Ulat: Jai De Los Santos at Francine Pineda
Coverage: Mica Castillo
Contributor: Martin Joy Banaticla
Marahil sa paglalakad sa campus nitong mga nakaraang buwan ay may naabutan ka nang isang puting bus na nakaparke sa gitna ng initan, nakabukas ang mga bintana, at may baristang nag-aabot ng menyu. Sa Physci matapos ng mga exam o kaya na man paglabas sa CAFS administrative building matapos magbayad sa cashier, may mga estudyanteng pumipila para umorder sa isang bus para sa kape at sandwich ng Elbi Circulo Cafe.
Bilang lokal na tugon sa mga global na krisis tulad ng seguridad sa pagkain at climate change, inilunsad ng ng Unibersidad ng Pilipinas sa Los Baños ang Elbi Circulo Cafe, na isang proyektong nakatuon sa circular food system.
Ang konteksto ng pagkain sa Pilipinas
Noong nakaraang taon, halos tatlong trilyong tonelada ng pagkain ang nasayang ng sambahayang Pilipino ayon sa UN Environment Program. Katumbas nito ang pagsasayang ng bawat isang Pilipino ng kalahating sako ng bigas taun-taon.
Kasabay nito, tinatayang nasa 26 porsyento ng greenhouse gas emissions sa mundo ay nagmumula sa industriya ng pagkain. Ang mga hakbang na ginagawa sa food production, food processing, at distribution ay nagbubuga ng mga greenhouse gases tulad ng carbon dioxide, methane, at nitrous oxide, na kumukuha ng init mula sa araw at nagiging sanhi ng lalong pag-init ng paligid.
Anong kakaiba sa Elbi Circulo Cafe?
Ang proyektong Elbi CIRCULO on Wheels ay pinag-ambag ambagan ng iba’t-ibang institusyon, kolehiyo at malalapit na stakeholders ng UPLB upang makabuo ng isang regulated circular food system sa Los Baños. Nagsimula ito bilang isang kapehan at study space sa College of Agriculture and Food Science – Dairy Training and Research Institute (CAFS-DTRI). Pinangunahan ng kasalukuyang dekano ng CAFS, Dr. Amado D. Angeles, ang Phase 1 ng proyekto sa DTRI. Sa kasalukuyan, pinangungunahan ni University Researcher Ayie Latayan ang proyekto.
Ang cafe-on-wheels ay nag-aalok ng iba’t ibang uri ng kape, bottled milk ng DTRI, ice cream, at milk tea. Mayroon din silang silog meals, salad, mga sandwich, at kamote fries.
Bukod sa pagbebenta at paggawa ng mga lokal na produkto dito sa Los Baños, layunin ng Elbi Circulo Cafe on Wheels na mapalawak ang kaalaman tungkol sa konsepto ng Circular Food System sa kanilang mga mamimili.
Sa halip na mag-angkat ng pagkain mula sa malalayong lugar, karamihan ng mga sangkap na ginagamit sa Circulo ay mula sa mismong mga proyekto ng UPLB, o sa mga magsasaka sa Los Banos at mga karatig-bayan. Bukod sa gatas mula DTRI at kape ng mga magsasaka sa bundok Makiling, kumukuha rin sila ng ibang processed na produkto tulad ng nixta-corn pizza crust mula sa College of Human Ecology – Institute of Human Nutrition and Food at CAFS – Institute of Plant Breeding. Katuwang din nila ang PhilRice – UPLB, CAFS – iCrops at ASI, College of Economics, at UPLB – Office of the Vice Chancellor for Research and Extension, bukod sa iba pang partners sa pangangasiwa ng proyektong ito. “This is the first time may ginawa ang UPLB utilizing kung ano ‘yong output ng mga research. We get other supplies from local [nearby] farmers,” paliwanag ng kasalukuyang Project Leader na si Ayie Latayan.
Kuwento ni project staff Jeff Geronimo na kasalukuyang barista at cook ng Elbi CIRCULO on Wheels, “‘Yong ibang recipe po ay [mula sa] na-chip in na ng ideas kung ano ‘yong pwedeng gawin sa mga products kaya lumabas ang menu na ito.”
Dahil mas malapit ang pinanggalingan ng mga sangkap, mas kakaunti ang greenhouse gases na nalilikha sa pagbiyahe ng mga ito, at mas kaunti rin ang pagkain na nasisira sa byahe.
Bukod dito, sinisikap ng proyekto na mabawasan ang nasasayang na pagkain, at ma-recycle o upcycle ang mga basurang nalilikha ng negosyo.
Sa pamamagitan ng mga ito, ipinapakita ng Elbi Circulo Cafe na posible ang isang sustainable food business.
“Para siyang proof of concept ng mitigation ng UPLB for climate change,” ani ni Latayan.
(Para siyang patunay ng konsepto ng pagsisikap ng UPLB na mabawasan ang epekto ng pagbabago ng klima,” ani ni Latayan.)
Ngayong taon, minabuti nilang mas ilapit ang kanilang mga serbisyo sa unibersidad gamit ang isang bus. “It will be more accessible of course because iikot s’ya sa buong UPLB. Mas makakacater pa sa larger clients,” ani Latayan. “Maganda ‘yong initial perception n’ya kaya na-extend ‘yong project,” dagdag niya.
Mga konseptong isinasabuhay ng Elbi Circulo Cafe
Circular Food System
conceptual framework na “circular food system” na isinasagawa ng Elbi Circulo Cafe ay binubuo ng iba’t-ibang stakeholders na nagbabahagi sa produksiyon ng mga materyales sa cafe. Sakop nito ang lahat ng mga bumubuo ng mga produktong binibenta sa cafe.
Mula sa mga magsasaka, maggagatas ng mga kambing at baka, mga nagpoproseso ng dairy at pastry products, mga mananaliksik ng pananim at hanggang sa mga mamimili ay konektado sa isa’t-isa. Binibigyan diin nito ang pag-iipon ng lahat ng tirang materyales o basura na nalilikha sa kada hakbang ng paggawa ng mga produkto, simula sa pagtatanim hanggang sa pag-aani at pag-proproseso ng mga ito.
Itinataguyod dito ang sustainability sa buong proseso mula sa pagtatanim ng mga lokal na magsasaka hanggang sa pag-segregate ng mga basura na nalilikha ng mga produkto nito.
Smart farming at regenerative agriculture
Ang proyektong ito ay kabahagi rin ng isa pang proyekto ng CAFS na Smart Farm sa layong regenerative agriculture.
Sa kasalukuyan, maraming problema sa kalikasan ang naidudulot ng tradisyunal na sistema ng pagsasaka. Kabilang na rito ang labis na paggamit ng kemikal na nagdudulot ng pagkasira ng lupa. Sa ganitong sistema, bumababa ang kalidad ng ani at kita ng mga magsasaka, habang lumalala rin ang epekto ng ganitong pamamaraan ng pagsasaka sa kapaligiran.
Dito pumapasok ang konsepto ng smart farming. Ayon sa International Organization for Standardization (ISO), ang smart farming ay isang makabagong paraan ng pagsasaka na gumagamit ng teknolohiya upang gawing mas epektibo at makakalikasan ang produksyon ng pagkain.
Kapag naisakatuparan ito nang maayos, makatutulong ito na pataasin ang ani, pababain ang food waste, at mapanatili ang kalusugan ng kapaligiran sa pamamagitan ng mas matalinong paggamit ng likas na yaman.
Bahagi ng smart farming ang tinatawag na regenerative agriculture. Ang regenerative agriculture ay isang uri ng pagsasaka na nakatuon sa pagpapanumbalik at pagpapabuti ng kalusugan ng lupa.
Ayon sa World Economic Forum, ang paraang ito ay nakatutulong sa pangangalaga ng kalikasan dahil nababawasan ang paglabas ng carbon dioxide mula sa mga lupang sakahan.
Mayroon din itong iba’t ibang benepisyo para sa mga magsasaka dahil napabubuti nito ang ani, nababawasan ang peste, mas nakatitipid ng tubig, at nakakapagpataas ng kanilang kita dahil sa mas makakalikasang pamamaraan ng pagtatanim.
Saan matatagpuan ang Elbi Circulo Cafe?
Kasalukuyang nasa Agricultural Systems Institute sa Pili Drive, ang CIRCULO on Wheels ay titigil din sa Student Union building at sa Institute of Biological Sciences sa mga darating na buwan bilang mga unang stopovers sa dalawang taong proyektong ito.
Maaari ring bisitahin ang kanilang Facebook Page, Elbi Circulo Cafe, para sa mga karagdagang updates ukol sa proyekto.