Gandingan Awards tumunog para sa kasaysayan

Ulat ni Reece Bawalan

Umani ng parangal ang iba’t ibang alagad ng medya ng Pilipinas sa 19th UP ComBroadSoc Gandingan Awards na ginanap noong ika-26 ng Abril 2025 sa UPLB DL Umali Hall. Sa ilalim ng temang “Tagahabi ng Kasaysayan Para sa Bayan,” layunin ng programang kilalanin ang papel ng midya sa pagbabalik-tanaw sa kasaysayan at pagsusulong ng katarungan at kaunlaran.

Ang public historian na si Michael Charleston “Xiao” Chua na tumanggap ng Ka Louie Tabing Memorial Achievement Award, ang pangunahing parangal ng programa.

Kaugnay nito, pinarangalan naman ang dokumentaryong “Quezon City: The Birthplace of our Nation,” kung saan tampok si Chua, bilang UP ComBroadSoc’s Choice for Gandingan ng Kasaysayan.

Natanggap naman ng FYT Media ang parangal bilang Gandingan ng Kaunlaran: Most Development-oriented Radio/TV Station/Online Platform

Samantala, ang mga core awards naman ay iginawad sa mga sumusunod na programa: The Howie Severino Podcast (Educational Program), Iskoolmates ng People’s Television Network, Inc. (Youth Program at Participatory Program), Lakbay GALING ng DOST-PCAARRD (Livelihood Program), Kapuso Mo, Jessica Soho: Nickel and Dime ng GMA Network, Inc. (Environment Program), Saribuhay ng DOST-PCAARRD (Technology Program), at State of the Nation ng GMA Network, Inc./GTV (Gender Transformative Program.

Ginawaran din ng core awards ang mga sumusunod na personalidad na sina Kim Atienza (Edukasyon), Winnie Cordero (Kababaihan), Martin Javier (Kabataan), Jiggy Manicad (Kabuhayan), Jessica Soho (Kalikasan), at Ariel Rojas (Agham at Teknolohiya).

Samantala, nagwagi rin ng General Awards ang ilang mga istasyon at programa ng radyo at telebisyon, mga online platforms, at maging ang ilang mga personalidad.

Sa pagbubukas ng programa, nagbigay ng mensahe sina UPLB Chancellor Jose V. Camacho, Jr., College of Development Communication (CDC) Dean Edmund G. Centeno, at Gandingan Awards Founder na si Prof. Mark Lester del Mundo Chico. 

Binigyang-pugay ni Chancellor Camacho ang ComBroadSoc para sa pagpapatuloy ng Gandingan Awards taon-taon at binigyang-diin ang tema bilang paalala sa kahalagahan ng kasaysayan sa pagtataguyod ng bayan.

Ayon din sa kanya, “Here in UPLB, we take pride in being the cradle of development communication… your work truly matters.”

Sa talumpati naman ni Dean Centeno, sinabi niya na ang midya ay “tagapangalaga ng katotohanan at tagapagtanggol ng karapatang malaman ng publiko.”

Kaugnay naman ng tema ng Gandingan Awards 2025, dagdag pa niya, “Sa bawat kwentong ating isinasalaysay, tayo ay nagiging bahagi ng mas malawak na kasayssayan ng ating bayan.”

Binanggit naman ni Prof. Chico na maliban sa pagkilala sa kahusayan ng midya at mga kawani nito, layunin ng Gandingan Awards na kilalanin ang ambag nito sa kasaysayan at paghubog ng hinaharap. Aniya na ang midya ay hindi lamang tagapaghatid ng balita kundi tagahabi rin ng kasaysayan.

Nagbigay-aliw naman sa mga dumalo at manonood ng programa ang mga pagtatanghal mula sa Talahib People’s Music, UPLB Umalohokan Inc., UPLB Filipiniana Dance Troupe, UPLB Talent Pool, at UPLB Street Jazz Dance Company.

Bago ang seremonya ay nagtayo din ang ComBroadSoc ng exhibit sa UPLB Student Union Building tampok ang partner community nitong Lila Pilipina.