Ulat ni Jhonadelle Patriarca

EHERSISYO, IWAS PERWISYO. Isa sa mga ginawang makeshift obstacle para sa mga PWD upang magsanay ng motor skills. (Richie Santos)
Muling isinagawa ng Pederasyon ng Taong May Kapansanan sa Sta. Cruz, Laguna Inc. (PTKSCLI) ang kanilang Community-based Rehabilitation Program, handog ang libreng physical therapy para sa persons with disability (PWD). Ito ay tatakbo bawat Linggo, simula Mayo hanggang Agosto 2025, sa bawat barangay ng Sta. Cruz.
Katuwang ng PTKSCLI ang interns mula sa Emilio Aguinaldo College (EAC), sa ilalim ng gabay ng lisensyadong physical therapists. Ang mga sesyon ay isinasagawa sa mga barangay hall, multi-purpose centers, covered court, at home visits.
Bukod sa libreng physical therapy, isinama rin sa programa ang mga tutorial sessions para sa mga bata ng bawat barangay, para suportahan ang kanilang intelektwal at pisikal na pag-unlad. May mga simpleng pagtuturo sa pagbabasa, pagsusulat, developmental assessments, at iba pang kasanayan upang maagapan ng maaga ang posibleng komplikasyon.
Talaan ng programa
Isang beses kada buwan binibisita ng grupo ang bawat barangay upang makapagbigay ng sapat na oras at atensyon sa mga pasyente. Ang mga karaniwang pasyente ay may stroke, cerebral palsy at pananakit sa kasu-kasuan.
Tuwing Lunes, ang mga barangay na nakahain ay Bubukal, Jasaan, Labuin, Alipit, Oogong, San jose, at San Juan. Sa martes ang Poblacion 1 hanggang 5, Santisima, San Pablo Sur, at San Pablo Norte. Pang Huwebes naman mga barangay na Bagumbayan, Duhat, Gatid, at Calios. Ang panghuling araw ng rotasyon ay gaganapin sa Brgy. Patimbao, Pagsawitan, Palasan, Sto. Anghel Norte, Sto. Anghel Central at Sto. Anghel Sur.
Lagay ng PWDs sa Sta. Cruz
“Kulang talaga sa serbisyong rehabilitasyon ang mga PWD dito sa Sta. Cruz, dahil syempre, kulang ang pera, kaya’t nakakatulong talaga to, di lang sa mga PWD pati rin sa mga nais tumulong sa kanila sa darating, nagkaroon ng OJT experience mga assistant namin na college. Nakita rin nila kung paano buhay ng isang may kapansanan at mas nagaganahan kaming team para tumulong” pahayag ni Richie Santos, pangulo ng PTKSCLI.
Madalas itago ng ilang pamilya ang kanilang kamag-anak na may kapansanan, pinipiling hindi ito ipakita sa publiko. Ngunit sa tulong ng organisasyon at mga programa nito, unti-unti nang nagkakaroon ng pagbabago. Ngayon, hinihikayat na ng mga komunidad ang mga taong may kapansanan na lumantad, at lumahok sa mga kaganapan ng PTKSCLI.
Karagdagang tulong mula sa PTKSCLI
Nagbibigay ang PTKSCLI ng maikling health orientation, educational materials, fund-raising, at health monitoring. Tinutulungan din nila ang mga tagapag-alaga ng PWDs upang matutunan ang mga simpleng ehersisyo na maaaring gawin sa bahay.
Inaanyayahan ng PTKSCLI ang lahat ng PWD sa Sta. Cruz na makipag-ugnayan sa kanilang barangay o sa mismong opisina ng Pederasyon upang magrehistro at malaman ang iskedyul ng libreng physical therapy sa kanilang lugar.