Ulat nina Niel Gabrielle T. Pito at Marian Zoe C. Ramirez

ILAKAD. Mga kalahok ng Make it Makiling 2025 sinimulang tahakin ang bundok noong unang araw ng programa. (Larawan ni Marian Zoe C. Ramirez/LB Times)
Umarangkada ang taunang Make it Makiling sa Mount Makiling Forest Reserve (MMFR) sa pangunguna ng Makiling Center for Mountain Ecosystems (MCME) ng University of the Philippines Los Baños (UPLB) noong Abril 13-20, 2025.
Ayon sa mga eco-guide, tinatayang umabot sa 200 kalahok kada araw ang sumali sa aktibidad. Layunin ng programa na itaguyod ang responsableng pag-akyat sa bundok at pangangalaga sa kagubatan sa pamamagitan ng mga patakarang nakabatay sa prinsipyo ng Leave No Trace (LNT).

BAWAL MANG-IWAN. Makiling Leave No Trace principles bago magsimula ang pag-akyat. (Larawan ni Niel Gabrielle T. Pito/LB Times)
Sa unang araw ng aktibidad, isinagawa ang hiking at camping na nilahukan ng mga estudyante, alumni, turista, at lokal na residente. Sa mga sumunod na araw, naging nagkaroon ng iba’t ibang eco-activities tulad ng geocaching, kung saan nagawaran ng premyo ang mga nakatapos ng challenge. Inilabas ng MCME ang listahan ng coordinates ng mga cache sa kanilang opisyal na Facebook page.
Kabilang sa mga pangunahing destinasyong binuksan para sa publiko ang Flatrocks, Mudspring, Makiling Rainforest Park, Agila Base, Malaboo Campsite, at ang tanyag na Peak II. Sa Station 13, namulaklak din ang Rafflesia, isang endemikong species sa Pilipinas, na dinagsa ng mga nature enthusiasts.
Bilang parte ng community-based ecotourism ng MCME, kinailangan ang pagkakaroon ng eco-guide para sa mga nagnanais umakyat sa Peak II na may bayad na P1,200 para sa limang katao, at karagdagang P200 kada tao kung lalampas sa lima ang grupo, na kabuhayan ng mga lokal. Ngunit nagpaubaya naman ang MCME simula Abril 17 hanggang 20 upang makahiyakat ng mas maraming kalahok.
Ipinaalala rin ng MCME sa mga kalahok ang pagbabawal ng mga alagang hayop at pagbibisikleta sa buong panahon ng aktibidad. Pansamantala ring isinara ang Makiling Botanic Gardens mula Abril 17 hanggang 20 bilang bahagi ng mga hakbang upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan ng mga dumalo.
Ang Make it Makiling ay isinasagawa tuwing Semana Santa bilang bahagi ng inisyatibo ng MCME para sa promosyon ng ecotourism at pangangalaga sa likas na yaman ng mga kabundukang kagayan ng MMFR.
Para sa karagdagang impormasyon at katanungan, maaaring bisitahin ang opisyal na website ng programa sa mim.makiling.center.