Ulat ni Jhana Marie Umali
Kinumprima ng Provincial Epidemiology and Surveillance Unit ng Laguna sa ulat nito noong Mayo 30, 2025 na may dalawang aktibong kaso ng Mpox sa Laguna.
Ayon sa PESU, mula Enero 1 hanggang Mayo 24, 2025, may kabuuang 20 na naitalang kaso; 4 ang kumpirmadong kaso, 14 ang negatibo, 2 ang hinihintay pa ang resulta, at 2 ang itinuturing na aktibong kaso.
Batay sa ulat mula sa PESU tungkol sa kasarian at edad mula Hunyo 1 hanggang Mayo 24, mayroong 4 na babae na may edad isa hanggang sampung taon; 4 na lalaki at 2 babae na may edad labing-isa hanggang dalawampu; walang datos sa edad dalawampu’t isa hanggang tatlumpu; 3 lalaki at 1 babae na may edad tatlumpu’t isa hanggang apatnapu; 1 lalaki at 2 babae na may edad apatnapu’t isa hanggang limampu; 1 lalaki sa edad limampu hanggang animnapu; walang datos mula animnapu’t isa hanggang sitenta; at 2 babae naman ang edad sitenta pataas.
Base naman sa datos ng Department of Health (DOH), mas marami ang naitalang kaso ng Mpox noong 2024, higit sa 50 kaso noong Abril, habang ngayong Mayo 2025 ay mababa na sa 50.
Ayon kay DOH Secretary Teodoro J. Herbosa, ang Mpox sa bansa ay kabilang sa Clade 2 variant, na mas mild na anyo ng sakit. Dagdag pa niya, ang Mpox ay isang self-resolving disease na kusang gumagaling sa loob ng 2 hanggang 3 linggo. Linaw rin ng DOH na hindi ito airborne disease at nakakahawa lamang sa pamamagitan ng direktang kontak mula sa taong may Mpox o sa mga bagay tulad ng damit at kutson na nahawakan at ginamit ng may sakit.
Inirekomenda ng DOH ang mga health protocol tulad ng pagtatakip ng bibig kapag umuubo o bumabahing, maayos na bentilasyon, madalas na paghuhugas ng kamay, at pag-iwas sa mga may sintomas o kaso ng Mpox.
Ipinaliwanag din na ang mga sintomas ng Mpox ay may lagnat, pantal, pananakit ng katawan, sore throat, sakit ng ulo, at panghihina. Pinayuhan ang publiko na agad magpatingin sa pinakamalapit na health facility kung maramdaman ang mga ito. Patuloy ang koordinasyon ng DOH sa mga lokal na pamahalaan para mabigyan ng tamang medikal na serbisyo ang mga kumpirmado at hinihinalang kaso.
Binalaan rin ng DOH ang publiko laban sa mga pekeng impormasyon tungkol sa lockdown dahil sa Mpox. Ayon sa DOH, wala pang pangangailangan ng lockdown dahil sa sakit na ito at hindi ito airborne.
Hinihikayat din ang publiko na huwag maniwala sa mga pekeng Facebook posts na may mapanlinlang na marketing, pekeng endorsement mula sa mga eksperto, at mga hindi totoo na pahayag tungkol sa kalusugan.