Ulat nina Juthea Anne Gonzales at Sofia Elauria
Kasabay ng tirik na araw, samu’t saring suliranin din ang kinaharap ng ilan sa mga botante ng Los Baños, Laguna ngayong araw, Mayo 12, bilang bahagi ng 2025 Midterm Elections kaugnay ng hindi maayos na proseso ng pagboto at hindi nagkakatugmang listahan ng mga botante sa lokal at nasyunal na antas.
Kabilang na rito si Evelyn Malijan na nakaranas ng nasabing aberya sa kaniyang polling precinct sa Lopez Elementary School, kung saan kanyang namataan na wala ang kanyang pangalan sa listahan ng mga aktibong botante sa kanyang presinto.
“Eh ‘di pumila po ako. [Sa] waiting area at andon na ako. Noong pagdating doon [sa loob], wala pangalan ko,” kwento ni Evelyn. “[Kaya naman] pinicturan ko [yung listahan] at pumunta ako ng COMELEC [Commission on Elections] sa bayan,” dagdag niya.
Subalit, hindi na inalintana ng ginang ang pagpunta sa nasabing opisina, kung saan binigyan na lamang siya ng maliit na papel para pirmahan at makabalik sa presinto. “Okay na lang [‘yun] basta makaboto,” tanging sambit niya.
Isa lamang si Malijan sa mga botanteng nakaranas ng kahirapan sa kani-kanilang mga presinto. Subalit, tila taon-taon ay may mga botanteng nagpapahayag ng mga similar na suliranin.
Kulang-kulang na listahan
Ayon kay Malijan, marami rin sa kanila ang nawawala ang pangalan. Subalit pinapayagan umanong bumoto ang mga ito kapag nagpakita ng larawan na nakasulat ang kanilang pangalan sa labas ng presinto.
“Papano ‘yung mga hindi makakaboto. Andami namin kanina may lima kami. Kinausap ko ‘yong bantay. Papaano ‘yong ibang walang kakayahan na pumunta doon. Ngayon raw, pinaboboto na sila. Basta picturan lang na andoon ang pangalan,” aniya.
Hindi lamang natatapos dito ang mga naitalang aberya sapagkat mayroong mga botanteng humarap sa parehong sitwasyon. Ayon sa isang Barangay Tanod mula sa Brgy. Batong Malake, “‘Yong iba wala [ang] mga pangalan nila. Noong isang taon bumoto sila pero ngayon nawala na pangalan nila kaya pupunta pa sila sa COMELEC sa bayan. Dati rin nakabukas hanggang loob [ng school] ngayon hanggang harap [lang] kaya nagtitiis mga tao sa init.”
Ayon sa ilang botante, unang beses nilang makaranas ng ganitong insidente kaya labis ang kanilang pagtataka kung bakit ganito ang nangyari.
Para sa mga reactivated voters
Bukod rito, may naitala ring kakulangan sa pag-update ng listahan, partikular sa mga balikbayang Overseas Filipino Workers (OFW). Isa sa nakaranas ng problemang ito si Joyce Dela Cruz, isang OFW na muling boboto ngayong eleksyon matapos ang tatlong taon. “Mayroon akong stub from COMELEC tapos doon lang rin nila sinulat kung pang-ilang number ako and then binago ang aking precinct number kasi ayon ang nasa master list nila. Kasi dito, wala talaga ako eh.”
Lubos umano ang kanyang pag-aakalang makasasama siya at ang kanyang kapatid sa listahan. Ayon sa kanya, dumaan naman daw siya sa proseso ng reactivation after long absence.
Nagpaliwag naman ang Department of Education-Commission on Elections (DepEd-COMELEC na posibleng sanhi ng nawawalang pangalan ng ilang botante ang server error ng COMELEC.
Ang pangalan ng mga botante ay makikita sa listahan sa local pero wala naman sa national. Dagdag pa ng COMELEC, lokal na tanggapan ng COMELEC sa Los Baños. Sila ang nagdesisyon ng agarang aksyon na kunan ng litrato ang listahan, papirmahin ang botante, i-check ang ID, kuhanan ng thumbmark, at ipasa ang papel sa COMELEC.
Saksi rin ang isang botante na si Ian Godfry sa mga insidenteng ito. “Dito tinanong ko ‘yung isang staff din, ang sabi na ‘yun nga at nakaboto naman daw yung wala sa masterlist basta andun ang name sa local list.” Nakita rin ni Godfry ang iilan pang mga botante na tinutulungan ng mga staff dahil wala ang pangalan nila sa mga listahan.
Hamong dala ng PPP
Muling itinaguyod ng COMELEC ngayong halalan ang Priority Polling Place o PPP para sa senior citizens, persons with disability , at buntis. Bagaman kasama ang prioritisasyon, mayroong itong sinusunod na sistema kung saan ang botante ay hindi maghuhulog ng sariling balota sa Automatic Counting Machine (ACM). Ang pagboto sa PPP ay opsyonlamang, ngunit ang iilang botante ay pinadidiretso rito.
Isa sa mga nakaranas ng pagsubok na ito sa PPP bago bumoto ay si Felly*. Kwento niya, noong siya at ang kaniyang anak ay pumunta sa lugar, pinapirma sila ng isang papel na hindi nila alintana’y isang waiver sa nasabing proseso ng paghuhulog ng balota. Dagdag pa niya, kumuha raw ang staff ng papel mula sa kabilang presinto at doon raw sila pinag-fill-out. Noong sila ay matapos, inipon ang mga papel na naglalaman ng kanilang boto at ang staff na mismo ang maghuhulog.
Hindi naging komportable si Felly sa naging patakaran ng staff. “Ang gusto ko talaga ay ako ang maghuhulog. Ayaw nila ibigay. Hintayin ko pa raw ang 5:00 [PM].” Aniya, sa ilang taon niyang bumoboto ay ngayon lamang siya nakaranas ng ganoon.
Opisyal na nagsara ang mga presinto kaninang 7:00 pm, habang kasalukuyang pinapasa ng Electoral Board ang Election Returns mula sa mga ACM.
*Hindi nila tunay na pangalan.