Ulat ni Tanya Suiza
Dumagsa ang mga botante sa Mayondon Elementary School ilang oras matapos magsimula ang botohan.
Sa kabila ng pagbubukas nang mas maaga ng botohan para sa mga senior citizen, PWD, at buntis kaninang alas-sais ng umaga, marami pa rin ang nakapila kasama ang mga regular na botante.
Ayon sa election officials, inaasahan pang dadagsa ang mga botante dahil sa paaralang ito boboto ang lahat ng rehistradong botante mula sa anim na purok ng Barangay Mayondon.
Dahil sa dami ng tao at init na umaabot sa 39°C, ilang botante ang nagpasya munang umuwi at babalik na lamang sa hapon.
“Parang mas mabilis ang daloy ng botohan noong nakaraang eleksyon. Ngayon, mas mahirap ang pila kaya marami na ring ayaw bumoto,” ani Maricris Capiña, botante mula sa Purok 1.
Samantala, nakaantabay ang mga medical practitioner at tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa voting center para sa anumang pangangailangang medikal o iba pang insidente.