing attractiveness for residence, commerce, and industry.”

Bukod dito, nagbigay rin siya ng impormasyon tungkol sa iba pang sektor at binigyang-diin ang pagpapatibay ng disaster preparedness and resilience bilang top priority, lalo na sa sektor ng agricultural infrastructure. Binigyang-pansin din ang pangangailangan ng rehiyon sa food security, na maaaring matugunan sa pamamagitan ng climate-smart agriculture.

Graphical representation ng economic performance ng industriya ng CALABARZON (Kuha mula sa Facebook Live ng PSA – Calabarzon)

Kabilang sa mga industriya na mayroong mataas na ambag sa ekonomiya ay ang industriya ng pampinansyal at insurance (13.0%), human health and social work activities (12.8%) kasama ang public administration and defense, at ang compulsory social security (11.7%)

Samantala, ang agrikultura, kagubatan, at pangingisda (AFF) ay ang tanging sektor na nakapagtala ng pagbaba, na nasa -0.7% GRDP growth rate. Ayon sa PSA, ito ang nag-iisang sektor na lumiit ang kontribusyon sa ekonomiya noong 2024. Ayon kay Armonia, ito ay dahil sa mga epekto ng mga kalamidad at ng El Niño, sapagkat matagal na nagkaroon ng mga bagyo noong nakaraang taon at kasunod pa nito ay ang pagpasok ng La Niña. Bukod dito, isa rin sa mga epekto ay ang pagkakaroon ng African Swine Fever sa livestock.

Paliwanag ni officer-in-charge ng Statistical Operations and Coordination Division ng PSA Region IV-A Charity Bautista, ang news conference ay taunang isinasagawa upang ibahagi sa publiko ang kabuuang datos na nakalap sa nakaraang taon. Dagdag pa niya, mahalaga ang mga impormasyong ito sa pagpaplano at paggawa ng mga polisiya sa rehiyon.