Wika, kultura ng deaf community tinalakay sa RheDEAFine FSL workshop

Ulat ni Eugene Ann Samantela

“Importante na immersed ka sa deaf community itself. Kasi madami silang aspeto. Sa culture nila, sa identity at sa language nila ay may iba’t iba pang variation. Importante na kasama ka doon at hindi lang basta-basta na matuto ka.”

Ito ang pahayag ni Judith Luis, Special Needs Education (SNED) Coordinator ng Tuntungin-Putho National High School at volunteer interpreter ng LAGÔ Foundation. Sila ang naging partner community ng “The RheDEAFine: A Filipino Sign Language Workshop and Seminar,” na isinagawa ng The Rhetoricians sa Varrons Hall sa University of the Philippines Los Baños noong Mayo 3, 2025.

Ang pagsasanay ay hindi lamang tinalakay ang mga wastong kaalaman sa pakikipag-ugnayan sa mga taong may kahirapan sa pandinig, kundi tumugon din sa layuning basagin ang mga umiiral na mga maling paniniwala ukol sa komunidad nila. Higit pa sa teknikal na kaalaman, layunin din nitong ipalaganap ang pang-unawang batay sa respeto, pagkakapantay-pantay, at inklusibidad.

Binuksan ang programa sa pamamagitan ng talakayan ukol sa Deaf Sensitivity and Awareness. Dito ay masusing ipinaliwanag ng mga kinatawan ng LAGÔ Foundation ang mga tamang wika, terminolohiya, at pananaw na dapat isaalang-alang sa pakikipag-ugnayan sa mga deaf. Isa sa mga pangunahing punto na binigyang-diin ay ang pagbibigay-halaga sa Filipino Sign Language (FSL) bilang pangunahing midyum ng komunikasyon na nakaugat sa konteksto, damdamin, at kilos ng kulturang Pilipino.

Ayon kay Mark Gimutao, pangulo ng LAGÔ Foundation, hindi ganap na angkop ang paggamit ng American Sign Language (ASL) sa Pilipinas sapagkat iba ang ekspresyon, galaw, at pang-araw-araw na realidad ng mga Pilipino. Aniya, mas ispesipiko at mas makabuluhan ang paggamit ng FSL para sa mga Pilipinong deaf dahil ito ay likas sa kanilang karanasan, pagkakakilanlan, at wika.

Hindi natapos sa teorya ang mga talakayan. Sa katunayan, naging bahagi rin ng programa ang aktwal na pagkatuto ng FSL mula mismo sa mga deaf na miyembro ng LAGÔ Foundation, na nagsilbing guro sa mga kalahok. Ayon kay Luis, ang ganitong paraan ay mas epektibo sapagkat hindi lamang ito nagbibigay ng teknikal na kaalaman, kundi nagpapalalim rin ng ugnayan sa komunidad.

Ani Luis, kinakailangan ding baklasin ang mas malalalim na panlipunang hadlang na patuloy na humihiwalay sa mga deaf mula sa lipunan. Bagama’t bahagi sila ng sektor ng Persons with Disabilities (PWDs), madalas umano silang hindi nabibigyan ng sapat na representasyon sa mga pampublikong konsultasyon at pagpupulong.

“Actually, sa group nga ng PWD, marginalized na nga yung PWD, mas marginalized pa sila. Kadalasan, nabibigyan lang ng meeting pagdating sa PDAO, LGU ay ’yung mga—naka-wheelchair at ’yung mga iba pa. Pero hindi sila isinasama. Kasi nga, wala ring nag-iinterpret sa kanila,” dagdag ni Luis.

Samantala, ipinadaloy ang buong programa gamit ang Filipino Sign Language habang sinasalin ng isang volunteer interpreter sa salita ang bawat galaw at pahayag ng mga deaf na tagapagsalita. Ayon sa mga tagapag-ayos, ito ay hakbang upang mapalalim pa ang pag-unawa sa wika at kultura ng deaf community.

Para naman kay Audrey Donsol, event head mula sa The Rhetoricians, ang ganitong inisyatibo ay malinaw na hakbang patungo sa mas inklusibong pamayanan. Aniya, “It is really a step towards inclusivity and in understanding despite the barriers. It is an evolving event, dahil mga estudyante rin tayo at hindi tayo perfect. Moving forward, sana lumawak pa ang sakop. Dumami pa ang matututo through this event.”

Binanggit din ni Donsol ang kahalagahan ng pagtutok sa aktuwal na pakikipag-ugnayan sa mga deaf upang mahubog ang mas makataong pag-unawa at hindi lamang umaasa sa aklat o internet. Ani niya, ang pagiging bahagi ng isang kaganapang tulad nito ay nagbibigay ng mas malalim na perspektiba sa mga pangangailangan at katotohanan ng deaf community.

Sa huli, nananatiling layunin ng LAGÔ Foundation at ng RheDEAFine na mailapit ang Filipino Sign Language sa mas nakararaming Pilipino. Hindi lamang bilang isang alternatibong paraan ng komunikasyon kundi bilang isang makabuluhang hakbang tungo sa pagbuo ng isang lipunang bukas sa pagkakaiba, may pagkilala sa dignidad ng bawat isa, at may kakayahang makinig sa kahit hindi naririnig na tinig.

Sa paglawak ng kaalaman ukol sa FSL, umaasa ang mga tagapagtaguyod ng proyekto na hindi ito matatapos sa isang araw na pagsasanay lamang. Bagkus, ito ay simula ng isang mas pangmatagalang ugnayan, pagbubukas ng isipan, at pagtutulungan ng mga komunidad upang tunay na maisulong ang pagkakapantay-pantay.