Paglayag sa Kaligtasan: PreP at paglaban sa HIV/AIDS

Ulat nina Aerylle Neffertine R. Hernandez at Marian Francine C. Lanuza

PAGPAPAKILALA NG PrEP: Pagtalakay ng SAIL Clinic Calamba Community HIV Service Provider na si Joel Ibañez ng PrEP. (Litrato ni Marian Francine C. Lanuza)

Ang Pre-Exposure Prophylaxis o PrEP ay isa sa mga makabagong gamot na ligtas at epektibong panlaban sa Human Immunodeficiency Virus (HIV). Ibinibigay ito nang libre ng ilang medikal na pasilidad sa mga kwalipikadong indibidwal, tulad nina Lorenzo at Luis, parehong 23 taong gulang at mga estudyante sa University of the Philippines Los Baños (UPLB).

“Mas confident na ako makipagtalik since alam ko na, at least, hindi ako possibly makakapag-contribute sa rising cases of HIV,” ani Lorenzo.

Para naman kay Luis, mainam na gumamit ng PrEP ang lahat ng nakikipagtalik. “Mas mabuting maging protektado kaysa magsisi,” aniya.

Malaking usapin ngayon ang mahigit 500% na pagtaas ng kaso ng HIV sa bansa sa mga may edad 15–25, ang age bracket nina Lorenzo at Luis, mula 2010 hanggang 2023, ayon sa tala ng Department of Health (DOH).

Ayon kay Joel Ibañez ng SAIL Clinic Calamba, isang community HIV service provider, “Ang pre-exposure prophylaxis, in layman’s term, masasabi natin na ang PrEP ay proteksyon or shield against HIV.”

Karanasan sa Paggamit ng PrEP

Natuklasan nina Lorenzo at Luis ang tungkol sa PrEP mula sa mga impormal na pamamaraan. Si Lorenzo ay nakaalam nito mula sa isang kaibigang aktibo sa pakikipagtalik at nagsimulang gumamit nito noong Enero 2024. 

Si Luis naman ay nalaman ito mula sa Twitter, kung saan talamak at pinahihintulutan ang pagpapaskil ng mga sensitibong content. Noong siya’y 17 hanggang 18 taong gulang at nagsisimula pa lang makipagtalik, nakita na niya ang mga diskusyon ukol sa PrEP. Gayunman, noong 2022 lamang siya nagsimulang gumamit nito.

Ayon kay Lorenzo, ang paggamit ng PrEP ay nakababawas ng pagkabalisa tuwing siya ay nakikipagtalik. Para naman kay Luis, natutuhan niyang 99% ang protection rate ng PrEP laban sa HIV. Bukod dito, libre ang PrEP mula sa klinikang pinagkukunan niya. 

“And at the end of the day, condoms can still break—it’s an added layer of protection when you’re engaging in sexual activity,” dagdag ni Luis.

Stigma sa HIV

Batay sa datos ng DOH-Epidemiology Bureau, pangalawa ang Region 4A o CALABARZON sa rehiyon na may pinakamataas na bilang ng mga kaso ng HIV sa Pilipinas ngayong unang kwarto ng 2025. Kung titingnan rin ang datos ng mga nakaraang taon, ay laging pumapangalawa ang nasabing rehiyon.

Para kina Luis at Lorenzo, ang stigma o hindi magandang pagtingin sa HIV/AIDS at iba pang sexually transmitted infections (STIs) at maling paniniwala tungkol sa mga ito, at pangunahing balakid sa pagtugon sa suliraning ito.

Ayon kay Lorenzo, dahil sa umiiral na stigma, hindi na rin nalalaman ng mga tao ang tungkol sa iba’t ibang paraan upang maiwasan o maagapan ang HIV. Dagdag pa niya, kahit maraming dokumentaryo at balita sa midya tungkol sa HIV, hindi binibigyang-diin ang PrEP. Bukod dito, hindi rin laganap sa Pilipinas ang sex positivity o ang bukas na pagtalakay sa sekswalidad.

Aniya, “Kung mayroon pa ring stigma sa kaswal na pakikipagtalik, mayroon ding stigma sa STIs at mga paraan kung paano sila malalabanan.”

Giit naman ni Luis, “Taboo o hindi pa rin normal ang mga usapin tungkol sa sekswal na kalusugan sa bansa.” Binanggit niya na dahil sa relihiyosong pananampalataya ng marami, walang sapat na espasyo para sa ganitong klase ng talakayan.

Para sa kanila, ang pag-aalis ng stigma at maling paniniwala tungkol sa HIV ay mahalagang bigyang pansin upang magkaroon ng ligtas na komunidad kung saan walang tao ang nag-aalinlangan. Sa pamamagitan ng paglikha ng isang suportado at maunawaing kapaligiran at wastong edukasyon, maaari mapalakas ang loob ng mga indibidwal na pangalagaan ang kanilang kalusugan.

Paggamit ng PrEP

Ayon kay Ibañez, may mga klinika tulad ng SAIL Clinic Calamba, na nagbibigay ng libreng serbisyo sa PrEP. Isa itong non-government organization na pinopondohan ng iba’t ibang organisasyong pangkaunlaran. Bukas din ang kanilang klinika sa pagbibigay ng libreng HIV services, katulad ng HIV Testing at Counseling.

Ayon kay Ibañez, sinumang nasa panganib ng pagka-expose sa HIV sa pamamagitan ng sekswal na aktibidad ay makikinabang sa PrEP, anuman ang kanilang kasarian o gender identity. 

Binigyang-diin ni Ibañez na ang PrEP ay nagbibigay proteksyon laban sa HIV lamang—hindi ito panlaban sa ibang STIs at hindi rin ito maaaring gamitin upang maiwasan ang pagbubuntis.

May ilang kwalipikasyon sa paggamit ng PrEP. Hindi maaaring gumamit nito ang mga tumitimbang ng mas mababa sa 35 kilo. Bukod dito, hindi pinapayagan ng batas ang pagbibigay ng PrEP sa mga indibidwal na 17 taong gulang pababa. Dapat ding nonreactive o negatibo sa HIV ang nais gumamit ng PrEP upang masigurong tama ang magiging resulta ng mga pagsusuri.

Ayon pa kay Ibañez, “Mas mainam pa ring gumamit ng dual protection tulad ng PrEP at condom upang masiguradong protektado sa pakikipagtalik.” 

Idinagdag niya na kahit pa ang katalik ay kabilang sa People Living with HIV (PLHIV), mapoprotektahan pa rin ang sarili laban sa impeksiyon sa tulong ng PrEP.

May dalawang pangunahing paraan ng pag-inom ng PrEP: Daily PrEP at Event-driven o On-demand PrEP. Ang Daily PrEP ay iniinom araw-araw kahit walang planong makipagtalik. “Araw-araw mo siyang ite-take, regardless kung meron kang planned sex on these days,” ani Ibañez.

Samantala, ang Event-driven o On-demand PrEP ay iniinom tuwing may inaasahang pakikipagtalik. Sa pamamaraang ito, dalawang tableta ang iniinom 2–24 oras bago makipagtalik, at kasunod nito ay tig-isang tableta sa susunod na dalawang araw sa kaparehong oras. Ang tawag dito ay “2-1-1 method.”

Aksyon Patungo sa Protektadong Sekswal na Kalusugan

Binigyang diin din ni Ibañez na hindi maaaring balewalain ang kahalagahan ng regular na pagsusuri sa HIV at ang kakulangan ng kaalaman sa PrEP. Isa itong proaktibong hakbang tungo sa maagang pagtukoy at pag-iwas sa HIV.

HIV TESTING: Isa ang HIV test sa pangunahing hakbang upang mabigyan ng PrEP at mapanatili ang kalusugang pang-sekswal. (Aerylle Neffertine R. Hernandez/LB Times)

“Kailangang ikonsidera ang pagbibigay ng impormasyon tungkol sa HIV dahil ito ang pinakaimportanteng hakbang. Kung wala silang ideya tungkol sa HIV, hindi rin nila malalaman kung ano ang PrEP,” paliwanag niya.

Bukas ang SAIL Clinic sa onsite at online consultations. Batay sa panayam, pareho ang layunin ng mga tagapagsalita—ang mawala ang stigma at diskriminasyon sa mga taong may STI at gawing normal ang usapan tungkol sa sekswal na kalusugan.

Sa pamamagitan ng pagbibigay-prayoridad sa regular na pagsusuri, edukasyon, at bukas na talakayan, maaari tayong makalikha ng isang mas malusog at mas bukas na lipunan kung saan ang sekswal na kalusugan ay pinahahalagahan at pinoprotektahan.