Pollution Abatement Technologies at Kung Paano nito Masasagip ang Tubig

Akda nina Shanez Soriano, Mariejo Jalbuena, at Novah Ruiz

Litratong kuha ni Aliah Ombania

Ang tubig ay buhay, may buhay, at nagbibigay-buhay. Sa pag-agos nito, dala-dala ng tubig ang mga alaalang siyang naging saksi sa paglaon ng oras. Para sa umaasa sa mga yamang tubig, napakahalaga ng ambag nito bilang pinagkakakitaang kabuhayan. Ngunit sa paglipas ng panahon, ang mga ito ay humaharap sa unti-unting pagkasira na siyang lubhang nakaaapekto hindi lamang sa buhay ng mga nasa ilalim ng tubig, kundi pati na ng mga nasa ibabaw ng lupa.

Alinsabay sa pag-unlad ang mga pagbabagong nangyayari sa ating kapaligiran. Isa sa mga kasalukuyang suliraning kinahaharap natin kaugnay nito ay ang paglala ng polusyon sa tubig na bunsod ng mga gawaing tao, kabilang ang pagtatapon ng dumi ng mga industriyang malapit sa mga anyong tubig at mga pang-araw-araw na gawain. Upang tugunan ito, isa sa mga nakikitang solusyon ang water pollution abatement technologies, partikular na ang wastewater treatment.

Ano ang pollution abatement technologies?

Ang teknolohiyang ito ay tumutukoy sa mga pamamaraan ng pagtanggal ng pollutants sa tubig. Sa paggamit nito, kinakailangang tukuyin muna ang mga tiyak na pollutants na matatagpuan sa tubig upang masiguro na angkop ang mga teknolohiyang gagamitin. 

Ayon kay Dr. Ramon Christian P. Eusebio, associate professor mula sa University of the Philippines Los Baños – College of Engineering and Agro-industrial Technology (UPLB-CEAT), mayroong tinatawag na biyolohikal at kemikal na pamamaraan sa paglilinis ng mga wastewater.

Larawan ng Sequential Batch Reactor kuha ng Alpha Concept mula sa Queensland, Australia

Sa Pilipinas, isa sa pinakakaraniwang ginagamit ang sequential batch reactor (SBR). Ito ay gumagamit ng isang container o reactor, kung saan dito inilalagay ang wastewater upang matanggal ang mga dumi o pollutants sa tubig. Sa prosesong ito, mahalaga ang aeration o ang paraan ng pagbibigay ng oxygen sa loob ng reactor upang makatulong sa pag-alis ng mga pollutants sa wastewater.

“Una, ilalagay natin yung wastewater, ie-aerate natin after na ma-fill. After aeration, syempre nandoon ‘yung biological treatment na ‘yung mga organics kakainin ng mga microorganisms para mapababa ‘yung mga organics doon. Then, after noon ay papatayin ‘yung aeration and then magse-separate. Para lang siyang setting. Tapos, ise-seperate natin ‘yung water,” paliwanag ni Dr. Eusebio.

Ayon sa United States Environmental Protection Agency, kabilang sa mga advantages ng teknolohiyang ito ang minimal carbon footprint at ang kakayahan nitong maisagawa ang mga sumusunod na proseso sa isang reactor vessel lamang:

  • Equalization, o ang pagpapababa ng mga pagkakaiba-iba sa wastewater at concentration ng mga pollutants;
  • Primary clarification, o ang paghihiwalay ng mga solid materials mula sa wastewater;
  • Biological treatment, o ang aktwal na pag-alis ng mga pollutants o ibang nutrients gamit ang ilang microorganisms; at
  • Secondary clarification, o ang paghihiwalay ng biomass mula sa treated wastewater.

Samantala, ilan sa disadvantages ng SBR bilang isang uri ng pollution abatement technology ay ang (1) pangangailangan nito ng mataas na lebel ng maintenance at (2) mga komplikadong kagamitan sa operasyon nito. 

Larawan ng activated sludge process kuha ng Tigernix mula sa Queensland, Australia

Bukod sa SBR, mayroon ding tinatawag na activated sludge process. Sa prosesong ito, dinaragdagan ng oxygen ang sewage sa pamamagitan ng pag-istorbo nito sa isang lugar na may natural na presensya ng oxygen. Ang produkto ng prosesong ito ay tinatawag na activated sludge na naglalaman ng mga maliliit na organismo at bacteria na siyang inihahalo sa raw sewage upang i-oxidize ang mga organic solids sa sewage. Sa ganitong paraan, mas napadadali ang proseso ng pagsasala. 

Ayon sa Chemtech International, ilan sa advantages ng paggamit ng prosesong ito ay ang mga sumusunod:

  • mura 
  • hindi nangangailangan ng malaking espasyo upang i-install
  • maganda ang kalidad ng treated wastewater 
  • mangilan-ngilan lamang ang dumi at mabahong amoy
  • mas efficient ang proseso 

Mayroon din itong mga disadvantages. Kabilang dito ang (1) mahal na operating cost; (2) hindi consistent na uri at dami ng sewage na maaaring makaapekto sa kalidad ng wastewater; (3) hindi pagiging angkop sa lahat ng uri ng industrial wastewater; at (4) hindi pananatiling aerated ng sludge

Ano ang natural sa hindi?

Hindi maiiwasan ang produksyon ng wastewater, kaya naniniwala si Dr. Eusebio na dapat tinutugunan na ang mga ito mula pa lamang sa pinanggagalingan bago pa makarating sa mga anyong tubig.

Kung hindi pagtutuunan ng pansin, maaaring matulad ang lagay ng ating katubigan sa lagay ng tubig-dagat sa Boracay.

“Noong una, hindi nila alam kung bakit nagkakaroon ng algae doon. So, akala nila natural phenomenon ‘yon. During summer, nagkakaroon [ng algae] kasi syempre medyo mainit at iyon ‘yung conducive for algae to grow. Pero as time goes by, medyo throughout the year na ay hindi na siya nawawala.” pahayag ni Dr. Eusebio.

Ang labis na pagdami ng lumot sa Boracay ay nag-ugat sa tuwirang pagtatapon ng mga establisimyento ng kanilang wastewater sa mga anyong tubig. Dahil dito, nagpatupad ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) ng monitoring sa lugar at nagpatayo ng centralized wastewater treatment facility, na siya ring hinikayat para sa iba pang mga komunidad at kabahayan. Dito magsasaayos ng pipe layout at kukunin ang mga wastewater sa bawat bahay na siyang lilinisin. 

Ngunit pagdating sa mga kabahayan, walang treatment facilities

“Makikita n’yo ‘yan kapag tayo ay naligo, naghugas ng pinggan, or even ‘yung sa poso negro natin. ‘Yun ay mag-ooverflow lang. Meron ba kayo sa mga bahay n’yo na bago lumabas sa drainage system meron kayong facility na magti-treat noon? Wala. Dapat siya ay naco-collect at tini-treat siya sa centralized wastewater facility.”

Kabaliktaran naman ito ng mga establisimyento na kinakailangang may kaniya-kaniyang proseso at sistema pagdating sa wastewater treatment. Ito ay bilang pagsunod sa mga alituntunin at pamantayan na itinakda upang makakuha ng Wastewater Discharge Permit (WWDP) mula sa DENR-Environmental Management Bureau (EMB) na siyang naniniguro na ang mga inilalabas na wastewater ng mga establisimyento ay pasok sa pamantayan upang makabawas sa polusyon. 

Ang pagkakaiba ng proseso ng wastewater treatment sa mga kabahayan at mga establisimyento ay maaaring iugnay sa komposisyon ng wastewater. Ayon kay Dr. Eusebio, sa pangkalahatan, 99.94% ng wastewater sa mga kabahayan ay tubig lamang at 0.06% dito ay solid waste. Samantala, iba naman ang komposisyon ng wastewater kung manggagaling ito sa iba’t ibang industriya. 

Pagbibigay-linaw sa mga kuro-kuro

Sa isang podcast, nilinaw ni Dr. Eusebio ang ilang mga kuro-kuro upang tugunan ang kalituhan ng karamihan tungkol sa pollution abatement technologies.

Screengrab ng “Usapang Tubig: Dumadaloy. Lumilinaw. Episode 2” mula sa Facebook Page ng Radyo DZLB Ang Tinig ng Kaunlaran.

1. “Mahal ang pollution abatement technologies.”

Ayon kay Dr. Eusebio, nakadepende sa uri ng teknolohiya ang halaga ng mga ito. Halimbawa, ang membrane technologies gaya ng reverse osmosis na naghihiwalay ng tubig sa mga pollutants at unwanted substances ay mas mahal dahil ang kagamitan na kailangan dito ay imported o binibili pa sa ibang bansa. Kumpara ito sa phytoremediation na kung saan nagtatanim lang ng mga halaman na siyang sisipsip ng mga pollutants sa tubig.

Pagkakaiba ng reverse osmosis at phytoremediation bilang water abatement technologies // Disenyo ni Euliz Destiny Urriza

Proseso ng reverse osmosis // Disenyo ni Euliz Destiny Urriza

Proseso ng phytoremediation // Disenyo ni Euliz Destiny Urriza

2. “Experts o professionals lamang ang may kakayahang mag-install at gumamit ng pollution abatement technologies.”

Bagaman hinihikayat ang pakikiisa ng mga karaniwang indibidwal sa pagsugpo ng polusyon sa tubig, nananatiling mga eksperto ang siyang dapat na mag-install sa mga ito dahil sa komplikado at teknikal na proseso nito. 

“Kahit sino naman [na may] willingness to be trained, okay lang sila na mag-operate. Pero… ang tanong is more of mag-install mismo, it should be [a] professional. Like for example, na kapag kunware, meron kayong sakit. Kanino kayo pupunta? Syempre, sa doctor,” paglilinaw ni Dr. Eusebio.

3. “Palaging epektibo ang pollution abatement technologies.”

Sa pananaw ni Dr. Eusebio, hindi pa ganoon ka up-to-date ang technologies na mayroon sa Pilipinas kumpara sa ibang bansa. Dahil dito, may mga pagkakataon na hindi natutugunan ang aktwal na pangangailangan hinggil sa pagkontrol ng polusyon sa tubig. Dagdag pa rito, hindi palaging epektibo ang pollution abatement technologies sapagkat may mga pagkakataong nagkakaroon ng “mismatch” o hindi pagtutugma ng uri ng teknolohiyang kailangan ng isang komunidad sa teknolohiyang ginagamit ng mga eksperto.

Sa usaping engineering, nais ding bigyang-diin ni Dr. Eusebio na marami pang kailangang pag-aralan ang mga eksperto ukol sa kung paano mas magiging efficient ang ganitong uri ng teknolohiya. Ang konsepto ng efficiency sa isang makina ay tumutukoy sa kakayahan nitong maisagawa ang kaniyang layunin sa paraang hindi maaksaya sa resources. 

“We are looking into efficiency. Not just effective, but it should be efficient also,” ani Dr. Eusebio

Mga hakbang tungo sa pangangasiwa ng tubig

Ilan sa mga batas na tumatalakay sa usapin tungkol sa basura at kalidad ng tubig ay ang Republic Act (RA) No. 9003 o mas kilala bilang Ecological Solid Waste Management Act of 2000 at ang Republic Act No. 9275 o ang Philippine Clean Water Act of 2004. 

Layunin ng RA 9003 ang magpatupad ng pang-ekolohikal na programa sa pangangasiwa ng solid waste o basura na nagbibigay ng prayoridad sa pampublikong kalusugan at pangangalaga sa kapaligiran. Mahalaga ang batas na ito sapagkat ang pagsasaayos ng pangangasiwa ng basura ay nakatutulong upang bawasan ang mga basurang nakararating sa waterways na isa sa mga pinagmumulan ng polusyon sa tubig.

Samantala, ipinasa ang RA 9275 para itaguyod ang economic growth kasabay ng pangangalaga sa mga anyong tubig ng Pilipinas. Nakatuon ang batas na ito sa pagpapabilis ng kontrol sa polusyon, paggamit ng mga angkop na instrumento at teknolohiya para rito, at pagpapalaganap ng eco-friendly practices, kasabay ng pananagutan para sa pinsalang kapaligiran. 

Sa konteksto ng wastewater management, prinoproteksyunan ng batas na ito ang mga waterways sa bansa mula sa polusyon na galing sa mga wastewater mula sa iba’t ibang industriya at gawain ng tao gaya ng mga agricultural practices. Kaugnay ng batas na ito, mayroon ding administrative order mula sa DENR na nagtatakda ng mga guidelines and standards gaya ng DENR Administrative Order (DAO) 2016-08 na inamyendahan ng DAO 2021-19 na naglalaman ng Water Quality Guidelines (WQG) at General Effluent Standards (GES).

Mga batas pambansa ukol sa pangangalaga sa tubig // Disenyo ni Ellyzah Janelle Devilleres

Mga batas pambansa ukol sa pangangalaga sa tubig // Disenyo ni Ellyzah Janelle Devilleres

Bagaman may ganitong mga batas na nakalatag, kailangan pa ring paigtingin ang pagpapatupad sa mga ito.

Ayon sa report ng Commission on Audit (COA) noong 2023, sa halip na mabawasan ang mga nalilikhang basura ay mas dumarami pa ito sa paglipas ng panahon. Ito ay bagaman dalawang dekada na magmula nang ipatupad ang batas ukol sa solid waste management. Kabilang sa mga pagsubok na kinahaharap upang epektibong maipatupad ang batas ay ang pabago-bagong pagpapatupad nito, kakulangan ng mga facilities at landfills, at kawalan ng pondo. 

Halos pareho rin ito ng kinahaharap sa pagpapatupad ng Philippine Clean Water Act of 2004, kung saan hindi kayang tugunan ng mga institusyon at gobyerno ang pondo at maintenance cost ng mga programang may kaugnayan sa ground septage at sewerage projects gaya ng National Sewerage and Septage Management Program (NSSMP), ayon sa Philippine Institute of Development Studies (PIDS).

Kaya bilang paanyaya, hinihikayat ni Dr. Eusebio ang lahat na magkaroon ng kamalayan tungkol sa polusyon sa tubig. Aniya, darating ang panahon na makaaapekto ang mga ito sa ating komunidad. 

“For instance, ngayon, nagkakaroon na tayo ng mga bottled water. Pero before, wala pa naman siya. Kahit saan pwede kayo uminom. Pero nakikita na natin na nagiging polluted na rin talaga ‘yung mga sources of water natin na ngayon ay may cost na rin ‘yung tubig, bago kayo makainom nang malinis na tubig”

“So, yung environment natin should be protected para ‘yung mga nakatira—mga tao is also protected at nabubuhay sila sa isang healthy environment” Dr. Ramon Christian P. Eusebio

Mga Sanggunian:

American Water Works Association. (2025, March 10). Membrane processes – American Water Works Association. https://www.awwa.org/resource/membrane-processes/

Climate Change Commission. (2024, September 9). Ridge to Reef: The Fight Against Mismanaged Waste. https://climate.gov.ph/news/923

Commission on Audit. (2023). Solid Waste Management Program (PAO-2023-01): Progress in the achievement of the goals of the Ecological Solid Waste Management Act needs stronger support and the cohesive efforts and strategies of all stakeholders. https://www.coa.gov.ph/reports/performance-audit-reports/2023-2/solid-waste-management-program/​

Daphtary, N. (2024, July 3). Activated Sludge Systems – Advantages and Disadvantages. Chemtech International. https://chemtech-us.com/activated-sludge-systems-advantages-and-disadvantages/

Domingo, S. N., Manejar, A. J. A., & Philippine Institute for Development Studies. (2021). Review of Urban Wastewater Management and Clean Water Act. In Discussion Paper Series. https://pidswebs.pids.gov.ph/CDN/PUBLICATIONS/pidsdps2146.pdf?fbclid=IwAR3tIB7PZgFXLgCyAH0-TrT_yhxjjjhs84GcldjP5tbHFXclO7fHEjlS_Yo

Eusebio, R. (Expert). (2025, May 8). Usapang Tubig: Dumadaloy. Lumilinaw. – Pollution Abatement Technologies (M. Jalbuena, Host) [Video podcast]. Radyo DZLB: Ang Tinig ng Kaunlaran. Facebook. https://fb.watch/zwBgees1oP/

Marxsen, D. (2019, December 8). Sequence Batch Reactor (SBR) Project | Alpha Concepts | Queensland. Alpha Concepts | Queensland. https://www.alphaconcepts.com.au/sequence-batch-reactor-sbr-project/

Mendiola, Izzy Marie. (May 2024). Philippine Clean Water Act of 2004 (Republic Act No.9275).

Tigernix. (2024, January 12). How to optimise Return Activated sludge Process (RAS) in the wastewater industry. Tigernix Australia. https://tigernix.com.au/blog/how-optimise-return-activated-sludge-process-wastewater

United States Environmental Protection Agency. (1999). Wastewater Technology Fact Sheet Sequencing batch reactors. https://www3.epa.gov/npdes/pubs/sbr_new.pdf