Sa Pagitan ng Kaunlaran at Kapinsalaan: Mga Hamong Dala ng Laguna Lakeshore Road Network

Ulat ni Alexandra Ysabelle Macasaet

Guhit ni Juthea Anne Gonzales

Hindi maikakailang ang lalawigan ng Laguna ay kabilang sa mga lugar sa bansa na madalas tamaan ng mga sakuna, lalo na ng matinding pagbaha. Sa mga nakalipas na taon, ilang malalakas na bagyo tulad ng Aghon at Kristine ang nanalasa sa iba’t ibang bayan at lungsod ng probinsya, na siyang nagdulot ng paglubog at pagkasira ng mga kabahayan, at pagkalugi ng kabuhayan, partikular na sa sektor ng agrikultura’t pamamalakaya. 

Isa sa mga pangunahing sanhi ng mga pagbaha ay ang pag-apaw ng mga anyong tubig sa paligid ng probinsya, lalo na ang Laguna de Bay. Dahil dito, matindi ang pangamba ng mga pamayanang nasa paligid ng lawa sa tuwing may paparating na malakas na bagyo–hindi lamang dahil sa bitbit nitong hangin at ulan kung hindi pati na rin sa hatid nitong dagok sa kanilang pamumuhay.

Isang lumalalim na hamon at pangamba 

Kilala bilang pinakamalawak na lawa sa bansa, ang Laguna de Bay ay hitik sa likas-yamang bumubuhay sa maraming pamilyang naninirahan sa paligid nito, partikular na ang komunidad ng mga mangingisda.

Gayunpaman, kasabay ng paglipas ng panahon ay ang paglalim ng krisis na kinahaharap ng mga mangingisda rito, mula sa lumalalang polusyon sa lawa hanggang sa nakaambang proyektong pang-imprastraktura na tatama rito, tulad ng Laguna Lakeshore Road Network o LLRN. 

Ang LLRN ay isang proyektong pinangungunahan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na naglalayong pagdugtungin ang hilaga at timog ng Greater Capital Region (GCR), palakasin ang lebel ng transport resiliency, at pasiglahin ang kaunlarang pang-ekonomiya sa Metro Manila at mga lalawigan ng Laguna, Batangas, Quezon, at Rizal sa rehiyon ng Timog Katagalugan. 

Ayon kay DPWH LLRN project coordinator Engr. Eugene Bagay, isinasaalang-alang din ng DPWH ang mga nagdaang kalamidad kung saan nakita nila ang kahalagahan ng mas malawak at mas maayos na alternatibong daan para sa pagdami ng mga sasakyan sa oras ng pangangailangan. 

“Let’s say, big typhoon like Ondoy, mga ganyan,’yung elevation at design din nung project natin is more than enough para kahit magtaas yung flood level ng Laguna Lake is hindi lulubog yung road natin,” paliwanag niya. “So another siya na possible na pwede siyang escape route, or pwede rin siya na dun mag-shelter yung mga tao if ever man.”

Binubuo ang nasabing proyektong dalawang yugto, ang Phase 1 at Phase 2. Sa Phase 1,  nakadisenyong bagtasin ang Lower Bicutan, Sucat, Alabang, Tunasan, San Pedro/Biñan, Cabuyao, Calamba, at Sta. Rosa, sa pamamagitan ng viaduct at embankment, na may interchanges at local connecting roads. Ito ay kasalakuyang nasa procurement stage, kung saan tinitiyak na ng DPWH ang mga kailangang materyales at serbisyo para sa konstruksyon nito. 

Pagdating naman sa Phase 2,  kasalukuyan pa itong nasa feasibility study stage, na siyang pinondohan ng Asian Development Bank (ADB) sa ilalim ng kanilang Infrastructure Preparation and Innovation Facility (IPIF). Ito ay pinag-aaralang magsimula sa Binangonan at magtapos sa Calauan/Bay, sa pamamagitan ng mga estrukturang viaduct, embankment, at twin-tunnel.

Ayon sa ulat ng ADB, ang mga estrukturang viaduct ng nasabing proyekto ay nahahati pa sa tatlo. Ito ay ang lake viaduct, land viaduct, at embankment viaduct.  

“‘Yung approach kasi namin dito is sa mga area na talagang bahain, we use viaduct. That’s very understandable na viaduct, to ensure na hindi magbabaha, or further na magbabaha sa area na yun. Sa mga area naman na hindi bahain masyado, we use embankment,” anila.

Iminumungkahing itayo ang lake viaduct sa hilagang bahagi ng LLRN sa pamamagitan ng interchanges at slip roads na magsisilbing koneksyon sa pampang, habang ang land viaduct naman ang mag-uugnay ng viaduct sa ibabaw ng lawa patungo sa kasalukuyang national highway

Ang mga estrukturang embankment sa kabilang dako ay magsisilbing pilapil o panangga sa daloy ng alon upang maprotektahan ang mga komunidad sa tabing-lawa laban sa posibleng pag-apaw ng tubig at matinding pagbaha. Gayunpaman, ito ay magkakaroon ng access points na maaaring daanan ng mga bangka ng mga mangingisda. 

Rumaragasang daluyong

Sa ipinapanukalang pagbagtas ng LLRN sa ilang bahagi ng Laguna de Bay sa mga nabanggit na estruktura, magkakaiba ang saloobin ng mga residente sa paligid ng lawa sa proyektong ito, kabilang na ang ilang mangingisda mula sa Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (PAMALAKAYA)-Bay. 

Ayon kay PAMALAKAYA-Bay Secretary General Luisiano Karikitan, ang ilan sa kanilang mga kababayan ay natutuwa sa mungkahi ng nasabing proyekto. Para sa ilang residente, isa itong sagot sa pangambang dulot ng mga sakuna. 

“‘Yung ibang taga-purok namin excited, kasi kung ang bahay nila dati, pag tumataas yung Laguna lake nahahataw ng alon, nasisira, ngayon may co-cover na… ‘Yung bahay nila ngayon hindi na masisira,” aniya. 

Ngunit, sa mas personal na pagtanaw, batid ni Tatay Luisiano na hindi pa rin tiyak na masasabi kung ano nga ba ang magiging epekto ng proyekto. 

Para naman kay PAMALAKAYA-Bay Public Relations Officer (PRO) Lito Karikitan, ang mga maliliit na mangingisda ang tinatayang pinakamaaapektuhan ng konstruksyon ng nasabing proyekto. 

“Bababa ang antas ng tubig, tataas ang buhangin, lalawak ang pinaka-kate, [ibig sabihin] maliit na lamang ang aming pangingisdaan,” paliwanag niya. Hindi umano nila kayang pumalaot tulad ng mga bangkang may motor dahil aniya’y ”paano naman kaming mga maliliit na hanggang tabi lang?”

Dagdag pa niya, may dulot din itong hamon para sa mga maggugulay sa tabing-lawa sa tuwing tataas ang tubig. “Kasi nga mataas na ang pinaka buhangin, paano aatras ng mabuti ang tubig kung bababaw ang dagat?,” aniya. 

Batid sa mga salita ni Tatay Lito ang hindi matutumbasang pangamba sa kabila ng mga isinusulong na benepisyo ng proyektong LLRN. Tila sa pagtatayo ng mga estrukturang tulad nito ay nabubura ang espasyo para sa mga maliliit na mangingisda at magsasakang matagal nang umaasa sa lawa. 

Sa likod ng alon ng LLRN

Paliwanag ni UPLB Assistant Professor Ron Jay Dangcalan, sa kabila ng mga nabanggit na peligro sa mga lokal sa paligid ng lawa, mayroon ding dulot na benepisyo ang isinusulong na proyekto, tulad ng mas magandang konektibidad patungo sa Greater Manila Area, at potensyal na paglago ng turismo at ekonomiya. 

Gayunpaman, inayunan ng propesor ang pangamba ng mga mangingisdang gaya nina Tatay Luisiano at Tatay Lito hinggil sa maaaring epekto ng konstruksyon sa mga komunidad sa paligid ng lawa.

Kabilang sa mga tinalakay ng propesor ang posibleng pagkawala ng tirahan ng ilang mga mamamayan sa tabi ng lawa, pagliit ng mismong lawa dahil sa pagtatayo ng mga estruktura gaya ng embankments, at ang panganib ng mas malalang pagbaha dulot ng patuloy na pagtaas ng burak at sedimentasyon sa lawa.

“Kung titignan natin, pataas pa ng pataas ang volume ng ulan dahil sa climate change,” pahayag ni Dangcalan. “Kung ang mga bagay na ‘yun ay maghahalo-halo at magkakasama, malakas ang tyansa na magkaroon ng mas mataas na antas ng pagbaha sa Laguna,” paliwanag niya. 

Higit na nakababahala rin ang mga posibleng implikasyon ng LLRN sa kabuhayan ng mga mangingisda, tulad na lamang ng mga pag-aalinlangan ni Tatay Lito. Ayon kay Dangcalan, ang posibleng spills ng semento at iba pang kemikal na kailangan sa konstruksyon ng mga estruktura ay maaaring makadagdag sa laganap na polusyon sa Laguna de Bay. 

“‘Pag nagkaroon ng maraming economic activity, totoo nga na maraming trabaho pero ang ibig sabihin din noon, dadami ang mga businesses at kabahayan na [posibleng] mag-du-dump ng kanilang mga waste doon sa Laguna de Bay,” dagdag pa niya.

Sa pagdami ng mga aktibidad pang-ekonomiya at trabahong hatid nito para sa ibang mamamayan, sumisidhi rin ang panganib na dulot nito sa kalikasan at sa mga komunidad na umaasa rito para sa kanilang kabuhayan. Bukod dito, siyang ipinipinta nito na sa likod ng dalang “kaunlaran” ng LLRN para sa ilan, kagipitan ang kapalit para sa mga nasa laylayan.

Para sa komunidad 

Batay sa ulat ng ADB, kinikilala nilang disaster-prone area ang Laguna. Kaya naman, tinitiyak umano nila na isasaalang-alang ng disenyo ng LLRN ang mga aspeto ng climate at disaster resiliency. Gayundin ang pagsisiguro na ang mga hakbang ng DPWH sa pagpapatupad ng proyekto ay naaayon sa national decarbonization commitments ng bansa.

Iginiit ni Dangcalan na marapat ding isaalang-alang ng gobyerno, gaya ng Laguna Lake Development Authority (LLDA) at ng mga nagpapatupad na ahensya, ang mga maaapektuhang komunidad sa pag-disenyo ng mga malalaking pang-imprastrakturang proyekto tulad ng LLRN. Aniya, sa pamamagitan ng participatory consultations sa pagsasagawa ng mga impact assessments at mitigation measures, maaaring marinig ang totoong sentimyento ng mga maaapektuhang komunidad patungkol sa proyekto.

“Ang pag-manage ng lawa, supposedly, ay dapat integrated. Ibig sabihin, maayos ang koordinasyon at proseso,” pagdidiin niya. 

Bukod sa mungkahi ng ganitong mga proyekto, idinagdag din ng propesor na mahalagang aspeto ng kaunlaran ang capacity building sa mga apektadong komunidad, tulad ng mga mangingisda at ng mga disaster risk reduction and management committee sa bawat barangay.

Mula sa komunidad 

Panawagan naman ni Tatay Luisiano na sana ay makababa sa komunidad ang mga nagpapatupad ng nasabing proyekto upang malaman ang mga pangangailangan at saloobin ng mga residente. 

“Kung sakali mang bumabaw ang lawa natin, ano ba ang dapat itulong sa mga tao na nangingisda? Kasi ‘yun ang unang tatamaan ng epekto,” aniya. 

Hiling din niyang magkaroon ng sapat at angkop na pag-aaral ukol sa proyekto, lalo na para sa kanilang ang pangunahing hanapbuhay ay nakasalalay sa lawa, higit pa ngayon na kailangan nilang humarap sa mga pagbabagong dulot ng klima at ng mga proyektong pang-imprastraktura tulad ng LLRN.

Para naman kay Tatay Lito, mahalagang maisaalang-alang din kalagayan ng mga magsasakang nawawalan ng kita sa tuwing lumulubog ang kanilang mga bukirin dahil sa matinding pagbaha.

Hindi maikakaila na ang mga proyektong pang-imprastraktura tulad ng LLRN ay may layuning magdulot ng kaunlaran sa mga lalawigang pag-uugnayin nito, mula sa pagtugon sa mga isyung pang-transportasyon hanggang sa pagpapasigla ng ekonomiya. Gayunpaman, kaakibat din nito ang malawak na hamon para sa mga maaapektuhang komunidad partikular sa mga usaping pangkapaligiran at hanapbuhay. 

Para kay Tatay Luisiano at Tatay Lito, tila kasabay ng pag-usbong ng proyekto ang pangambang lumubog ang kanilang mga kabuhayan. Kaya naman, sa huli, ang tunay na kaunlaran ay hindi nasusukat sa anyo ng modernisasyon. Kailanman, hindi ito dapat itayo kapalit ng pagkalunod ng karapatan at kabuhayan ng mga mamamayan, pati na rin ng kalikasan.