Ulat at ni Julia Sachi Gacott
Inilunsad ngayong taon sa Barangay Bayog ang programang PurokKalusugan ng Department of Health (DOH), na ipinatutupad ng Los Baños Municipal Health Office, upang matugunan ang mababang bilang ng mga batang nababakunahan at mapalapit ang mga serbisyong medikal sa mga residente.
Layunin ng programa na mabigyang serbisyo ang bawat purok sa barangay, lalo na ang mga hindi makapunta sa health center dahil sa kawalan ng pamasahe o tagapaghatid.
“At least kami na po ang pupunta sa kanila,” sabi ni Esperanza Tolentino Macaraig, isang rural health midwife. “Kasi kadalasan, ang sinasabi ng mga nanay ay wala silang pamasahe o oras para dalhin ang bata sa center. Dito, wala na silang kailangang alalahanin.”
Ipinaliwanag ni Macaraig na may limang pangunahing serbisyo ang programa: pagbabakuna, maternal and child care, family planning, cervical cancer awareness, at nutrition services. Maliban dito, may libreng bakuna laban sa HPV, cervical cancer screening, libreng contraceptives gaya ng pills at condom, at vitamin A supplements para sa mga bata.
Dagdag pa niya, maraming bata sa Bayog ang hindi pa kumpleto ang bakuna laban sa sakit gaya ng pneumonia, tigdas, dipterya, at polio. “Malaking tulong ang PurokKalusugan kasi kung tututukan natin per purok, makikita namin kung anong mga lugar pa ang may kakulangan,” ani Macaraig.

Gamit ang isang chart, ipinaliliwanag ni Esperanza Macaraig ang kahalagahan ng cervical cancer awareness sa isang inang may dalang anak—bahagi ng pagsisikap ng PurokKalusugan na dalhin ang serbisyong pangkalusugan sa mismong mga komunidad. (Larawang kuha ni Julia Sachi Gacott)
Batay sa pahayag ni DOH Nurse II Grace Tenorio, isa ang Bayog sa tatlong barangay sa Los Baños na napiling unang bigyan ng pansin dahil sa mababang porsyento ng mga batang nabakunahan. “Target naming maisama ang 60% ng buong Los Baños by next year, hanggang sa maging 100% na ang coverage by 2028,” ani Tenorio.

Kinuha ng isang health worker ang timbang at vital signs ng anak ni Ella Malatag sa registration area ng PurokKalusugan sa Barangay Bayog. (Larawang kuha ni Julia Sachi Gacott)
Nagpahayag ng suporta si Ella Malatag, isa sa mga nanay na dumalo sa aktibidad: “Mainam po na required po yung mga bakuna para malessen yung risk ng sakit.”
Isinasagawa ang aktibidad ng PurokKalusugan tuwing Martes at Huwebes, at inaasahang magtatagal hanggang Disyembre 2025. Sa kasalukuyan, umaabot ang serbisyo ng PurokKalusugan sa bawat sulok ng Bayog. Ayon sa mga opisyal, regular na ina-anunsyo ang mga susunod na site ng PurokKalusugan sa opisyal na Facebook page ng Barangay Bayog.
Opisyal na inilunsad noong Mayo 22, 2025, sa tatlong barangay ng Los Baños, Laguna — Anos, Bayog, at Timugan — ang nasabing programa.