LILA Pilipina katuwang ng Gandingan Awards

Ulat ni Reece Bawalan

“Ang kwento ng mga comfort women ay kwento ng trahedya, ngunit kwento rin ito ng kabayanihan ng masang kababaihang nanindigan at lumaban para sa sarili at sa bayang nilulupig ng mga dayuhan…”

Ito ang pahayag ni Sharon Cabusao-Silva, Executive Director ng Liga Para sa mga Lolang Pilipina (LILA Pilipina), ang katuwang na komunidad ng 19th UP ComBroadSoc Gandingan Awards na ginanap sa UPLB DL Umali Hall noong ika-26 ng Abril 2025 kung saan sila ay pormal na kinilala.

Ang pagkilala sa kanila ay naka-angkla sa tema ng Gandingan Awards ngayong taon na “Tagahabi ng Kasaysayan Para sa Bayan.”

Natatag noong 1994, ang LILA Pilipina ay isang samahan ng comfort women, mga kababaihang nakaranas ng sekswal na pang-aalipin noong World War II.

Sa isang bidyong handog ng Gandingan Awards para sa LILA Pilipina, binigyang pansin ang patuloy na laban ng mga comfort women para sa pagkamit ng katarungan at pagbibigay-kamalayan sa bahaging ito ng kasaysayan.

Sa kanyang pahayag, binigyang-diin ni Cabusao-Silva ang kanilang patuloy na laban para sa katarungan para sa mga comfort women: ang patuloy na paghahangad at pakikibaka para sa pormal na paghingi ng tawad ng gobyerno ng Japan, at ang pagtiyak na hindi na ito mauulit pa sa pamamagitan ng pagtuturo ng kasaysayan sa mga kabataan.

Nanawagan din si Cabusao-Silva na suportahan ng masa ang kanilang adbokasiya para sa katarungan, pagtutol sa mga giyera ng pananakop, at pagtatanggol sa mga kababaihan pati na sa soberanya ng bansa.

Ayon naman kay Kyla Cryselle Orozco, Public Service Head ng UP ComBroadSoc, “Sa likod ng mga parangal na ito, nakatago ang paglingap at pagkilala sa aming partner communities. Kung may isang prinsipyong isinasabuhay ng mga miyembro ng UP ComBroadSoc, ito ay ang pagtingin sa public service bilang puso ng organisasyon.” 

Kaugnay nito, ang malilikom mula sa ticket sales ng Gandingan Awards ngayong taon ay ilalaan para sa LILA Pilipina.

Ang Gandingan Awards ay pinangungunahan kada taon ng UP Community Broadcasters’ Society (ComBroadSoc), isang socio-civic student organization mula sa UPLB College of Development Communication.

Pinarangalan din nito ang ilang mga alagad ng medya sa kanilang kontribusyon sa paghabi ng kasaysayan.

Para sa paglalahad ng mga nagwagi, basahin ang ulat na ito.