Kuwento ng Pagtakbo: Ang Diwa ng Maquiling Challenge

Ulat ni Jhana Marie Umali

Makiling Challenge XVI ng Makiling Campus Runners UPLB ginanap noong ika-18 ng Mayo 2025 sa UPLB campus. (Mhel Karlo Serdeña/LB Times)

“Ano ang pagtakbo para sa’yo?”

Iba’t ibang kuwento ng inspirasyon ang nabuksan mula sa mga kalahok ng Maquiling Challenge XIV.

Nagsimula ang Maquiling Challenge noong 2003 bilang isang fundraiser para sa mga varsity student. Noon, limitado ang pondo kaya’t hindi lahat ay may kakayahang tugunan ang kanilang pangangailangan sa pagtakbo. Hanggang ngayon, patuloy itong nagsisilbing paraan ng pagtulong—lalo na sa Department of Human Kinetics (DHK)—kung saan nagkakaisa ang mga kalahok sa marathon para sa isang makabuluhang layunin.

Isa sa mga kalahok ay si Fritzie Labastida, kilala bilang “The Fabulous Barefoot Diva.” Mahilig siyang sumali sa mga ganitong event upang makatulong. Ibinahagi niya ang kanyang karanasan ng pagtakbo nang nakayapak simula pa noong 2016 dahil wala siyang pambili ng sapatos.

Aniya, “To be barefoot, it’s really hard. Pain was there, but my purpose is to keep inspiration for everybody.” Nang tanungin kung ano ang pakiramdam ng pagtakbo ng nakayapak sa Maquiling Challenge, sinabi niya, “I was happy, and it was very challenging to be a barefoot runner, lalo na sa lugar na mabato.” Para sa kanya, “Running is the easiest exercise to have a healthy lifestyle.”

Hindi lang siya ang nakaranas ng positibong epekto ng pagtakbo. Isang mag-amang kalahok rin ang nagbahagi ng kanilang karanasan. Ani Rowell Dikitanan, “As a student, nagpa-participate na ako sa Maquiling Challenge hanggang ngayon. First time ng anak ko mag-run, very memorable ito sa amin kasi we held bond through running.”

Ipinapakita nito na higit pa sa pisikal na benepisyo, nakatutulong ang pagtakbo sa pagpapalalim ng ugnayan ng pamilya.

Sa naman panayam kay Coach Myra Abueg, ipinaliwanag niya ang kabuuang benepisyo ng pagtakbo—sa katawan, sarili, at komunidad. Aniya, “Maganda kasi na pawisan—syempre physical ‘yun. When you inhale and exhale, may calming effect ‘yun sa breathing. Tapos kapag bumibilis ‘yung heart rate mo, maganda ‘yan for your cardio endurance. At kahit individual sport ang running, matatapos ka na may kakilala, and later on, makakasabay mo sila at magiging ka-buddy mo sa ibang races.”

Nagbahagi rin ng karanasan si Joel Orogan, first placer sa 5K Men-Open. Aniya, “As an individual runner, first time ko ito ma-experience sa ganitong lugar. Galing ako sa Quezon sa UPD kaya karamihan ng pagtakbo ko ay sa Pasay City lang. Kaya parang first time kong maka-langhap ng fresh air dito, kasi doon mausok.” Dagdag niya, “Hindi madaling sabihin na basta running ay physically fit ka na; kailangan mental fit ka rin.”

Para naman kay Dickyias Mendioro, nagwagi ng first place sa 16K Men-Open, “Ang running ay nakakatulong lalo na sa panahon ngayon. Kailangan nating ma-exercise ang katawan natin para lalo pang lumakas.”

Makikita na ang Maquiling Challenge ay hindi lamang tungkol sa pisikal na lakas o kompetisyon. Isa itong taunang aktibidad na nagtitipon-tipon ang komunidad sa ngalan ng pagkakaisa, kalusugan, at pagtutulungan—mula sa pagiging fundraiser tungo sa pagiging isang tunay na ‘fun raiser’.