Hindi bababa sa tatlong kaso ng development aggression, kasalukuyang pangamba ng mga taga-Laguna

Ulat nina Sean Angelo Guevarra at Mervin Delos Reyes

Batay sa mga datos at kolektibong lathalain na naitampok ng ating pahayagan nitong nakalipas na buwan, mayroong hindi bababa sa tatlong malalaking kaso ng development aggression sa Laguna na kasalukuyang gumugulong bilang infrastructure projects.

Sa kabila ng layuning paunlarin ang ekonomiya at imprastruktura ng bansa, patuloy na binabatikos ng ilan ang tinatawag na development aggression o ang sapilitang pagpapatupad ng mga proyektong pangkaunlaran na nagdudulot ng displacement, pagkasira ng kalikasan, at paglabag sa karapatan ng mga katutubo at lokal na komunidad. 

Habang sinasabing para ito sa ikabubuti ng nakararami, marami ang nagtatanong: para kanino ba talaga ang pag-unlad kung may mga naaagrabyado’t napag-iiwanang sektor?

Pangamba sa probinsya

Ilan sa mga naitalang pangunahing kaso ng development aggression sa nasabing probinsya ang Laguna Lakeshore Road Network (LLRN), Twin Dams Hydropower Dam o Ahunan Dam, at ang mga Floating Solar Farm sa Laguna de Bay.

Likha ni Sean Angelo Guevarra

Layunin ng LLRN na pag-ugnayin ang hilaga at timog ng Greater Capital Region (GCR), pataasin ang kakayahan ng rehiyon sa harap ng mga hamon sa transportasyon, at pasiglahin ang pag-unlad ng ekonomiya sa Metro Manila, gayundin sa mga lalawigan ng Laguna, Batangas, Quezon, at Rizal.

Nakadisenyong bagtasin ng proyektong ito na kasalukuyang nasa procurement stage ang Lower Bicutan, Sucat, Alabang, Tunasan, San Pedro/Biñan, Cabuyao, Calamba, at Sta. Rosa. Subalit, nagpapaabot ng pagkabahala ang ilang residente hinggil sa posibilidad ng displacement at negatibong epekto nito sa kapaligiran.

Pawang pang-enerhiya naman ang pokus ng dalawang nalalabing proyekto na binabantayan din Renewable Energy Transition Institute o Reboot PH, isang non-government organization na nagsusulong ng kampanya para sa isang makatarungang transisyon sa paggamit ng enerhiya, partikular na ang Just Energy Transition (JET).

Sa kasalukuyan, binabantayan ng nasabing grupo ang Ahunan Pumped Storage Hydropower Project sa Pakil, Laguna, isang proyektong imprastraktura na sasakop ng halos 300 ektarya ng lupa sa lugar. Kung susumahin, apektado rito ang mga barangay ng Baño, Burgos, Rizal, at Taft, pati na ang daan-daang mga pamilyang mapaaalis kapag naisakatuparan na ang proyekto.

Bukod dito, isinusulong din ng Reboot PH ang kampanya kontra din sa proyektong floating solar panel project para sa lalawigan. Base kasi sa inisyal na plano nito, apektado ang humigit-kumulang 2,000 ektarya ng katubigan sa Laguna de Bay, na siyang tatama sa mga sakop ng Calamba, Cabuyao, Santa Rosa, Bay, at Victoria. Ayon pa sa pahayag ng Save Laguna Network Movement, pinangangambahan ang mga posibleng epekto nito sa hanapbuhay ng mga mangingisda at residente sa lugar, na hindi bababa sa 8,000 apektadong mamamayan.

Panawagan ng masa

Sa labas ng probinsya, kasama rin sa mga nakalap na ulat ng ating pahayagan ang pagtutol sa proyektong Kaliwa Dam sa Rizal at Quezon; pagtigil sa pangangamkam sa mga lupain ng mga katutubo sa Bugsuk Island, Balabac, Palawan; paghinto ng pagmimina sa Caluya, Antique; at paggiit sa karapatan ng mga maliliit na mangingisda sa 15-kilometer municipal waters laban sa commercialized fishing.

Para kay Teddy Casiño ng Bayan Muna, nakababahala ang mga ganitong klase ng proyekto na imbis ginhawa ay problema sa mga kabahayan at kabuhayan ang dala. Aniya, mahalagang masiguro na taumbayan ang pangunahing pinaglilingkuran ng mga ito.

“Unang una, kailangan kasama ang komunidad sa pagpaplano mismo ng anumang project kasi ‘yun lamang ang tanging paraan para ma-avoid natin na sila ay magiging apektado at sila ay tututol sa proyekto. Kapag kasama ang komunidad sa pagpaplano at magkaroon ng consent, honest-to-goodness consent ng komunidad, hindi natin poproblemahin ‘yung opposition at paglaban ng mamamayan sa ganitong proyekto.”

Panawagan ni Casiño sa pamahalaan na sana’y tumalima ito sa kanilang tungkulin na protektahan ang interes ng mas nakararami sa ating bansa, partikular sa mga komunidad kung saan nagaganap ang ganitong klase ng mga proyekto.

“Talagang kailangan piliin nila ang interes ng mga komunidad at mas nakararami kaysa sa interes ng mga korporasyon na ang layunin ay kumita [at] pagkakitaan ang ating kalikasan at ang ating mamamayan.”

Paunawa: Ang ulat na ito ay base lamang sa mga nakalap na impormasyon at nailathalang mga istorya ng Handulong sa semestre ng pagkakalimbag. Samakatuwid, maaaring hindi pa nito nasasaklaw lahat ng kaso ng development aggression na nangangailangan ng mas malalim na pagsisiyasat sa loob ng Laguna.