Ulat ni Guien Garma, DZLB News
Mariing pinabulaanan ni gubernatorial candidate Sol Aragones na may kaugnayan ang kanyang kampanya sa grupong nagprotesta sa harap ng Laguna Provincial Capitol Extension sa lungsod ng Calamba.
Sa isang Facebook livestream tanghali ng 08 Mayo, sinabi ni Aragones na wala silang organisasyong tinatawag na SOLidong Lagunense.
“For the record, wala ho kaming ganyang grupo na nagpunta dyan [sa Capitol Extension] dahil hindi ko ho istayl yan — ang manira at gumamit ng mga organisasyon para bulabugin, guluhin ang mga kalaban,” ani Aragones.
Pinabulaanan din ni Aragones na may kinalaman ang kanilang kampo sa paghahagis ng tear gas sa mga nagprotesta kaninang umaga sa labas ng Laguna Provincial Extension Capitol.

Sa isang Facebook livestream ngayong tanghali, sinabi ni Sol Aragones na walang kinalaman ang kanyang kampo sa nangyaring protesta at pagpapasabog ng tear gas sa Laguna Provincial Capitol Extension, Calamba, Laguna. Larawan mula sa Sol Aragones FB Page
“Hindi ako gagawa ng isang bagay na magti-tear gas para may mga taong masasaktan. Hindi ko ho gagawin yan. Hindi ko kailangan ng atensyon para gawin ang lahat ng mga pakulong ito para mapansin ako,” ani Aragones.

Sa isang Facebook post ni gubernatorial candidate Ramil Hernandez, ipinakita ang mga larawan ng protesta ng grupong “SOLidong Lagunense”, at ang pagpapasabog umano ng tear gas sa labas ng Laguna Provincial Capitol Extension.
Matatandaang nagsagawa rin ng kilos protesta ang grupong SOLidong Lagunense sa harap ng tanggapan ng COMELEC sa Intramuros, Maynila kahapon.
Ayon sa ulat ng Bilyonaryo News Channel, pinangunahan ni Atty. Ariel Radovan, isa sa mga abogado ng mga nagsampa ng petisyon para sa diskwalipikasyon nina second district representative candidate Gov. Ramil Hernandez at gubernatorial candidate Rep. Ruth Mariano-Hernandez, ang naturang protesta.