Ulat ni Trisha Emelia Tandoy
Muling nagningning ang bayan ng Calauan, Laguna matapos ang matagumpay na pagdaraos ng ika-26 na Pinya Festival noong Mayo 14 hanggang 18, 2025. Ito ay may temang “PinyaSayang Pagdiriwang ng Pista ng Pinya: PinyaYabong na Bagong Calauan para sa Bawat Isa.”
Sa loob ng limang araw, naging makulay ang bawat kalsada, napuno ng musika, sayawan, at iba’t ibang uri ng patimpalak ang bayan ng Calauan. Higit pa sa kasiyahan, naging pagkakataon ito upang muling mapalakas ang lokal na ekonomiya, lalo na para sa mga magsasaka, manininda, at maliliit na negosyo na umaasa sa industriya ng pinya.
Pormal na binuksan noong Mayo 14 ang pagdiriwang ng Pista ng Pinya sa pamamagitan ng isang makabuluhang misa ng pasasalamat sa San Isidro Labrador Parish Church, na dinaluhan ng mga opisyal ng bayan, mga residente, at iba’t ibang sektor ng komunidad. Kasunod nito ang makulay na civic parade na nagpakita ng diwa ng pagkakaisa at kasiglahan para sa unang araw ng pista.
Ayon kay Calauan Mayor Roseller “Osel” Caratihan, ang limang araw na pista ay hindi lamang puno ng saya, kulay, at pagkakaisa, kundi isa ring mahalagang pagkakataon upang ipagdiwang ang pagkakabuklod ng komunidad.
“Higit pa sa isang festival, ito ay pagdiriwang ng ating pagiging isang komunidad at pagkilala sa ating pagsusumikap, sa ating mga tagumpay, at sa ating patuloy na pag-unlad,” ani Caratihan.
Dagdag pa niya, sa pamamagitan ng selebrasyong ito, naipapakita ng mga mamamayan ang kanilang pagmamahal sa bayan habang patuloy na pinapalakas ang lokal na pagkakakilanlan at kabuhayan.
Mga kaganapang bumubuo sa pista
Bilang taunang selebrasyon ng pista ng pinya sa Calauan, muli itong napuno ng makukulay na aktibidad na siyang sumasalamin din sa kultura at pagkakaisa ng bayan. Tampok dito ang pagbubukas ng mga trade fair booth kung saan ipinamalas ng bawat barangay ang kanilang pagkamalikhain; hindi lamang sa pamamagitan ng ipinagmamalaking produkto, kundi pati na rin sa pagpapakita ng makabuluhang mga lugar na sumasalamin sa kanilang pagkakakilanlan.

Dinumog ng mga residente at ibang turista ang bawat booth sa trade fair ng Pinya Festival 2025, kung saan tampok ang mga ipinagmamalaking produkto at gawang-lokal ng bawat barangay sa bayan ng Calauan. (Larawang Kuha ni Trisha Tandoy)
Bilang pagkilala sa mga lokal na produkto, naging daan ang “Kadiwa ng Pangulo” upang maipamalas ng maliliit na negosyante sa Calauan ang kanilang mga gawang produkto. Tampok dito ang mga barong at tela na yari sa pinya, gayundin ang iba’t ibang kakanin tulad ng pinya tart, pineapple cake, at pinya bars. Kasama rin ang mga produktong lokal tulad ng sinantolan, alamang, at mani. Itinampok din sa programa ang mga sariwang prutas at gulay gaya ng saging, mangga, at kamote, lahat ay ani mula mismo sa mga residente ng Calauan.
Naging magandang pagkakataon din ang programang ito para sa mga residente at turista na makabili ng mga lokal na produkto, kung saan nagsisilbi ring hakbang na tumutulong upang mas mapalawak ang merkado ng maliliit na negosyante sa Calauan.
Hindi rin nawala ang float parade kasama ng street dance competition kung saan naipamamalas ang talento sa pagsayaw at pagtatanghal ng mga kabataang mula sa iba’t ibang barangay ng Calauan.

Sa huling araw ng pagdiriwang, tampok ang makukulay na kasuotan, magiliw na ngiti, at ang husay sa indak ng mga kalahok sa Pinya Festival Street Dance Competition habang masigla silang nagsasayaw sa saliw ng musika. (Larawang Kuha ni Trisha Tandoy)
Ayon kay Samantha Carmona, residente ng Calauan na tatlong taon nang sumasali sa street dance competition, “Masaya po, kasi kahit nakakapagod ang mga practice, rewarding naman po siya. Lalo na kapag nagpe-perform kami at nakikita naming natutuwa ang mga nanonood, nakakapagpasaya po kami ng mga tao.”
Dagdag pa rito ay ang iba’t ibang kompetisyon gaya ng Manika Contest, Cooking Contest, at Pinyaka Mosaic Contest na nagsisilbing plataporma para maipamalas ng mga kalahok ang kanilang talento at malikhaing pag-iisip.
Tampok din sa pagdiriwang ang mga patimpalak gaya ng Binibini at Ginoong Calauan, ang Pinyakadyosa para sa mga miyembro ng LGBTQIA+ community, PinyaSayang Araw ng Kabataan, at ang That’s My Lolo at Lola para sa mga nakatatanda o senior citizens.
Sa pamamagitan ng mga aktibidad na ito, naipapakita ng bayan ang mas inklusibong pagdiriwang kung saan may puwang ang bawat sektor ng komunidad upang makibahagi. Lalong naging makabuluhan ang pista dahil sa aktibong partisipasyon ng lahat, mula sa kabataan hanggang sa mga senior citizens na sama-samang ipinagdiriwang ang diwa ng kasaganahan.
Pagbabaliktanaw sa kasaysayan ng pinya festival
Taong 1999 nagsimula ang pagdiriwang ng Pinya Festival sa bayan ng Calauan, bilang pagdiriwang sa masaganang industriya ng pinya at iba pang produktong agrikultural ng bayan ng Calauan. Samakatuwid, kilala ang bayan ng Calauan bilang nangungunang pinagmumulan ng pinakamatamis na pinya sa Rehiyon 4A-CALABARZON. Noon pa lamang ay layunin ng pista na itampok at isulong ang mga lokal na produkto ng bayan, partikular na ang pinya.

Lalong tinatangkilik ng mga mamimili ang matamis at masaganang ani ng pinya sa Calauan, Laguna, lalo na tuwing idinaraos ang makulay na Pinya Festival. (Larawang Kuha ni Trisha Tandoy)
Isa sa mga matagal nang bahagi ng industriyang agrikultural sa Calauan si Irene Mayuga, isang pineapple vendor na lampas dalawang dekada nang nagtitinda ng pinya sa palengke. Kwento niya, nagsimula lamang sila ng kanyang asawa bilang mga simpleng magsasaka ng pinya sa Brgy. Paliparan. “Tapos sa awa naman ng Diyos, eh sa maliit na pwesto nagsimula kaming magtinda noon tapos lumaki na nang lumaki, napagtapos na namin yung mga anak namin,” aniya.
Para kay Rhea Mercado, isang matagal nang residente ng Calauan, ang Pista ng Pinya ay hindi na bago ngunit nananatiling kapana-panabik taon-taon. Ayon sa kanya, “Ako sa edad kong ito, talagang nasaksihan ko na yung lahat ng Pinya Festival at talaga namang nakaka-excite ito taon-taon kasi andaming mga events.” Dagdag pa niya, kitang-kita raw kung paano ito pinaghahandaan ng lokal na pamahalaan, na lalo pang nagpapasigla sa buong selebrasyon.
Diwa ng pista para sa mga Calaueño
Ayon kay Maria Crizel, Tourism Officer ng Calauan, ang pagdiriwang ng Pista ng Pinya ay hindi lamang isang selebrasyon ng kultura at produkto ng bayan kundi isa ring anyo ng pasasalamat.
“Bilang ang town saint nga natin na kinikilala ay si San Isidro Labrador, na patron saint ng mga magsasaka, naniniwala tayo na sa paraan ng pagdiriwang na ito ay pagpapasalamat sa masaganang ani dito sa ating bayan, lalo na sa masaganang pinya dahil ito nga ang pangunahing produkto ng ating bayan,” ani Crizel.
Para sa mga Calaueños, ang pista ay isang tradisyong nagbibigay-pugay sa biyayang ipinagkakaloob sa mga mamamayan, at pagpapasalamat sa isang buong taong kasaganaan, partikular na sa sektor ng agrikultura na siyang haligi ng ekonomiya ng Calauan.
Para sa mga lokal na nagtitinda naman ng pinya, ang panahon ng pista ay itinuturing na isa sa mga pinakaabala ngunit pinakamasaganang bahagi ng taon dahil higit na mas malaki at marami ang mga taong dumadayo sa bayan ng Calauan para sadyaing matikman ang pangunahin nitong produkto.
Ayon kay Sonia Almanza, isang pinya vendor, “Kapag fiesta, ayan, dahil tag-pinya rin naman, talagang dinudumog kami dahil marami talagang tao rito sa bayan buong fiesta.” Kuwento niya, may mga dumadayo pa mula sa ibang lugar at bulto-bulto kung bumili ng pinya. Dahil dito, naniniwala siyang mas natatangkilik ang kanilang produkto tuwing pista, lalo na’t napaguusapan ito at mas nakikilala sa mas malawak na publiko.
Sa huli, higit pa sa isang makulay at masayang selebrasyon ang Pista ng Pinya sa bayan ng Calauan. Nananatili itong buhay na patunay ng pagkakakilanlan, pagkakaisa, at pagsusumikap ng mga mamamayan ng Calauan. Mula sa mga parada at patimpalak, hanggang sa pagpapasigla ng lokal na ekonomiya at promosyon ng agrikultura, ipinapakita nito ang tunay na diwa ng kapistahan. Para sa mga katulad ni Sonia Almanza, isang manininda ng pinya sa palengke, ang pista ay hindi lamang panahon ng benta kundi ng pag-asa at pasasalamat.