Ulat nina Sofia Kate Elauria at Marielle Estrada
Hitik ang lalawigan ng Laguna ay sa mga makasaysayang imprastrakturang itinayo noong panahon ng Kastila. Ilan na rito ang Underground Cemetery sa Nagcarlan, St. Polycarp Church na siyang pinakamatandang simbahan sa Cabuyao, Prudencia D. Fule Heritage House sa San Pablo, at marami pang iba. Ngunit dulot ng modernisasyon, hindi maipagkakailang marami sa mga makasaysayang lugar at estrukturang ito ang napaglilipasan na ng panahon o di kaya’y nanganganib pang makalimutan. Ganito ang kwento ng isang matandang tulay na matatagpuan sa Bayan ng Majayjay.
Ang Barangay Talortor sa munisipalidad ng Majayjay, Laguna ay tahanan ng isang makasaysayang tulay na kung tawagin ay Puente del Capricho ng mga Kastilang nagpatayo nito. Ayon sa nobelang El Filibusterismo na isinulat ng ating pambansang bayaning si Dr. Jose Rizal, itinayo ito noong 1851 sa ilalim ng marahas na pamamalakad ng pransiskanong prayle na si Victoriano Del Moral. Ang tulay ay nabuo sa pamamagitan ng mga batong mano-manong binuhat at isinaayos ng mga Pilipino o Indio kung tawagin ng mga Kastila noon.
Sa kabila man ng pagdududa at agam-agam ng ilan kung ito nga ba ay magtatagal, pinatunayan ng ilang daang taong tulay na ito na hindi masusubok ang angkin nitong tatag at tibay. Bukod doon, makatawag-pansing katangian din ng tulay ang ganda ng pagkakagawa rito, lalo na at isa lamang ang arko nito. Ang nasabing arko rin ang naging palatandaan na hindi ito natapos at isang lamat ng kasaysayang mula kalupitan ng mga Kastila na nag-udyok ng pag-aalsa ng mga Indio.
Mula kina lolo’t lola
Matatagpuan ang tulay sa Barangay Talortor, subalit hindi kilala ang lokasyong ito sa sarili nitong pangalan. Marami ang nagdadalawang-isip sa mga lokal at karatig-munisipalidad kapag nababanggit at naitatanong kung saan ang “Talortor.” Bagama’t lehitimong nakarehistro ang nasabing barangay bilang Talortor sa mapa, mas kilala ito sa tawag na “Taludtod.”
“Ang tunay talaga [na tawag] dito [ay] Talortor. Kaya lang, [ang] iba kasi, ang binabanggit Taludtod,” kwento ng Barangay Kagawad na si Ramil Ceriaa. “Ultimo ‘yung mga kabataan, nasasalin sa kanila [at] nasasanay silang tawagin na Taludtod. Parang nakasanayan na gano’n tawagin, kahit yung taga-ibang lugar.”
Gayundin, ang tulay ay hindi kilala sa orihinal na pangalan nito sa Espanyol na ‘Puente del Capricho.’ Sa salin nito sa Filipino, ang ‘kapritso’ ay nangangahulugang ‘paggawa o paghingi ng anuman nang walang kadahilanan o batayan kung hindi para sa sariling kasiyahan.’
Sa bigat ng trabahong konstruksyon ng mga Indio, hindi nila mapigilan ang mapagod at bumagal sa paggawa. Dahil dito, ang mga Kastilang nagbabantay sa kanila ay gumagamit ng dahas upang bumilis at magtuloy-tuloy sila ang pagbuo ng tulay. “Kapag matagal yung gawain ng mga sinaunang Pilipino, pinapalo sa pigui ng mga Kastila,” paliwanag naman ng Kagawad na si Ronald Salazar.
Ang ‘pigui’ o pigi ay bahagi ng katawan ng isang tao sa bandang balakang. Bilang paggunita sa kalupitang dinanas ng ating mga kababayan, ipinangalan ng mga naunang residente sa tulay ang ngalang Tulay Pigue. Mula sa mga kuwento ng mga matatanda, nagpasalin-salin ang kwentong ito hanggang sa kasalukuyang henerasyon. Bukod dito, ito rin ang kwentong ibinabahagi ng mga opisyal ng barangay sa mga turistang nagagawi sa kanilang lugar.
Kasalukuyang panahon
Bagama’t hindi natapos ang tulay, nagawan ito ng paraan upang maging kapaki-pakinabang sa mga residente. Sa kasalukuyan, nagsisilbi itong shortcut mula Barangay Talortor at Magdalena, Laguna papunta sa bayan ng Majayjay. “Kawayan ‘yan noong araw…hanggang sa tumagal, pinasemento na,” ani Kagawad Ceriaa. Kaya malaking tipid ito sa pamasahe at oras para sa mga taga-barangay.
Ngunit bilang epekto ng modernisasyon at pagkakaroon ng karamihan sa mga residente ng kani-kanilang sasakyan, nagiging madalang na ang paggamit sa tulay. Kwento ni Salazar, marahil ito ay bunsod na rin ng pagkalimot sa mga ganitong klaseng lugar.
“Siguro kasi siyempre umuunlad. Hindi kagaya dati na lagi itong nadadaanan. ‘Yun siguro ang naging dahilan kaya parang nakalimutan siya. Umuunlad ang tao. May mga sasakyan [na],” salaysay ng nasabing kagawad. Mula rito, makikita rin na pinangangambahan ng mga tao sa lugar na kasabay ng pagdaloy ng panahon ay unti-unti ring maibaon sa limot ang mayamang kasaysayang nasa likod ng estrukturang ito.
Kilusang pangkalinisan
Sa kabila ng makasaysayang alaala nito, isang suliraning pangkalikasan ang kinahaharap ng barangay dulot ng nasabing estruktura. Sa pagtawid sa tulay, matatanaw ang isang dumpsite at maliit na kweba kung saan sinusunog paunti-unti ang mga basurang naipon mula sa 40 barangay ng Majayjay. Ayon kay Kagawad Salazar, ginawa umanong dumpsite ang lokasyong ito dahil ito ay isang “bakanteng lote”. “Ang nakatira doon kakaunti eh. Kakaunti ‘yung mape[pe]-perwisyo [ng] amoy ng basura. Hindi nga lang [‘yun ang] naapektuhan, pag kumatas ‘yung mga basura, napunta sa ilog.”
Ang tubig na umaagos sa gitna ng tulay ay nanggagaling sa Bundok ng Banahaw na noon ay paliguan at labahan. Sa paglipas ng panahon, naging marumi na rin ito kaya bihira na ang mga naliligo at naglalaba rito. “Bago po sumapit sa tulay ay naghahalo na po yung malinis at maruming tubig kaya madalang narin yung naliligo do’n sa tulay,” pahayag ni Sangguniang Kabataan (SK) Chairperson ng Talortor Jascha Russelle Cangas. Hindi rin maitatangging napapabayaan ang kapaligiran ng tulay, kaya’t naging masukal na ang daan pababa ng ilog.
Upang matugunan ang problema, sinisikap ng barangay na bawasan ang basura sa pansamantalang tambakan habang hinihintay ang pagkumpleto ng bagong permanenteng dumpsite ayon kay Kagawad Cristy Ernieta. Sa kasalukuyan, ang bahaging iyon ng Tulay Pigue ay panandaliang tambakan muna ng mga naipong basura. “Tapos parang monthly or weekly po ay kinukuha nung truck ng Majayjay [at] dine-deliver sa Sta. Cruz,” dagdag pa ng kagawad.
Lingguhan din ang paglilinis ng mga opisyal ng barangay kasama ang ilang miyembro ng komunidad sa nasabing tulay, alinsunod sa ibinabang abiso sa kanilang lugar ng Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO). “Meron ding babang memo kasi, gaya sa MENRO. Kasi kami every 1 week, lagi kaming nag-aano [naglilinis]. Sa loob ng isang linggo isang beses kaming nagc-clean up. Kasi memo ng MENRO. Kasi kapag hindi kami sumunod padadalhan ng barangay ng memo. Estrikto na lilinisin talaga ang tulay pigue, ini-schedule rin namin ng linis ‘yan.“ aniya.
Para sa hinaharap
Baon ang mga kuwento ng nakaraan, may hangaring ayusin at pagandahin ng kasalukuyang pamahalaan ng Majayjay at Barangay Talortor ang Tulay Pigue upang mapaunlad ang turismo sa bayan. Bahagi ng kanilang plano ang pagsasaayos ng barandilya at paglalagay ng ilaw sa tulay upang higit na maging ligtas ang dadaan dito, lalong-lalo na ang mga kabataan at turista.
Nagbahagi rin ng mungkahi si SK Chairperson Cangas para sa ikakaayos ng estruktura. “Kahit [sana] magkaroon ng bai-baitang para kung sakaling may mga pupunta doon sa may tulay. Para ‘di na sila mahirapan mag akyat-baba. Kung sakali, [para] mas convenient [sa kanila].”
Nais din ng SK Chairperson na ipakilala ang Tulay Pigue sa pamamagitan ng pagpo-post sa social media upang mapanatiling buhay ang mayamang kasaysayan nito at ang mga alaala ng mga Pilipinong naging bahagi sa pagbuo nito.
Bilang bahagi ng plano ng barangay na palakasin ang turismo sa kanilang lugar, nais din nilang mapagawa ang daanan papunta sa lokasyon ng nasabing tulay. “Gusto maging tourist spot na project kasi historical nga ‘yung bridge, bihira nalang ‘yung mga lumang ganyan,” kuwento ni Kagawad Ceriaa.
Bagama’t wala pang kongkretong plano para dito, unti-unti nang gumagawa ng hakbang ang barangay para sa kanilang layuning ayusin ang makasaysayang tulay upang magsilbi itong landmark at pagpapakilanlan ng Barangay Talortor.
Patotoo ang Tulay Pigue sa mga karanasan na sinapit ng mga biktima ng pananakop. Simbolo ito ng tapang at tibay ng mga Pilipino noong panahon ng mga Kastila, kaya mahalagang pangalagaan ang mga makasaysayang estrukturang kagaya ng Tulay Pigue upang patuloy na maipasa ang kuwento at kaalaman tungkol sa mga ito sa mga susunod pang henerasyon. Hindi maiiwasan ang pag-usbong ng makabagong panahon, ngunit hindi dapat ito maging dahilan upang kalimutan ang mga estruktura at mga kuwento sa likod nito na may saysay sa ating nakaraan.