Akda ni Florence Gayle Borja
Ang Laguna de Bay ay itinuturing na pangunahing linya ng buhay para sa mga komunidad na nakikinabang dito. Ayon sa Living Lakes Biodiversity & Climate Project, ito ay nagsisilbing:
- Pinagkukunan ng isda;
- Tubig para sa irigasyon;
- Pinagmumulan ng enerhiya (kuryente);
- Lugar para sa libangan o recreation; at
- Mahalagang daanan ng mga bangka at transportasyon.
“Diyan [sa lawa] kami binuhay ng aming mga magulang.” pahayag ni Felipe Alberca, isang mangingisda at residente ng Bay, Laguna.
Ngunit ang dating masiglang lawa ay unti-unting namamatay dahil sa:
- Basura (plastik, domestic wastewater, at iba pa);
- Emerging pollutants; at
- Pagkawala ng mga isda dahil sa maruming tubig.
“Sobrang dumi ng [lawa] ngayon. Sa dami ng basura na mga plastik at kung ano-ano, napakarumi ng [lawa] ngayon kaya hindi na rin mabili ang isda gawa ng sobrang dumi na,” daing ni Alberca.
Dagdag pa niya, mas lamang pa ang basura kaysa isda. Ayon sa kanya, nawawala na ang isda dahil sa mga basura gaya ng diaper, napkin, at iba pang mga plastik na galing sa mga pabrika at tindahan.
Mga nakatagong panganib: Emerging Pollutants
Ayon kay Dr. Janice B. Sevilla-Nastor, isang environmental engineer mula sa School of Environmental Science and Management ng University of the Philippines Los Baños (SESAM-UPLB), ang mga emerging pollutants ay mga kemikal mula sa mga gawaing anthropogenic o gawain ng mga tao—maaaring aktibidad na pang-industriya, pang-araw-araw, o pang-agrikultura.
Hindi nakikita ang mga ito dahil sila ay nasa micro level. Ibig sabihin, napakaliit ng konsentrasyon ng mga ito kumpara sa ibang pollutants sa lawa. Sa kabila nito, malawak ang kanilang pagkalat o distribusyon at marami pa tayong hindi alam ukol dito, partikular na sa mga posibleng epekto nito sa ating kalusugan at sa ating kapaligiran.
Kabilang sa mga pangunahing pinagmumulan nito ang:
- Pesticides at fertilizers;
- Artipisyal na pampatamis; at
- Pharmaceutical and personal care products (PPCPs) gaya ng facial wash at shampoo.
Mga hamon sa lawa
Batay sa kasalukuyang pag-aaral, wala pang datos sa kung anong uri ng emerging pollutants ang nagbabanta sa Laguna Lake.
“We cannot say yet kung safe bang kainin or hindi ‘yung mga produce na nakukuha natin sa Laguna Lake. But there are some data regarding the parameters that are regularly monitored in Laguna Lake by the LLDA, ‘yung Laguna Lake Development Authority. So, based on that, they have a standard naman. They have a limit on the threshold with regards to this—our mandatory water quality parameters in Laguna Lake that is affecting ‘yung mga activities around the lake, especially the aquaculture,” ani Dr. Sevilla-Nastor.
Ang Laguna Lake ay itinalaga bilang Class C water na ligtas para sa aquaculture at recreation. Ngunit ang tubig mula rito ay hindi ligtas inumin kung hindi sumailalim sa water treatment.
Ang mga fresh water kagaya ng mga lawa, ilog, at reservoir ay itinatalaga bilang Class “AA,” “A,” “B,” “C,” at “D.” Ayon sa Department of Environment and Natural Resources o DENR, ang mga klasipikasyong ito ay gabay upang maayos na mapangalagaan ang tubig at matiyak na ligtas ito para sa mga komunidad na umaasa rito.

Fresh surface waters Water Classification System ng Laguna Lake Development Authority // Disenyo ni Nikole Battreal
Hakbang at solusyon
“Nawawala na ang aksyon nila sa dagat. Lahat ay nahihirapan.” Ito ang ang daing ni Alberca. Lingid din sa kaniyang kaalaman kung mayroon nga bang mga bantay-lawa dahil sa mabigat na hamon na kaniyang kinahaharap bilang mangingisda at residente malapit sa lawa.
Ayon sa LLDA, ang lawa ay humaharap sa banta ng polusyon mula sa industriya at mga kabahayan dahil sa pagiging multi-use resource nito. Sa ilalim ng Environmental User’s Fee (EUF) System, pinapatawan ng LLDA ng singil ang mga industriya at komersyal na establisimyento na naglalabas ng wastewater batay sa Polluters Pay Principle, paliwanag ni Soledad A. Reyes, isang Project Evaluation Officer. Sa ganitong paraan, nabibigyan ng insentibo ang mga kumpanya na mag-invest sa mga pollution abatement systems.
Dagdag pa rito, inilunsad ng LLDA ang “Abot Kamay para sa Laguna de Bay,” isang programa upang bawasan ang plastic waste sa lawa.
Ayon naman kay Dr. Sevilla-Nastor, mayroon silang ginagamit na listahan ng mga kemikal mula sa Philippine Inventory of Chemicals and Chemical Substances o PICCS upang matutukan ang mga emerging pollutants na mahirap bantayan dahil sa gastos sa pag-monitor ng mga ito.
Aniya, may mga alituntunin sa pamantayan sa effluents (likidong marumi na pinaaagos sa ilog o dagat) at pagsubaybay sa kalidad ng tubig. Sa kasalukuyan, hindi pa kasama ang mga emerging pollutants sa listahang nabanggit dahil kailangan pa ng karagdagang siyentipikong pag-aaral ukol dito.
Ang Environmental Management Bureau o EMB, na nasa ilalim din ng DENR, ang responsable sa pagsubaybay sa kalidad ng tubig. Mayroon silang Water Quality Guidelines at General Effluent Standards sa ilalim ng DAO 2016-08.
“Very strict tayo riyan, na kailangan properly treated ‘yung wastewater nila before i-discharge sa any bodies of water natin,” ayon kay Dr. Sevilla-Nastor.
Aniya, may tatlong paraan ng wastewater treatment na naaayon sa lebel ng kalidad ng tubig:
- Physical;
- Biological; at
- Chemical.
“Kapag very scientific kasi ‘yung approach, sometimes hindi nila maintindihan if it’s very highly technical. So, we need to develop and prepare materials that even the individuals—our community—will really understand and appreciate,” ani Dr. Sevilla-Nastor.
Dagdag pa niya, dito papasok ang kahalagahan ng komunikasyong pangkaunlaran upang bigyan ng kaalaman ang publiko sa tamang pamamahala sa mga kemikal na naroroon kahit sa mga kabahayan at gawaing pang-agrikultura.
Pagbibigay linaw sa mga maling paniniwala
Sa unang episode ng podcast na ‘Usapang Tubig,’ pinag-usapan ang nagbabadyang panganib ng emerging pollutants.

Screengrab ng “Usapang Tubig: Dumadaloy. Lumilinaw. Episode 1” mula sa Facebook Page ng Radyo DZLB Ang Tinig ng Kaunlaran.
Narito ang ilan sa mga karaniwang paniniwala at ang pagbibigay-linaw sa mga ito.
1. “Isa sa mga major source of pollution ang domestic waste, kagaya ng mga basura at wastewater.”
Ayon sa LLDA, 80% ng polusyon ay nagmumula sa domestic waste.
“Ito ‘yung mga anthropogenic sources natin, ano? … kung hindi siya properly managed—properly treated—possibly, ‘yung pathways niya is papunta sa environment natin. Even sa air, sa soil, tsaka sa water natin. So kailangan kasi may proper treatment dun sa mga waste natin,” ani Dr. Sevilla-Nastor
2. “Ang emerging pollutants kagaya ng microplastics at heavy metals ay pwedeng mag-accumulate at mag-contaminate ng mga isda.”
Hindi pa rin maikakaila ang nagbabantang polusyon ng mga emerging pollutants. Ipinaliwanag ni Dr. Sevilla-Nastor na ang emerging pollutants kagaya ng microplastics at heavy metals na unti-unting naiipon sa mga isda at iba pang lamang-dagat ay posible ring mapunta sa ating katawan kung paulit-ulit ang pag-konsumo ng kontaminadong mga isda.
“Possible kasi na very small lang ‘yung concentration niya [emerging pollutants] sa organism but to continuous consumption (sic) over the years, chronic na ‘yung exposure mo—pwede siyang ma-transfer sa human din.”
3. “May masamang epekto ang emerging pollutants sa economic value ng fisheries pati ng aquaculture.”
Sa kasalukuyan ay wala pang datos upang malaman kung may masama bang epekto ang emerging pollutantssa halaga ng fisheries pati na ng aquaculture sa ekonomiya ng bansa. Ngunit kung titingnan ang ibang datos para sa ibang pollutant, posibleng may epekto ito sa mga aquaculture sources.
Pagsagip sa lawa
“Sobrang dumi na—’pag kalma ang dagat, ang nalutang na ay burak. Pag tumingin sila riyan, napakarumi. Sangsang ng amoy niya… Diyan nagkakaroon ng sakit ang mga bata at mga katulad natin kapag nalanghap nila… nagkakasakit. Iyan ang isang problema natin,” pangamba ni Alberca.
Upang matugunan ang polusyon sa Laguna de Bay, kailangang maiparating ang mga panawagan sa mga establisimyentong pinagmumulan ng wastewater. Ayon kay Dr. Sevilla-Nastor, mahalaga ang malinaw at siyentipikong pagpapaliwanag sa mga pangmatagalang epekto nito—hindi lamang sa kalusugan ng tao, kundi pati sa kinabukasan ng lawa. Dito papasok ang kahalagahan ng pagpapahayag ng mga datos na “scientific-backed” at sa paraang madaling maintindihan.
Sa antas ng indibidwal at komunidad, importanteng maging responsable, lalo na pagdating sa ating mga basura, solid waste, at wastewater.
“At that level pa lang, kung alam na natin kung paano ‘yung proper [waste] management [and] disposal, hindi naman tayo nagkukulang kasi mayro’n namang mga initiatives, tapos mayroon din tayong guidelines for each municipality, even in barangay levels. So, let’s try to follow,” paalala ni Dr. Sevilla-Nastor.
Ngunit ayon pa rin kay Alberca, “Iyan ay talagang hindi na mapigil ang mga tao na [sa lawa] magtapon.” Kaya’t tulad ng binigyang-diin ni Dr. Sevilla-Nastor, ang tunay na kontribusyon ay hindi lang pansamantala, kundi habambuhay, sa ating pang-araw-araw na buhay.
Mga Sanggunian:
Cabading, V. (n.d.). Water Quality Management in the Philippines. https://wepa-db.net/archive/pdf/0712forum/paper03.pdf
DENR. (2019, April 9). DENR classifies 35 more water bodies. https://denr.gov.ph/news-events/denr-classifies-35-more-water-bodies/
LLDA. (2018, May 4). Environmental Users Fee System (EUFS). https://llda.gov.ph/environmental-users-fee-system-eufs/
Earth Journalism Network. (2024, October 16). Poisoned Waters: Laguna de Bay’s Steady Crawl to Brink of Disaster. https://earthjournalism.net/stories/poisoned-waters-laguna-de-bays-steady-crawl-to-brink-of-disaster
Manahan, J. (2023). Laguna Lake “contaminated with microplastics”: study. https://www.abs-cbn.com/spotlight/07/05/23/laguna-lake-contaminated-with-microplastics-study
Living Lakes Biodiversity & Climate Project. (2023, May 11). Laguna de Bay. https://livinglakes.org/laguna-de-bay/
Laguna Lake Development Authority (Official). (2022). Facebook.com. https://www.facebook.com/LLDAofficial/posts/pfbid0WHfPZLxuze5nuqLyciQBbMJLKUEGaibxLNXRUFz6GLReVKRPgS4B4d61Qj4ciaRLl
US EPA, OW. (2014, September 2). Definition of “Contaminant”. https://www.epa.gov/ccl/definition-contaminant