Bakas sa bawat daloy: Implikasyong dala ng heavy metals sa katubigan

Ulat nina Lilianna Nicole De Asis at Gabrielle Grace Fernandez

Sa loob ng mahabang panahon, pagmimina ang isa sa mga industriyang umaalalay sa ekonomiya ng bansa. Ngunit sa paglipas ng maraming taon, naging kaakibat ng pagdami ng mga minahan ang panganib na dulot ng heavy metals sa parehong kapaligiran at mga tao. 

Ngayong hindi na mapipigilan ang malawakang paggamit ng mga ganitong uri ng metal kasabay ng bugso ng modernisasyon, ang tanging hamon naman ay kung paano maiibsan ang mga negatibong epekto nito.

Konsepto ng heavy metals

Ang heavy metals ay tumutukoy sa mga elementong metal tulad ng nickel, cadmium, iron, at mercury. Ginagamit ang mga ito bilang kasangkapan sa paglikha ng ilang electronics, kagamitang pangmedisina, at pangkonstruksiyon. Subalit ang mga nasabing heavy metals ay maaaring makapaminsala sa oras na ito ay magkaroon ng mataas na antas ng concentration.

Ibig sabihin, ang kakaunting metal sa kapaligiran ay wala pang malubhang epekto. Nagiging toxic lamang ito kapag lumagpas na sa katanggap-tanggap na antas. Gayunpaman, hindi maisasantabi ang pangambang kumalat ang metallic elements na ito sa mga anyong tubig, lupa, at sa hangin, na maaaring makasama sa mga taong direktang malalantad dito. Kaya naman, lubos na iniiwasan ang dispersion o ang pagkalat ng heavy metals mula sa iba’t ibang sources patungo sa kapaligiran.

Ayon kay Dr. Ramon Christian Eusebio, chemical engineer at associate professor mula sa Department of Chemical Engineering ng UP Los Baños College of Engineering and Agro-Industrial Technology, ang metals ay may iba’t ibang anyo, ngunit ang pinaka-iniiwasan ay ang pag-iral ng mga ito sa kanilang toxic form.

“Ang pinakamahalaga is ‘yung different forms. Nage-exist sila sa different forms, so we make sure na ‘yung form na mage-exist sana siya is ‘yung hindi sana siya harmful sa environment at sa tao,” paliwanag ni Eusebio.

Dagdag pa niya, pinangangambahan din ang persistence o pananatili nito sa kapaligiran. Ito ay dahil habang patuloy na nadedeposito ang heavy metals sa isang lugar, lalong tumataas ang concentration nito, sanhi upang tumaas din ang toxicity nito na maaaring maipasa sa dalawang paraan: ang bioaccumulation at biomagnification.

“‘Yung bioaccumulation is at cellular level. Ibig sabihin, kunwari si isda near the area kumakain siya nang kumakain, so mag a-accumulate,” pagpapaliwanag niya.

Samantalang ang biomagnification naman ayon kay Eusebio ay nangyayari ”kapag si small fish kinain ng malaking fish, tapos kinain pa ni whale, tapos kinain pa natin ‘yung whale for example, so ‘yun ay trophic level. May kumakain sa different levels, so ang ibig sabihin noon, ‘yung pinakadulong kumain, siya ‘yung may pinakamataas na toxic level.”

Pangambang hatid

Bagaman hindi agad nakikita, may malubhang epekto ang labis na paggamit ng heavy metals sa kapaligiran. “Ang mangyayari doon, iyong heavy metals from the quarrying site, bago sa bodies of water ay maco-contaminate din [muna] ‘yung soil natin,” paglalarawan ni Eusebio.  

Sa sandaling kumalat ang mga ito mula sa kanilang pinanggalingan, ang toxic elements ay dadaloy muna sa lupa na magiging sanhi para ito ay mag-acidify, at susundan ng pagkasira ng vegetation sa paligid nito, partikular na ang mga halaman at iba pang uri ng pananim. 

Isa pa sa mga implikasyon nito ay ang banta sa katubigan, partikular na sa mga isda at iba pang mga organismong nagbibigay balanse sa kabuuan ng ecosystem. Dahil dito, apektado rin ang karaniwang pinagkukunan ng pagkain ng mga tao sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay.

Dagdag pa ni Eusebio, ang labis na antas ng arsenic concentration ay posibleng magdulot ng cancer na makakaapekto sa kalusugan ng tao. “May sources tayo ng tubig na mataas sa arsenic, mataas sa iron. Tapos nandoon ka sa area na iyon, lagi mong iniinom, magkakaroon ka ng sakit,” mariing sambit ni Eusebio. 

Saan ba nanggagaling?

May dalawang maaaring pagmulan ang heavy metals: ang point sources at non-point sources. Ang point sources ay ang mga identifiable o tiyak na pinagmumulan ng metals gaya ng mga partikular na minahan, pabrika, planta, at tambakan ng basura, samantalang ang non-point sources naman ay naglalarawan sa runoffs na dumadaloy mula sa hindi tukoy na pinanggagalingan patungo sa iba’t ibang anyong tubig tulad ng ilog, lawa, at dagat.

Ayon kay Eusebio, ang ilan sa mga maaaring pagmulan ng heavy metals na kumakalat sa mga lawa at ilog ay ang mine tailings na talamak sa bansa. “‘Yung sa mine tailings. ‘Yun kasi directly lalo na tayo sa Philippines, marami tayong mga ores. Marami tayong pwedeng pagkuhanan ng mga metals like nickel,” paliwanag niya.

Maaari ring pagmulan ng heavy metals ang pagsusunog ng mga basura na siyang nagpapakalat ng toxicity sa hangin, mga industriya kagaya ng tannery sa textile industry o pagkukulay ng mga leather, at ang mga proyektong pang-imprastraktura kagaya ng coastal roads, mga gusali at tulay.

“Kapag hindi sila properly contained, nagkakaroon tayo ng runoffs. Kapag umulan, nawa-wash out ‘yun at kapag hindi na kayang i-contain, dadaloy siya,” dagdag pa niya.

Sa usapin ng pagpapatayo ng mga imprastraktura, maaaring magmula ang heavy metals sa mga materyales, partikular na sa mga bakal pangkonstruksiyon.

“Lalo na kapag nagra-rust na siya. ‘Yung iron doon can leach out, pero isa sa mga ginagamit natin na procedure to contain itong mga heavy metal ay ang paglagay sa loob ng mga structure kasi parang nae-encapsulate na sa loob. Ang problema lang is dapat hindi siya pwedeng mag-leach out,” pagbabahagi niya.

Subalit, nilinaw rin ni Eusebio na nagkakaroon lamang ng mas mataas na ambag sa konsentrasyon ng heavy metals sa kapaligiran kung ang mga lumang imprastraktura ay sumasailalim na sa demolisyon dahil sa iniiwan nitong construction waste.

Ngayong nagsisimula na ang konstruksiyon ng Laguna Lakeshore Road Network (LLRN) project, isa ring pangamba ang maaaring maidulot nito bitbit ng mga materyales na ginagamit sa pagtatayo ng proyekto, gaya ng concrete at mga pintura na maaaring maging sanhi ng kontaminasyon sa tubig. Higit pa rito, ang mga pampubliko at pampribadong sasakyan na dadaan dito ay magbubuga rin ng mataas na antas ng heavy metals na siyang dadagdag sa negatibong epekto nito sa lugar.

May posibilidad ding matamaan ang mga mangingisda sapagkat maaaring maapektuhan ang kanilang hanapbuhay dulot ng patuloy na pagsasagawa ng LLRN. Kaya nararapat umanong unang isakatuparan ang pagbibigay ng alternatibong hanapbuhay para sa mga residente kapag nagpapatupad ng ganitong klaseng proyekto. 

Mga hakbang sa pagpapagaan ng suliranin

Sa ngayon, ang pinakamadaling paraan upang mabawasan ang mga masasamang epektong dala ng heavy metals bunsod ng mga itinatayong imprastraktura ay ang paggamit ng mga materyales na hindi nakasasama sa kalikasan. Ibinahagi rin ni Eusebio na kapag itinuring nang “critical project” ang isang inisyatibo, kailangan nitong dumaan sa mahigpit na proseso ng environmental impact assessment (EIA) na isinasagawa ng Department of Environment and Natural Resources, katuwang ng pamahalaang lokal.

“Lahat ng magiging impact niya, impact sa soil, impact sa environment, impact sa tao, impact sa livelihood, dapat nakalagay doon. Kapag ‘di sila nakapagsabi ng gagawin nila, hindi sila mabibigyan ng permit,” paliwanag pa niya.

Iminungkahi rin ng inhinyero na ang awtoridad ay may kakayahang magpatupad ng mga hakbang at polisiya sa wastong paggamit ng heavy metals. “Pwedeng i-ban kapag nakita nila na talagang may toxic effect lalo na kapag siya ay nasa air kasi mas lalong kayang ma-inhale. Ganun din sa drinking water, kapag contaminated na, pwede nilang ipatigil.”

Samantala, may mga naipasa na ring batas sa bansa na kumikilala sa mga implikasyong kaakibat ng heavy metals. Una na rito ay ang Philippine Clean Water Act of 2004, na layuning protektahan ang lahat ng uri ng anyong tubig mula sa polusyon at iba pang salik na makakaapekto rito. Kabilang din dito ang Philippine Clean Air Act of 1999 at Philippine Mining Act of 1995, na maaaring gamitin sa pagresolba ng mga suliraning dulot ng heavy metals.

Panawagan na sana’y matugunan

Sa gitna ng isyung nakaangkla sa usapin ng heavy metals, napapaisip ang karamihan kung paano nga ba mabibigyan ng wastong solusyon ang mga hamong hatid nito.

Ani Eusebio, kailangang makibahagi ang mamamayan sa pagsusumbong ng mga ganitong uri ng isyu. “Iyong mga tao rin hindi nagre-report, so paano natin sosolusyunan kung sabi-sabi lang. Ang mahalaga kasi meron tayong data.”

Makatutulong din umano ang pagtatapon ng mga basura sa wastong lagayan at pagbibigay-alam sa kinauukulan ng mga paglabag sa mga patakarang may kinalaman sa tamang paggamit ng heavy metals

Subalit, binigyang-diin pa rin ni Eusebio ang mahalagang papel ng lokal na pamahalaan sa pagpapatayo ng mga proyektong pangkonstruksiyon. “Ang may control talaga is ‘yung LGU, government, at industries para somehow ‘yung mga ine-explore nila na sources ng metals ay hindi pumunta sa environment eventually. Kasi parang ang nagiging end user lang naman is ‘yung mga tao,” wika niya.

Dahil dito, ang pagtugon sa banta ng heavy metals ay maituturing na hindi lamang gampanin ng iisang tao—isa itong mabigat na responsibilidad ng taumbayan at ng pamahalaan.