University Animal Farm sa UPLB, patuloy ang aksyon sa gitna ng matinding init

Ulat ni Christian Datu

Mga alagang baka sa loob ng IAS-UPLB Beef Cattle Farm (Larawang kuha ni Christian Datu)

Matinding init, madalas na pagka-uhaw, at kakulangan sa pasilidad.

Ilan lamang ito sa mga problemang dala ng mataas heat index sa mga alagang hayop sa Unibersidad ng Pilipinas Los Baños, ayon kay Arnold Valencia, ang Farm Superintendent I ng University Animal Farm sa ilalim ng Kolehiyo ng Agrikultura at Agham Pampagkain. 

Sa nakalipas na buwan ng Abril, umabot ng 50°C ang heat index na dinanas ng Los Baños, Laguna–ang pinakamataas na naitalang temperatura sa bansa noong Abril 15, 2025 ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA). 

Ang “extreme caution” sa heat index ay ang pagtaas ng temperatura na maaaring umabot mula 33°C hanggang 41°C. Sa buwan ng Mayo, kabilang pa rin ang Los Baños sa nakararanas ng matinding init kung saan umabot na ng 41°C noong Mayo 27, 2025 ayon sa PAGASA.

Sa kasalukuyang init ng panahon, hindi lamang mga tao ang apektado kundi pati na rin ang mga alagang hayop–lalo na sa mga bukid at sakahan. “Malaki ang effect ng increasing heat index especially sa mga livestock and poultry resources ng University,” saad ni Valencia.

Sa matinding init, may nalalagas

Kamakailan nagkaroon ng suspensiyon ng klase, ngunit hindi lamang matinding init ang namerwisyo kundi pati ang pag-ulan. Sa pabago-bagong panahon, hindi lamang pagkain at tubig ang problema–pati na rin ang buhay ng mga hayop.

Sa pagtirik ng araw at biglang pagbuhos ng ulan, ang University Animal Farm ay nalagasan ng limang broiler o mga manok na gagamitin sana sa pag-aaral.

Mahigit 5,000 ang kabuuan ng poultry, swine, at cattle, at hindi biro ang pangangalaga sa mga ito. Sa mahigit 3,000 kasalukuyang poultry species, ang tubig na mas kinakailangan sa ganitong init ng panahon ay mas mahirap ang daloy dulot ng kakulangan at pagkawala ng kuryente. 

Sa bahagi ng beef cattle farm ng UPLB, makikilala si Ronald “Popoy” Lagman, isa sa mga farm worker sa Unibersidad. “Malakas sa tubig, sa pagkain, kinakapos ‘pag ganon kainit,” ayon kay Popoy sa kasalukuyang kalagayan ng mga baka sa beef cattle farm.

Sa mataas na bahagi ng Unibersidad, mas malimit maranasan ang pagkawala ng kuryente. Bilang deep well ang pangunahing pinagmumulan ng tubig, ang nagpapatakbo rito ay isang motor na nangangailangan ng kuryente. Ayon kay Valencia, umaabot minsan ng walong (8) oras ang pagkawala ng tubig at kuryente.

Mayroon man pagkain at tubig para sa araw-araw na pangangailangan ng mga hayop, ito ay nagiging limitado sa oras ng kainitan, kung saan ang kuryente ay hindi maaasahan.

Pagharap sa mainit na kinabukasan

Hindi bago sa sistema ng Unibersidad at sa mga naninirahan dito ang pansamantalang pagkawala ng tubig. Ngunit sa usaping sakahan, hindi lamang mga tao o manggagawa ang apektado nito, pati na rin ang mga alagang hayop na nangangailangan ng patuloy na suplay.

Tubig, bilang pangunahing pangangailangan ng tao o hayop, ay itinuturing bilang isa sa mga prayoridad ng University Animal Farm. Ayon kay Valencia, sa tuwing may anunsyo ukol sa pagkawala ng kuryente at pagtaas ng temperatura, agad itong ginagawan ng paraan. “Habang may kuryente, habang may supply, nag-iimbak kami,” aniya.

“Since ang poultry, sensitive siya sa mga temperature, sa abrupt changes, ang ginagawa namin is ventilation.” Paliwanag ni Valencia, sa bawat kulungan ng mga poultry ay sinisiguradong may hangin mula sa malalaking bentilador upang mapanatili ang kanilang maayos na kalagayan.

Bilang dagdag solusyon sa hinaharap na problema, ang kanilang pasilidad ay tinaniman ng good lumbers o mga kahoy na nagmula sa Forestry. Nagsisilbi itong proteksyon sa amoy lalo na sa mga swine at panlaban rin sa wind breaks ayon kay Valencia. 

“Improvement ng facilities. Additional facilities sa water source, power source,” ang panawagan ni Valencia upang masolusyonan ang mga problemang dulot ng pagtaas ng temperatura.

Kwento ni Valencia, noong pag-ulan at pagbaha sa Unibersidad, nadamay ang mga itlog ng mga manok na humantong sa pagkawala at pagkasayang sa mga produkto. Ang pag-iimbak ng tubig, pagkain, at pagpapalawak ng bentilasyon ay ilan lamang sa mga panandaliang solusyon na kanilang ginagawa. 

Sa gitna ng init at pabago-bagong panahon, mas malalim pa ang nagiging epekto nito sa mga hayop.

Kahit mainit, trabaho pa rin

Maagang gumigising, bumabangon upang asikasuhin ang sakahan. Sa bawat pagsikat ng araw, hindi lang init ang kalaban kundi pati ang tumatakbong oras. 

Upang hindi madatnan ang matinding sikat ng araw, maagap na pagkilos ang solusyon ni Popoy. Mula alas-6 ng umaga, si Popoy at ang kaniyang mga kasama ay abala na sa pag-aani ng damo, pagpapakain ng mga baka, at paglilinis ng mga kulungan.

“Pag talagang sobrang init, kami na nag-aadjust. Alam na namin ‘yung diskarte,” ayon kay Popoy. Pagpatak ng alas-10 ng umaga kung saan nagsisimula ang pagtirik ng araw, sila’y patapos na rin sa pang-araw-araw na gawain. 

Sa kakulangan ng service vehicles at equipment, si Popoy at ang kaniyang mga kasamahan ay nagtutulungan. Tanging kolektibong lakas lamang ang madalas na kanilang baon sa bawat araw ng trabaho. Sa araw na mas mainit, doble ang hirap, doble rin ang pagod.

“Gano’n talaga trabaho namin, para sa sarili namin, sanay na kami sa gano’ng routine, sa araw araw naming ginagawa,” saad ni Popoy.

Samantala, baguhan man sa pagiging Farm Superintendent I ng Unibersidad, kay Valencia ay hindi na bago ang mga problemang dala ng init. Mula Cagayan de Oro, dala niya ang walong (8) taong karanasan sa bukid at pangangalaga sa mga hayop. 

Sa tuwing kanselado ang mga klase ng mga estudyante dahil sa pagtaas ng heat index, si Valencia, bilang namamahala sa kabuuang operasyon ng University Animal Farm, ay abala sa pag-asikaso na panatilihin at maagapan ang epekto ng init sa mga hayop dito.

“Gusto ko ipakita sa kanila na I’m not only the head, but I’m also a member,” ayon kay Valencia. Mahalaga sa kaniya ang pagtutulungan–ang kaya ng isa ay kaya rin ng lahat. Bilang pagkilala sa pagsisikap ng bawat isa, dito napapanatili ni Valencia ang kaayusan sa kanilang trabaho.