Mga batang edad 5–9 sa Laguna, nanganganib na hindi marunong bumasa at sumulat

Ulat nina Mithi Antonette Balladares, Aarish Paulo Constantino, at Cian Tolosa
Larawan nina Willy Mepua at Neena Ammanda Tipa

Isinapubliko ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang resulta ng 2024 Functional Literacy, Education, and Mass Media Survey (FLEMMS) nitong nakaraang ika-4 ng Abril 2025 na naglalayong masukat ang estado ng literacy sa bansa.

Batay sa survey, sa mga batang Pilipinong may edad 5–9 taon, nasa 20.1 porsyento ng bata ang hindi marunong bumasa at sumulat, at itinuturing na illiterate, habang 1.9 porsyento naman ang kinokonsiderang “low literate” (marunong magbasa at magsulat lamang). Umaabot naman sa halos 80 porsyento ang “basic literate”, o nakakapagbasa, sulat, at bilang.

Makikita sa datos na bagama’t siyam sa bawat sampung Pilipino ang marunong bumasa at sumulat, nananatiling hamon ang mataas na antas ng illiteracy sa pinakabatang sektor. Kaayon ito ng datos mula sa pag-aaral na ginawa ng EDCOM 2, kung saan natagpuang marami sa mga mag-aaral sa pampublikong paaralan ay hindi naaabot ang antas ng kaalaman na dapat nilang matupad sa kanilang grade level.

Ang basic literacy ay tumutukoy sa kakayahan ng isang tao na bumasa at sumulat ng isang payak na mensahe sa alinmang wika o diyalekto nang may pag-unawa, pati na rin ang pagsasagawa ng mga basic mathematical operations.

Samantala, ang functional literacy naman ay ang kakayahang magbasa, magsulat, at magbilang ng may pag-unawa. Kabilang sa functional literacy ang mas mataas na antas ng pag-unawa, tulad ng pagsasama ng dalawa o higit pang impormasyon at paggawa ng mga konklusyon batay sa mga impormasyong ibinigay.

Ang antas ng basic literacy ay tinutukoy sa mga indibidwal na may edad 5 taon pataas, habang ang antas ng functional literacy naman ay sinusukat sa mga taong may edad 10 hanggang 64 na taon.

Ayon sa Philippine Institute for Development Studies (PIDS), maraming sanhi ang naka-aapekto sa kalidad ng edukasyon sa maaaring makaapekto rin sa literacy rate. Mga guro, punong-guro, kurikulum, silid-aralan, libro, pasilidad, sweldo ng mga guro, study habits, at parental education ang ilang mga bagay na tinitignan na mayroong epekto sa pag-aaral. Bukod sa mga ito, sinisilip rin ang mga socio-economic factors gaya ng mindset mismo ng mga estudyante at kanilang mga background.

Itinatala rin ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang kabuuang populasyon ng Laguna ay lumago mula 3,035,081 noong 2015 tungong 3,382,193 noong 2020, na nagpapahiwatig ng patuloy na paglaki ng bilang sa usapin ng literacy.

Ayon kay Edmon Semaña, principal at guro ng Green Fields Integrated School of Laguna, “Habang bumibilis ang teknolohiya at kapag mas lalong nagiging abot kamay ang lahat, ay mas naapektuhan nito ang kilos ng mag-aaral… ngayon na halos isang pindot na lamang ang lahat ay mas lalong ‘di nagkakaroon ng interest ang mag-aaral na alamin ang dapat alamin at mas walang paki alam sa dapat matutunan.”

Dagdag pa niya, dapat tandaan na ang pagsusulat at pagbabasa ay mga kasanayang nangangailangan ng tamang pagsasanay at hindi maaaring daanin sa short cut method.

“Ngunit sa nangyayari ngayon ay minamadali ito dahil sinasabing abot kamay naman na lahat ng impormasyon ngunit anong naging resulta mas midali ay mas bumagal” aniya.

Ipinaliwanag din ni Semaña na mahalagang pagsamahin ang tradisyonal at makabagong pamamaraan ng pagtuturo dahil hindi nangangahulugang hindi na epektibo ang mga nakasanayan, at hindi rin ibig sabihin na ang mga makabago ay palaging tama. Higit sa lahat, dapat isaalang-alang ang indibidwal na pagkakaiba-iba ng mga mag-aaral upang maiwasan ang tinatawag na teaching method mismatch.

Samantala, binigyang-diin rin niya na ang pagresolba sa literacy problem ay hindi lamang dapat nakatali sa paaralan.

​Ayon sa pinakabagong datos mula sa Philippine Statistics Authority (PSA), tinatayang 93.1% ng mga Pilipinong may edad 10 hanggang 64 ang may kakayahang magbasa at magsulat ng simpleng mensahe sa anumang wika o diyalekto, na tinutukoy bilang basic literacy. Samantala, 70.8% naman sa parehong age group ang may functional literacy, na nangangahulugang bukod sa kakayahang bumasa at sumulat, kaya rin nilang umintindi at gumamit ng mga kasanayan tulad ng numeracy at problem-solving sa pang-araw-araw na buhay.

Ang Functional Literacy, Education, and Mass Media Survey (FLEMMS) ay isang national survey na naglalayong mangalap ng datos bilang batayan sa pagtukoy ng kalagayan ng literacy sa bansa.

References:

https://psa.gov.ph/content/every-10-filipinos-9-have-basic-literacy-while-7-have-functional-literacy

Albert, J. R. G., Basillote, L. B., Alinsunurin, J. P., Vizmanos, J. F. V., Muñoz, M. S., & Hernandez, A. C. (2023). Sustainable Development Goal 4: How Does the Philippines Fare on Quality Education?. Philippine Institute for Development Studies.

https://psa.gov.ph/content/literacy-rate-and-educational-attainment-among-persons-five-years-old-and-over-philippines

https://www.philstar.com/headlines/2024/01/11/2325063/explainer-students-poor-literacy-are-all-teachers-now-reading-teachers

https://www.philstar.com/headlines/2024/01/11/2325062/deped-issues-guidelines-catch-fridays?