Ulat ni Jian Martin Tenorio
Sa paglalakbay tungo sa inklusibo at makatarungang kaunlaran, hindi alintana ng ilang kabataang taga-Los Baños ang init at pagod sa kanilang pagsama sa mga batayang sektor na mahigit isang libong kilometro ang binagtas upang irehistro ang kanilang mga panawagan sa lipunan at pamahalaan.
Noong ika-4 ng Mayo ay mangangampanya lamang dapat para sa paparating na halalan sa Barangay San Antonio ang volunteer campaign organization na Kabataan ng Los Baños para kay Kiko-Bam.
Subalit, napag-alaman ng ilang mga miyembro nito na nasa bandang Los Baños na ang Lakad Hubileyo ng Pag-asa Laban sa Gutom, Kahirapan, at Kawalang-Katarungan Para sa Mabuting Pamamahala, isang 60 araw na paglalakbay ng ilang mga organisasyong nagsimula pa sa Zamboanga Sibugay.
“Sakto, ibinigay na lang din ng timing na isa sa sa mga kasamahan namin sa volunteer group ay papunta na sa aming meeting place for the afternoon session ng house to house. Nakita niya na nasa may parteng Barangay Maahas ‘yung mga kasamahan natin,” kuwento ni Raizza Alforja, volunteer mula Kabataan ng Los Baños para kay Kiko-Bam. “So, nagmadali talaga kami, on-the-spot talaga siya na pagsama. Napagplanuhan namin na i-cancel ang house-to-house at bigyan ng opportunity para makasama ulit kami, masamahan ‘tong mga magsasaka natin sa kanilang ipinaglalaban.”
Sinalubong ng grupo ang mga nagmamartsang magsasaka, mangingisda, at katutubo sa Olivarez Plaza. Mula rito, naglakad sila muli patungong Halang, Calamba City, nang hindi alintana ang init ng panahon, uhaw, at gutom sa ilalim ng tirik na araw.
“Nu’ng panahong naglalakad kami, hindi ako makapaniwala sa sarili ko kasi nakaya kong lakarin ‘yon, 10-kilometer walk… Parang hindi ko siya physically naranasan, parang after na nga, kinabukasan ko na naramdaman ‘yung sakit ng mga paa ko kasi nu’ng naglalakad kami, feeling ko safe, ako dahil ‘yung mga kasama ko, they are fighting for their rights,” paglalahad ni Alforja.
Kabilang sa mga nakasamang maglakad nina Alforja ang mga kinatawan ng mga grupong SAMBILOG – Balik Bugsuk Movement, Stop Kaliwa Dam Network, Coalition of Municipal Fisherfolks Association (COMFAS), Symbiotic Farmers Marketing Cooperative, at Sabang-Poocan Farmers and Fisherfolk Association Inc. (SAPOFFA). Mula sila sa mga lalawigan ng Palawan, Rizal, Quezon, Zamboanga Sibugay, at Antique. Kasama rin nila si Randy Cirio, first nominee ng Pamilyang Magsasaka Partylist.
“They are not just walking because they wanna walk. They are walking because gusto nilang maiparinig ‘yung mga adbokasya, ‘yung mga isyu na pinaglalaban nila sa kanilang iba’t ibang tirahan sa limang probinsya na ‘yon,” saad ni Alforja.
Mga panawagan laban sa development aggression
Ilan sa mga panawagang dala-dala ng mga batayang sektor sa kanilang paglalakad ay ang pagtutol sa proyektong Kaliwa Dam sa Rizal at Quezon; pagtigil sa pangangamkam sa mga lupain ng mga katutubo sa Bugsuk Island, Balabac, Palawan; paghinto ng pagmimina sa Caluya, Antique: at paggiit sa karapatan ng mga maliliit na mangingisda sa 15-kilometer municipal waters laban sa pangkomersiyal na pangingisda.
Pawang saklaw ng mas malawak na konsepto ng development aggression ang mga ipinaglalaban ng mga nagmartsang grupo. Ang development aggression ay tumutukoy sa mga programa at proyektong kadalasa’y isinusulong sa ngalan ng kaunlaran at modernisasyon, gaya ng pagtatayo ng malalaking imprastruktura, ngunit nagdudulot din ng sapilitang paglikas o displacement at paglabag sa karapatang pantao ng mga komunidad, lalo na ng mga indigenous cultural community.
Para kay Marius Cristan Pader, isang volunteer mula Kabataan ng Los Baños para kay Kiko-Bam, marami siyang natutuhan hinggil sa mga isyung bitbit ng mga nagmartsang sektor na kalimitan ay hindi umano nabibigyang-pansin.
“Narinig ko ‘yung kwento nila firsthand, so tumagos talaga sa’kin ‘yon na grabe, ang dami pa nating isyung panlipunan na hindi natin nalalaman, hindi napagtutuunan ng pansin pero meron, ang dami, at nandito ‘yung mga magsasaka, mga mangingisda, at mga katutubo sa hanay para ipaalam sa mga tao ‘yung mga pinaglalaban nila,” paliwanag ni Pader.
Naniniwala naman si Alforja na bagaman malayo ang Los Baños sa mga komunidad na pinanggalingan ng mga grupong nagmartsa, tumatagos ang mga isyung pinaglalaban nila rito at sa bawat bahagi ng bansa, gaano man ito kalayo.
“Halimbawa na lamang, dumating ang malakas na bagyo, kung hindi nila patuloy itong mapoprotektahan mula sa mga malalaking korporasyong ito at sa korap na gobyerno, paano na lang ang buong bansa maliligtas sa mga paparating na kalamidad na ito? Kung kaya’t, natutunan ko at na-realize ko na kahit malayo sila, napakalaking impact nu’ng nararanasan nila sa atin, sa atin sa buong bansa,” saad ni Alforja.
Kaya naman, naniniwala siyang sa pamamagitan ng mga isyung katulad nito, pangunahing mamomobilisa ang kabataang taga-Los Baños na nakatakdang mangalaga sa mga likas na yaman ng bayan sa kinabukasan.
“Sa napakayamang resources na ibinigay na ito sa atin na nakikita nating napalaki ng isyu pagdating sa, halimbawa, katubigan, nandiyan ang mga issue ng pagkakaroon ng development projects na makakasira sa ating kalikasan. Bakit hindi natin daanin sa ganitong mga isyu na tayo mismo ang labis na maaapektuhan at for sure, mapapalabas natin itong mga kabataan na ‘to dahil alam nila na hindi magtatagal, tayo at tayo din ang labis na maapektuhan kapag hinayaan nating mangyari ang mga ganitong bagay,” dagdag ni Alforja.
Mga gampanin ng kabataan
Sa ganitong punto, lumalabas ang kahalagahan ng pakikiisa ng kabataan sa pagpapatambol ng mga panawagan ng iba’t ibang sektor, partikular sa mga naaapektuhan ng development aggression.
“‘Yung makiisa pa lang, malaking bagay na at maipaalam natin through our own means, maipaalam natin sa iba yung nga ganitong nangyayari sa ating mga magsakasaka, mangingisda,” bahagi ni Pader. “Tsaka, ‘yung maparamdam natin sa kanila na may kasama sila gaya nu’ng pagsama namin sa paglakad. Malaking bagay din na makita na may nakikiisa sa kanila.”
Ayon naman kay Mary Grace Campollo, isa ring volunteer ng Kabataan ng Los Baños para kay Kiko-Bam, mahalaga ang gampanin ng kabataan sa pagsusuri sa kasalukuyang sitwasyon at mga maaaring maging epekto nito sa hinaharap.
“Ngayong mulat ang aming mga mata na ang agrikulturang sektor ay lubos na naaabuso sa kabila ng pagiging isa sa pinakaimportanteng aspeto sa bansa, isa sa prayoridad ng mga kabataan na bumoses na iwasto ang trato o magkaroon ng nararapat na aksyon sa mga hinaing ng ating agri sector,” paliwanag ni Campollo.
Buo naman ang tiwala ni Alforja sa angking kakayahan ng kapwa niya kabataan sa paglahok sa laban ng mga batayang sektor sa iba’t ibang paraan tulad ng paggamit ng social media.
“Napakaraming paraan, napakatalino ng ating mga kabataan sa kasalukuyan, at naniniwala ako na kayang kaya ng kabataan kung bibigyan natin sila ng motibasyon at may mamumuno talaga para mag-step up lahat,” pahayag ni Alforja.
Sa huli, makikita ang potensyal ng pagtutulungan ng kabataan at ng iba’t ibang sektor ng lipunan sa pagpapalakas ng mga panawagan upang mapakinggan ang mas malawak na perspektibo sa usapin ng kaunlaran, hindi lamang ang boses ng iilan.
“Siyempre, ‘yung mga ginagawa nating mga proyekto, na parang para sa kaunlaran, parang lagi tayong mapapatanong, kaunlaran para kanino? Kasi, kung nawawalan ng hanapbuhay ang mga magsasaka, mangingisda, at mga katutubo natin, edi parang hindi naman kaunlaran ‘yon, ‘diba?” tanong ni Pader. “Pakinggan sila, at syempre, sa bawat proyekto, i-weigh naman natin ‘yung epekto nito at kung kanino ba talaga ‘yung kaunlaran na sinasabi ng pamahalaan para dito.”