PhilHealth Konsulta service delivery caravan, ginanap sa Los Baños

Nasa 300 na indibidwal, kabilang ang mga magsasaka, mangingisda, barangay tanod, at mga street sweepers mula sa bayan ng Los Baños ang itinakdang makilahok sa PhilHealth Konsulta Service Delivery Caravan na isinagawa ngayong araw, Mayo 21, mula alas-7 ng umaga, sa Cesar P. Perez Multipurpose Hall and Evacuation Center. Ang aktibidad ay pinangunahan ng PhilHealth, LB Municipal Health Office (MHO), at LB Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO). Kabilang sa aktibidad ang Konsulta Registration, First Patient Encounter, at Medical Consultation.

Nagsagawa ng PhilHealth Konsulta Service Delivery Caravan ngayong araw, Mayo 21, mula alas-7 ng umaga, sa Cesar P. Perez Multipurpose Hall and Evacuation Center.

Ayon kay LB Municipal Health Officer Dr. Alvin Isidoro, layunin ng aktibidad na magbigay ng medical consultation services sa mga nasabing sektor. Kasama sa mga serbisyo ang pagsasagawa ng PhilHealth profile, laboratory services, at pagbibigay ng mga kinakailangang gamot. “Ang health caravan kasi natin, regularly ginagawa monthly sa bara-barangay. Pero for this activity, minabuti namin ay sabayin na doon sa yung target talaga ng PhilHealth,” paliwanag ni Dr. Isidoro. Ang target population, na kinabibilangan ng mga barangay tanod, street sweepers, mangingisda, at magsasaka, ay inimbitahan ng MSWDO, batay sa listahan nito, ayon kay Dr. Isidoro. Mga doktor, nars at mga kumadrona mula sa LB RHU1 ang nagsagawa ng health screening at medical consultation para sa mga kalahok.

Paliwanag ni Nancy Reyes, Social Insurance Officer ng PhilHealth, ang PhilHealth Konsulta  ay outpatient benefit para sa lahat ng Pilipino. “Kahit sila ay malusog, kinakailangan nilang mag-avail ng Konsulta package upang mapangalagaan ang kanilang kalusugan,” ani Reyes. Dagdag niya, kung sakaling makitang may karamdaman ang isang tao, makakatulong ang mga serbisyo ng PhilHealth Konsulta upang magamot ito agad at hindi na lumala.

Ayon sa PhilHealth website, ang PhilHealth Konsulta ay comprehensive outpatient benefit package na ipinag-uutos ng Universal Health Care Law. Layunin ng PhilHealth Konsulta na mapangalagaan ang kalusugan ng bawat Pilipino laban sa malalang sakit; maiwasan ang komplikasyon sa pamamagitan ng early detection; at makapagbigay ng abot-kayang mga gamot. Bukod pa ang Konsulta sa mga naunang benepisyong ibinibigay ng PhilHealth sa mga pasyenteng kailangan ma-confine sa ospital.

Sa ilalim ng PhilHealth Konsulta, ang lahat ng Pilipino ay dapat magparehistro sa isang PhilHealth Konsulta Provider, kung saan makakuha sila ng konsultasyon, health risk screening and assessment, selected laboratory and diagnostic tests, at selected drugs and medicines.

Ayon kay Reyes, ang Los Banos RHU 1 ay isa nang PhilHealth Accredited Konsulta Provider, at maaaring magsagawa ng mga medikal na serbisyo sa ilalim ng PhilHealth Konsulta package. “Yung availment ng Konsulta dito ay no co-payment or no out-of-pocket (payment),” saad ni Reyes. Bukod dito, ang LB RHU1 ay accredited din bilang Tuberculosis- Directly Observed Therapy (TB-DOTS) center, maternity care package provider, animal bite treatment center, at mental health outpatient care provider.

Narito ang schedule ng mga susunod pang mga Philhealth Konsulta Service Delivery Caravan sa mga bayan ng Los Baños at Bay ngayong Mayo at Hunyo:

Iskedyul ng mga susunod na PhilHealth Konsulta Service Delivery Caravan sa Los Baños at Bay ngayong Mayo at Hunyo

Sa mga mamamayan ng Los Banos na nais mag-avail ng PhilHealth Konsulta Package, maaaring pumunta sa LB RHU1 mula Lunes hanggang Biyernes, 8 ng umaga hanggang 5 ng hapon. Maaari ding magpunta sa ibang mga ospital at pagamutan na accredited bilang PhilHealth Konsulta Package Providers.