Ulat ni John Paolo De Vera
Pagsasaka, edukasyon ng kabataan, at mas epektibong paggamit ng enerhiya—ito ang naging sentro ng AGRIVOKASI 2025, isang seminar na pinangunahan ng Club for UNESCO–UP Los Baños noong ika-5 ng Mayo sa Makiling Ballroom Hall ng UPLB Student Union Building.
Layunin ng seminar na hikayatin ang kabataan na yakapin ang adbokasiya ng masustentong agrikultura at enerhiya tungo sa isang mas matatag na kinabukasan. Ipinakilala rin ang ilang programang layong hikayatin ang kabataan na pumasok sa larangan ng agrikultura, tulad ng pakikipag-ugnayan ng International Rice Research Institute (IRRI) sa mga paaralan sa mga probinsya. Kabilang dito ang pagtatanim ng palay at pag-aalaga ng mga hayop tulad ng manok, na layong hasain ang kasanayan at interes ng mga kabataan sa agrikultura.
Tinalakay sa seminar ang kahalagahan ng sustainable farming practices—hindi lamang sa mga pananim, kundi pati sa mga hayop, pangingisda, at iba pang sektor ng agrikultura na madalas ay nabibigyan ng mas kaunting pansin.
Ayon kay Assoc. Prof. Gregorio Y. Ardales Jr., mababa ang tingin ng lipunan sa pagsasaka bilang isang propesyon. Aniya, “Kapag sinabing magsasaka, iniisip ng marami na mababa ang trabaho at maliit ang kita. Ngunit sila ang nagpapakain sa sambayanan.” Dagdag pa niya, kailangang baguhin ang ganitong kaisipan at kilalanin ang mahalagang papel ng mga magsasaka sa lipunan.
Binigyang-diin naman ni Asst. Prof. Elisa S.J. Onal ang kakulangan ng kabataan sa kaalaman tungkol sa agham ng agrikultura. Ayon sa kanya, mahalaga ang papel ng kabataan sa patuloy na pag-unlad ng sektor ng agrikultura at sa pagbuo ng masustentong paraan ng paglikha ng enerhiya.
Hindi rin nakaligtaan ang usapin ng enerhiya. Ayon kay Asst. Prof. Precious Jewel Dela Cruz, mahalaga ang papel ng enerhiya sa lipunan, subalit ang kasalukuyang paraan ng paglikha nito ay hindi sustenable at nakasisira sa kalikasan. Aniya, “Kung ipagpapatuloy ang ganitong sistema, hindi lamang ang ating bansa ang maaapektuhan kundi pati ang buong mundo.”
Iminungkahi ni Asst. Prof. Dela Cruz ang pagsasagawa ng mga workshop upang tugunan ang mga problemang ito at tukuyin ang mga konkretong hakbang tungo sa mas malinis at epektibong paraan ng paglikha ng enerhiya.
Sa pagtatapos ng seminar, inilahad din ng mga tagapagsalita ang mga limitasyong kinakaharap nila sa pagpapalaganap ng adbokasiya. Nais nilang makipagtulungan sa iba pang organisasyong may katulad na layunin upang higit pang mapalawak ang epekto ng kanilang “agrivokasiya”—isang kampanya para sa mas sustenable at mas inklusibong lipunan.