Ang Nagbabadyang Banta ng Arsenic

Akda nina Micah Joyce Sibbaluca at Cheska Andrea Avenido

Litratong kuha ni Micah Sibbaluca

Maaliwalas at luntian. Ganyan ilarawan ang kapaligiran sa paanan ng Bundok Makiling. Sariwang hangin, malawak na taniman, at saganang mga pananim, kasama na rin ang mga natural na hot spring sa ilang bahagi ng bayan, nakapalibot sa lawa ng Laguna — kasaganahang tila walang dapat alalahanin.

Ngunit sa likod nito, may bantang hindi namamalayan at hindi nakikita nang agaran. Ito ang pagkakaroon ng arsenic, isang metalloid na elemento at likas na bahagi ng ating kalikasan. Isa rin itong uri ng kontaminasyon, partikular na pagdating sa estado at suplay ng tubig sa mga kabahayan sa Los Baños, Laguna.

Arsenic: Pinagmulan at Bakas

Karaniwang natatagpuan ang arsenic sa lupa, tubig, o hangin. Ito ay bahagi sa pagbuo ng iba’t ibang compound na mahalaga sa komposisyon ng mga mineral—mga pundasyong bumubuo sa mga bato.

May dalawang pangunahing porma ang arsenic: 

  • Organic 
    • Naglalaman ng carbon; at
    • Kadalasang matatagpuan sa mga pagkaing dagat.
  • Inorganic 
    • Walang carbon; at
    • Karaniwang matatagpuan sa tubig.

Ayon kay Dr. Juan Miguel R. Guotana, isang eksperto sa larangan ng heolohiya at assistant professor mula sa School of Environmental Science and Management ng University of the Philippines Los Baños (SESAM-UPLB), ang groundwater na karaniwang pinagkukunan ng inuming tubig ay nagmumula sa mga Earth materials at rock layers na tinatawag na aquifers

Ang mga aquifers ay natural na imbakan ng tubig na maaaring naglalaman ng mga mineral na may arsenic. Nakaaapekto rin ang komposisyon ng mga bato at ang proseso ng weathering—o ang unti-unting pagkabiyak at pagkatunaw ng mga bato, mineral, at lupa—sa paglabas ng arsenic sa kapaligiran.

Sa konteksto ng Los Baños, Laguna na matatagpuan sa paanan ng Bundok Mariang Makiling—isang hindi aktibong bulkan, natural ang interaksyon ng mga geological na proseso at ang posibleng presensya ng arsenic sa lupa at tubig sa lugar.

“If we are going to focus here in Los Baños, we are located in a volcanic field area. Although it is not classified as an active volcano, there are still heat sources beneath it, the volcanic system, that’s why we have a lot of hot springs and geothermal plants here that basically contribute also to breaking down of these earth materials, releasing some of [the] elements, deleterious elements, including arsenic,” ani Dr. Guotana.

Kabilang din sa mga natural na pinagmumulan ng arsenic ang mga geothermal field at geothermal water na may mataas na konsentrasyon ng elementong ito, depende sa lokasyong heograpikal. 

Isa rin sa mga pangunahing dahilan ng pagkakaroon ng arsenic ay ang mga anthropogenic acts o mga destruksiyong dulot ng tao. Kabilang dito ang mineral extraction o ang proseso ng pagkuha ng mga mahahalagang mineral. Ginagamit din ang arsenic sa mga industriyal na proseso, halimbawa bilang alloying agents, preservatives sa mga kahoy, at bilang pesticide sa mga pananim.

Unti-unti at hindi namamalayang pinsala 

Bagaman natural na matatagpuan ang arsenic sa kalikasan, may kaakibat itong masamang epekto sa pamumuhay ng mga tao.

Madaling makapasok ang arsenic sa sistema ng tubig, lalo na kung groundwater ang pinagkukunan. Ang presensya nito sa mga inuming tubig at panligo ay nagdudulot din ng mataas na panganib sa kalusugan.

Sa dalawang porma ng arsenic, mas mapanganib ang inorganic arsenic kumpara sa mga organic forms dahil sa mabilis nitong pagkalat, mabilis na pagkatunaw, at kakayahang magdulot ng lason sa mga sihay o cells.

Acute na Epekto

Ayon sa World Health Organization (WHO), ilan sa mga karaniwang sintomas ng arsenic poisoning ay ang mga sumusunod:

    • pagsusuka;
    • pananakit ng tiyan;
    • pagtatae;
    • pamamanhid ng mga kamay at paa; at
    • pagkirot o pulikat sa mga kalamnan.

Acute effects of arsenic poisoning // Disenyo ni Micah Joyce Sibbaluca

Pangmatagalang Epekto

Ang arsenic din ay nakapipinsala sa balat ng tao. Ito ay maaring magdulot ng:

    • pagbabago sa kulay ng balat;
    • pagkakaroon ng sugat o pantal; at
    • hyperkeratosis o pagkapal ng balat sa palad at talampakan.

Long-term effects of arsenic poisoning // Disenyo ni Micah Joyce Sibbaluca

Bukod pa rito, ang arsenic ay isang lubhang nakalalasong elemento na itinuturing ng WHO bilang Group 1 carcinogen, na nangangahulugang napatunayan itong sanhi ng kanser na maaaring ikamatay. 

Ang matagalang pag-inom o pagka-expose sa tubig na may arsenic na higit sa 0.05 milligrams per liter (mg/L) ay nagiging sanhi ng:

  • kanser sa baga;
  • kanser sa bato;
  • kanser sa pantog; at
  • sakit sa puso.

Nakapipinsala rin ang arsenic sa mga dinadalang sanggol, kung kaya’t kailangang maging maingat ang mga ina sa iniinom nilang tubig. Ayon sa WHO, ang pagka-expose sa arsenic habang nasa sinapupunan at sa murang edad ay maaaring makaapekto sa pag-iisip at memorya ng isang bata. Maaari rin itong magresulta sa mas mataas na posibilidad ng pagkasawi.

Batay sa Department of Health (DOH), 0.01 mg/L  ang maximum allowable limit sa pagkonsumo ng tubig na may arsenic, na alinsunod naman sa internasyonal na pamantayan ng WHO.

Arsenic bilang Slow Violence

Ayon sa pag-aaral nina Faulmino at Rola noong 2023, mahirap pa ring matukoy ang tiyak na epekto ng arsenic dahil sa pagkakaiba ng nutrisyon at taglay na kondisyon ng bawat indibidwal. Kaya naman, maaaring lumilitaw lamang ang mga sintomas pagkalipas ng lima hanggang 15 taon. 

Dahil walang kulay o amoy ang arsenic, madalas hindi namamalayan ng mga tao na kontaminado na ang kanilang kinokonsumong tubig at hindi rin agad nararamdaman ang mga epekto nito, dahilan kung bakit ito ay madalas nauuwi sa kapabayaan. Ang ganitong kaso ay isang manipestasyon at halimbawa ng tinatawag na “slow violence.”

Ang slow violence ay nagmula sa konsepto ni Rob Nixon, kung saan inilarawan bilang isang uri ng karahasan na unti-unting nangyayari at kadalasang hindi agad napapansin o binibigyang-pansin. Naiipon ito sa paglipas ng panahon, kalaunan ay nagiging sanhi ng pagkaantala at malubhang pinsala sa kapaligiran o sa pamumuhay ng tao.

Bagaman kadalasang maliit o unti-unti lamang ang nakikitang arsenic o nahahalo sa tubig, hindi dapat maging kampante ang mga tao o ipagwalang-bahala ito. Maaaring nararanasan ngayon ang maayos at maluwag na kondisyon, ngunit kapag pinabayaan, maaaring magdulot ng komplikasyon sa kalusugan.

Kung kaya’t mahalaga ang agarang kamalayan ukol sa bagay na ito, kasabay ng maalam na pagkilos, upang mapalawig ang mas ligtas na sistema ng tubig at maibsan ang mga posibleng pinsala.

Karanasan sa Tahanan

Ayon sa ulat ng Commission on Audit (COA) noong 2021, umabot sa 0.07 mg/L ang naitalang lebel ng arsenic sa Lopez Heights sa Los Baños, habang 0.06 mg/L naman sa Jubileeville sa Bay — mas mataas sa 0.01 mg/L na itinakda ng WHO bilang ligtas na lebel para sa inuming tubig.

Bagaman may mga naitalang datos at kaso na ng arsenic, may mga residente pa ring hindi agad nararamdaman at nalalaman ang mga kontaminasyong ito sa kanilang mga katubigan.

Isa sa mga residente na apektado ay si Maria Balmadrid, 48 taong gulang, mula sa Barangay Bayog, Los Baños, Laguna. Bilang may-ari ng isang labahan, napakahalaga ng tubig na pangunahing puhunan upang mapadaloy ang kanilang kabuhayan.

Ayon kay Balmadrid, madalas nilang makitaan ng mga dumi ang kanilang tubig na tuwirang nakaaapekto sa kanilang negosyo at araw-araw na pamumuhay.

“’Yung tubig may halong dumi sa gripo kaya hindi namin ginagamit. Ayaw ko namang marumi ang gagamitin ko sa labada kasi s’yempre maapektuhan ‘yung mga damit ng customers ko. Malaking abala talaga ‘yung dumi sa tubig dahil kailangan pa naming gumawa ng paraan [para malinis ito],” ani Balmadrid.

Dagdag pa niya, hindi pa rin malinaw kung ano nga ba ang sanhi at saan nagmumula ang ganitong klaseng kontaminasyon.

Kaya naman, upang matiyak ang malinis  na daloy ng tubig para sa kanilang tahanan at negosyo, nagdesisyon ang kanyang asawa na humanap ng alternatibong paraan at gumamit ng poso. Kasama rito ang jetmatic electronic pump na ginagamit upang mapalakas ang suplay ng tubig.

Sa halip na kontaminadong tubig gripo, gumagamit si Maria Balmadrid ng tubig poso upang matiyak ang kalinisan ng kanyang labahin.  // Litratong kuha ni SJ Balmadrid

Para sa kanila, mas panatag silang gamitin ang tubig mula sa poso dahil mas malinis ito kumpara sa gripo. Ngunit, may kaakibat din itong hamon—ang mataas na konsumo ng pump sa kuryente.

Pagdating naman sa inumin, mineral o distilled water na ang kanilang ginagamit para matiyak ang kaligtasan ng kanilang pamilya.

Ang mga ganitong karanasan ay patunay kung gaano kakritikal ang papel ng malinis na tubig sa pang-araw-araw na pamumuhay—hindi lamang para sa kalusugan kundi pati na rin sa kabuhayan. Kaya naman, mahalagang maglatag ng sapat na impormasyon at aksyon upang mapalawig ang kamalayan at matugunan ang problemang ito bago pa tuluyang lumala.

Ang Tunay na Mukha: Ligtas nga ba o Pinsala? 

Sa isang podcast, ibinahagi ni Dr. Guotana ang mga mahahalagang impormasyon upang linawin ang mga ilang haka-haka ukol sa arsenic.

Screengrab ng “Usapang Tubig: Dumadaloy. Lumilinaw. Episode 3” mula sa Facebook Page ng Radyo DZLB Ang Tinig ng Kaunlaran.

  1. “May koneksyon ang bakal or metal sa arsenic.”

May kaugnayan ang bakal o iba pang metal, sapagkat ang arsenic ay maaaring likas na bahagi ng komposisyon ng ilang metallic minerals (tulad ng arsenopyrite), at maaaring makapaloob sa mga elementong metal mula sa mga prosesong tulad ng pagmimina.

“‘Yung mga minimina natin—some of those minerals, metallic minerals—also contain arsenic in trace amounts. So metallic material in general, some of them can contain arsenic,” ani Dr. Guotana.

  1. “Kapag napakuluan na ang tubig, mawawala na ang arsenic o magiging safe na ito.

Walang katotohanan ang pahayag na ito sapagkat hindi basta-basta maaalis ang arsenic sa tubig sa simpleng pagpapakulo lamang.

Ayon kay Dr. Guotana, ang mga prosesong ginagawa sa drinking water gaya ng reverse osmosis lamang ang kayang magtanggal ng arsenic sa tubig. Bagaman may mga ilang contaminants na mawawala sa pagpapakulo ng tubig, hindi ito sapat upang mawala ang arsenic. 

  1. “Hindi na kailangang magpacheck-up for minor symptoms of arsenic poisoning.”

Hindi rin totoo ang nasabing pahayag sapagkat ang banta ng arsenic poisoning sa ating kalusugan ay dapat pagtuunan ng agarang pansin. Ani Dr. Guotana, kung may patuloy tayong nararamdaman lalo na kung may kinalaman sa isang partikular na substance ay mas mabuting magpakonsulta sa lalong madaling panahon. 

Aksyon at Tugon: Mga Dapat Isaalang-alang para sa Kaligtasan

Bilang mga Pilipino, likas na sa atin ang mag-alala tungkol sa kalusugan at kasawian, kaya’t nagiging maingat tayo upang maiwasan ang mga posibleng panganib. 

Kaya’t mahalaga na ang bawat isa, sa komunidad man o sa mga tahanan, ay may pananagutan sa pagpapanatili ng kalinisan ng tubig, lalo na’t ang tubig ay isang pangunahing pangangailangan. Ayon sa Department of Health (DOH) Administrative Order No. 2017-0010, ilan sa mga simpleng hakbang na maaaring gawin ay ang mga sumusunod:

  • Gumamit ng ligtas at nasuring tubig para sa inumin at pagluluto;
  • Magpa-test ng lupa at tubig, lalo na sa mga lugar na may kasaysayan ng kontaminasyon;
  • Mag-install ng water filter; at
  • Ipagbigay-alam agad sa awtoridad kung may nararanasang pagbabago sa lasa, kulay, at amoy ng tubig, o may hinala ng kontaminasyon.

Ayon pa kay Dr. Guotana, bagaman mayroon nang mga umiiral na water treatment facilities, mahalagang makibahagi pa rin ang mga mamamayan sa pamamagitan ng pagtangkilik sa treated water o yung mas kilala bilang mineral drinking water para sa araw-araw na gamit gaya ng inumin at sangkap sa lutuin. 

Sa pamamagitan ng mga simpleng hakbang at kooperasyon, maaari tayong mag-ambag upang masiguro ang kaligtasan ng ating mga pamilya at komunidad.

“‘Yun ‘yung mga small ways, it’s a bigger picture, it’s not just us but also the system treating our water. So basta make sure that ‘yung iniinom or intake natin is from a clean source, treated or drinking water,” ani Dr. Guotana. 

Mahalaga rin ang pagkalat at pagbabahagi ng impormasyon tungkol sa arsenic sa paraang mas mauunawaan ng komunidad, upang mamulat sila sa kalagayan at posibleng epekto nito. Sa pamamagitan ng tamang kaalaman, mas magiging handa ang mga tao na gumawa ng mga hakbang para maiwasan at mabawasan ang kontaminasyon.

Pagdating naman sa panig ng lokal na pamahalaan, may mga inisyatibong kasalukuyang ipinatutupad upang matiyak ang kaligtasan ng tubig sa komunidad. Isang pasilidad at treatment area sa Umali Subdivision ang nagsisiguro na nababawasan na ang arsenic content ng tubig bago ito makarating sa mga kabahayan at establisimyento.

Dagdag pa niya, ang palagiang pagmo-monitor at pagtuklas sa mga bagong teknolohiya ukol sa water treatment ang isa sa mga gampanin ng lokal na pamahalaan upang mas mapataas ang kalidad ng tubig. 

Panawagan sa Pag-aaral at Polisiya

Bilang tugon sa mga hamong ito, mahalagang mabigyang-pansin ng mga mananaliksik at pamunuan ng gobyerno ang mga panawagang may kinalaman sa napapanahong isyu ng arsenic.

Hinihikayat ni Dr. Guotana ang pag-usbong pa ng mas maraming siyentipiko at pang-akademikong pananaliksik ukol sa pagmo-monitor sa ating mga katubigan, pagtuklas ng pinanggagalingan ng mga contaminants, at mga proyektong nakalaan para sa mas ligtas at malinis na suplay ng tubig sa komunidad. 

Kabilang sa mga nabanggit ang kanilang proyekto sa DGT o Diffusive Gradients in Thin Film. Ito ay isang uri ng gel film na kayang tukuyin kung mayroong bakas ng contaminants sa tubig. Malaking bagay ang pag-aaral na ito sapagkat sa kasalukuyan ay ginagamit na ito ng mas maraming mga mananaliksik sa bansa. 

Samantala, ayon din sa Mines and Geosciences Bureau (MGB), isinasagawa ang Groundwater Resource Assessment and Mapping upang tuklasin at mangalap ng impormasyon ukol sa pagkukunan, kalidad, at kaligtasan ng mga tubig sa ilalim ng lupa. Sinusuri nito ang mga aquifer systems at contaminated areas, pati na rin ang suplay at daloy ng tubig upang matiyak ang tamang pamamahala at pangmatagalang pagsusustento ng mga groundwater resources. Sa katunayan, mayroon nang mga inisyatibo at proyekto na isinasagawa sa rehiyon ng CALABARZON (Canlas, 2019).

Kasabay ng masusing pagsisiyasat ng mga eksperto, mahalaga ring mapagtibay ang mga umiiral na polisiyang nakasentro sa pangangalaga sa tubig. Sa kaparehong pag-aaral nina Faulmino at Rola, napag-alaman na may mga polisiya o batas na ang Pilipinas upang tiyakin na ligtas ang tubig mula sa pinagmulan nito hanggang sa paggagamitan.

Mga polisiya sa tubig // Disenyo nina Ellyzah Janelle Devilleres at Micah Joyce Sibbaluca

Mga polisiya sa tubig // Disenyo nina Ellyzah Janelle Devilleres at Micah Joyce Sibbaluca

Higit sa lahat, mahalaga ang kooperasyon ng bawat isa sa lahat ng sektor—mula sa pamilya, eksperto, at gobyerno—upang maagapan at malutas ang banta ng arsenic. 

Sa pamamagitan ng bukas na kamalayan at tamang kaalaman, dadaloy ang tubig nang walang nagbabadyang banta.

Mga Sanggunian:
Apostol, G. L. C., Valenzuela, S., & Seposo, X. (2022). Arsenic in Groundwater Sources from Selected Communities Surrounding Taal Volcano, Philippines: An Exploratory Study. Earth, 3(1), 448–459. https://doi.org/10.3390/earth3010027
 
Canlas, A. (2019, October 3). MGB IV conducts groundwater resource assessment and mapping in Cuenca, Tanauan, and Lipa, Batangas | MGB IV CALABARZON. https://region4a.mgb.gov.ph/7295-2/.
 
Department of Environment and Natural Resources. (2016). DENR Administrative Order No. 2016-08: Water Quality Guidelines and General Effluent Standards of 2016. https://pab.emb.gov.ph/wp-content/uploads/2017/07/DAO-2016-08-WQG-and-GES.pdf
 
Department of Health. (2017). DOH Administrative Order No. 2017-0010: Philippine National Standards for Drinking Water of 2017. https://www.fda.gov.ph/wp-content/uploads/2021/08/Administrative-Order-No.-2017-0010.pdf
 
Faulmino, C. J., & Rola, A. (2023). Arsenic in Philippine Groundwaters: Exploring governance Limitations for drinking water safety. Journal of Environmental Science and Management, 14–27. https://doi.org/10.47125/jesam/2023_sp1/02
 
Lasco, G. (2024, June 7). Arsenic and other threats to our water quality. INQUIRER.net. https://opinion.inquirer.net/174257/arsenic-and-other-threats-to-our-water-quality
 
Nicomel, N., Leus, K., Folens, K., Van Der Voort, P., & Du Laing, G. (2015). Technologies for Arsenic Removal from Water: Current Status and Future Perspectives. International Journal of Environmental Research and Public Health, 13(1), 62. https://doi.org/10.3390/ijerph13010062
 
World Health Organization. (2022, December 7). Arsenic  https://www.who.int/teams/environment-climate-change-and-health/chemical-safety-and-health/health-impacts/chemicals/arsenic