Ulat ni Dessie Cura
“Kung nais nating tuldukan ang maling impormasyon, ang karahasan, at ang hindi pagkakapantay-pantay, kailangan natin ng sama-samang lakas. Hindi ito laban ng isa, kundi laban ito ng bawat isa.”
Ito ang katagang binitiwan ng karakter na si Herleta, na ginampanan ni Wein Hugo, sa “Kapitang Ina,” isang monodramang itinanghal noong Mayo 22, 2025 sa DL Umali Hall sa University of the Philippines Los Baños (UPLB). Bahagi ito ng COMA 200 Undergraduate Thesis at ng klaseng THEA 152 (Directing) ng programang BA Communication Arts sa UPLB.
Sa direksyon nina Kyla Guarino at Joy Garcia, ang Kapitang Ina ay hango sa The Trojan Women ni Euripides mula sa adapsyon ni Margarette Anne Mediano. Ipinamalas nito ang nagpapatuloy na pakikibaka ng mga kababaihan sa ilalim ng mapang-aping pamahalaan at patriyarkal na kaayusan ng lipunan.
Binigyang-buhay ni Hugo ang apat na pangunahing tauhan—sina Herleta, Sandy, Aileen, at Andeng—na kumakatawan sa iba’t ibang mukha ng pagdurusa ng kababaihan: mula sa pangmamaliit at pang-aabuso hanggang sa pagbabanta sa mga naninindigan. Ginampanan din niya ang mga lalaking karakter tulad ng sakim at mapaniil na si Marcus Leano.
Pagkatapos ng pagtatanghal ay sinundan ito ng isang maikling talkback session kung saan tinalakay ang mga prosesong pinagdaanan ng aktor at ng buong produksyon.
Bilang pangwakas, nagbigay ng pagbati at komento si Prop. Jeremy Reuel Dela Cruz, tagapatnubay at orihinal na may ideya ng piyesa.
“Ako’y bumabati sa’yo dahil nabigyan mo ng hustisya ang bawat karakter. Alam ko kung gaano kahirap gumanap mag-isa sa entablado, pero na-sustain mo ang mga karakter mula umpisa hanggang wakas,” ani Dela Cruz.

Mga bumubuo ng piyesang ‘Kapitang Ina’ sa pagtatapos ng pagtatanghal, Mayo 22 sa DL Umali Hall. (Dessie Cura/LB Times)
Preparasyon ni Hugo bilang Apat na Karakter
Hindi naging madali para kay Hugo ang pagganap sa apat na magkakaibang karakter. Inamin niyang isa sa pinakamalaking hamon niya ay ang papel ni Aileen.
“Ang iniisip ko na lang, dapat pantay-pantay ang mga karakter. Ayokong may maiwan kahit isa. Si Aileen, para sa akin, isa sa may pinakamalalim na pinagdaanan. Kaya unfair kung pababayaan ko siya kahit mahirap siyang gampanan,” ani Hugo.
Sa halip na gumamit ng method acting, mas pinili ni Hugo ang sistema ni Stanislavski dahil sa pangmatagalang epekto ng una sa kalusugan ng aktor.
“Kay Stanislavski, kaya ko siyang gamitin nang propesyonal at mabilis ko rin siyang maipagpag. Kung tututukan mo talaga at dedicated ka, magagawa mo ito nang hindi sinasaktan ang sarili mo bilang aktor,” dagdag niya.
Binigyang-halaga rin ni Hugo ang pagsasanay sa pagbabago ng boses at personalidad, na aniya’y mahalaga sa ganitong uri ng pagtatanghal. Para sa kanya, mahalaga ang sapat na oras, dedikasyon, at pakikinig sa mga direktor upang maibigay ang hustisya sa bawat papel.
Sa tanong kung nais pa niyang ipagpatuloy ang teatro matapos ang kolehiyo, inamin niyang hindi pa ito ang kanyang prayoridad.
“Sana, kung makita n’yo ako sa mas malaking entablado balang araw, masasabi kong successful na ako noon at may ibubuga na talaga ako,” ani Hugo.
Proseso ng Produksyon
Sa talkback session, ibinahagi ni Garcia ang mga hamon sa paghahati ng dula. Ayon sa kanya, siya at si Guarino ay nagbahagi ng responsibilidad sa paghubog ng apat na pangunahing eksena.
“Kahit na kami ang nag-head sa mga eksenang iyon, patuloy pa rin kaming humihingi ng input mula sa isa’t isa,” ani Garcia.
Ayon pa sa kanya, mahalagang bahagi ng proseso ang blocking at butbot—ang on-the-spot na pagbubuo ng eksena—na tumulong sa paghubog ng boses at kilos ni Hugo.
Para naman kay Guarino, naging susi sa preparasyon ang mga vocal warm-up at workshop upang matiyak ang epektibong pagganap ng aktor sa bawat karakter. Malaki rin umano ang naitulong ng maayos na lighting design upang mailinaw ang transisyon sa pagitan ng mga tauhan.
Sa Mata ng mga Manonood
Marami sa mga manonood ang humanga at napabilib sa husay ni Hugo sa mabilisang pagpapalit ng mga karakter.
“Posible pala ‘yon. Ang daming karakter pero bilang audience, hindi ako nalito—nasundan ko talaga ang daloy ng kwento,” ani ng isang tagapanood.