Alaga’t Sigla Para Kina Lolo’t Lola: Kauna-unahang Senior Care Community Center Sa Luzon Matatagpuan sa Los Baños, Laguna

Ulat ni Jeanne Raphaelle Flores

Binuksan na ang kauna-unahang Senior Care Community Center (SC3C) sa Luzon na matatagpuan sa Los Baños, Laguna noong 30 Abril 2025. Ito ay naka-ayon sa Gender and Development (GAD) Code ng Municipal Government of Los Baños.

Ang buong Center ay sanitized, air conditioned, at maliwanag, naghahatid ng kumportable at ligtas na kapaligiran para sa senior citizens. Sa kasalukuyan, bukas ito mula Lunes hanggang Biyernes para sa mga indibidwal edad 60 pataas ng walang bayad. Ipakita lamang ang Senior ID sa walk-in at sagutan ang registration form para sa nais mag-iskedyul.

Mayroon ding pang-lingguhang mga aktibidad upang malibang ang mga benepisyaryo tulad ng mga Zumba classes, gardening activities, livelihood seminars, at iba pa. Ang Senior Care Community Center ay manipestasyon ng pagkilala sa karapatan ng bawat mamamayan ano man ang kanilang edad—isang paraan ng pagbigay alaga’t sigla para kina Lolo’t Lola.

Ang SC3C ay naglalayong makapagbigay ng pasilidad na magsisilbing libangan at sentruhan ng ilan sa mga pangangailangan ng mga senior citizens. Kasalukuyang libre ang paggamit ng mga pasilidad tulad ng theatre room, massage room, gym, therapy room, clinic, at outdoor cafe.

Theatre room

Siyam na upuan at isang flat-screen TV ang nakapaloob sa silid na ito, kung saan ang mga senior citizens ay maaaring maglibang sa panonood ng iba’t-ibang pelikula. Nakakatulong din ito upang manatiling kritikal at malusog ang mga isipan ng mga benepisyaryo.

Indoor Gym

Ang gym ng SC3C ay mayroong dalawang treadmill, tatlong stationary bicycle, yoga mats, at dumbells, upang magbigay ehersisyo sa mga benepisyaryo. Nagkakaroon din ng mga aktibidad tulad ng Tai Chi na nakakatulong sa kakayahang pisikal at relaksasyon ng mga lolo at lola. 

Massage room

Apat na automatic massage chairs ang kasalukuyang ginagamit sa massage room ng SC3C. Maaaring gamitin ito ng mga senior citizens ayon sa kanilang sariling kagustuhan o maaari din silang bigyan ng gabay sa paggamit nito. Makatutulong ito upang maibsan ang sakit sa mga binti at likod ng mga lolo’t lola, pati na rin sa karagdagang relaksasyon ng benepisyaryo.

Therapy/Activity room

Apat na lamesa na puno ng mga laro tulad ng Chess, Sungka, Scrabble, atbp., ang handog ng Therapy/Activity room ng SC3C. Makatutulong ito sa pakikipagsalamuha ng mga senior citizens sa isa’t isa, pati na rin sa pagpapanatiling aktibo ng pag-iisip ng mga lolo at lola. Dito rin matatagpuan ang mga grip-strength-training equipment ng mga senior citizens.

Clinic

Matatagpuan din sa SC3C ang Clinic na nakakapagbigay ng paunang-lunas at konsultasyon sa mga karamdaman ng mga senior citizens. Mayroong mga doktor, nars, at mayroon ding iba pang kagamitang pangkalusugan. Nagbibigay dito ng suporta para sa grief-management, dementia care, at iba pa.

Outdoor Cafe

Kasalukuyang sarado ang pasilidad na ito sapagkat hindi pa handa ang bahagi kung saan ilalagay ang Cafe. May limang lamesa na maaaring gamitin ng mga senior citizens upang makalanghap ng sariwang hangin at makipag-usap sa iba pang benepisyaryo, kasabay ng kanilang pag-inom ng kape at iba pa. 

Restrooms

Ang mga palikuran sa Senior Care Community Center o SC3C ay may nakapaskil na “Lolo” at “Lola,” tanda ng paggalang at pagkilala sa mga benepisyaryo. Malinis at senior-friendly ang pagkakagawa ng mga ito para sa kaginhawaan ng mga senior citizens.