Ulat ni Dominic Gardose
Natukoy ang presensya ng antimicrobial resistant (AMR) bacteria sa tubig ng Pitong Lawa ng San Pablo City, ayon sa Antimicrobial Susceptibility Testing (AST) na isinagawa nina Dr. Ronilo Jose D. Flores, associate professor sa Institute of Biological Sciences ng University of the Philippines Los Baños (UPLB).
Iprinisenta niya ang resulta ng kanilang pag-aaral sa isang sesyon ng UPLB Centennial Professorial Chair Lecture Series 2024–2025 na ginanap noong Mayo 15, 2025 sa UPLB Obdulia F. Sison Hall.
Lumabas sa pagsusuri na ang ilang strain ng Escherichia coli (E. coli) sa mga lawa ay may genes na lumalaban sa mga karaniwang antibiotics, isang banta hindi lamang sa kalikasan kundi sa kalusugan ng tao at hayop.
Sa kanyang talakayan na pinamagatang “A Sneak Peek into the Exposome: Issues and Insights on the Microbial Quality and Safety Exposures within the Food Environment–Human Nexus of the Seven Lakes of San Pablo,” ipinaliwanag ni Dr. Flores ang epekto ng exposome o ang kabuuang external exposures ng isang tao sa kanyang buong buhay.
Ayon kay Dr. Flores, nagdudulot ng banta ng kontaminasyon ng mikrobryo ang ilang gawain ng tao gaya ng aquaculture at pig farming, na nagpapataas ng antas ng coliform bacteria sa lawa.
“Mataas yung coliform kung saan mas maraming tao, mas maraming anthropogenic activities,” paliwanag niya.
Ibinahagi rin niya ang obserbasyon ng mga abnormalidad sa paglaki ng mga hayop tulad ng isda at manok sa paligid ng lawa, na maaaring epekto ng kontaminadong kapaligiran. Ayon sa kanya, ang mga disruption na ito ay hindi lamang nakaaapekto sa indibidwal na organismo, kundi pati sa buong ecosystem.
Bilang tugon, iginiit ni Dr. Flores ang kahalagahan ng patuloy na pananaliksik, pagbubuo ng kapasidad ng mga lokal na stakeholder, at pakikipag-ugnayan sa mga komunidad at lokal na pamahalaan. Mahalaga umano ang kolektibong pagkilos upang mapangalagaan ang kalikasan at maisakatuparan ang mga layunin ng Sustainable Development Goals (SDGs) at AmBisyon Natin 2040.
Si Dr. Flores ay kasalukuyang bahagi ng LEAD41PH project sa ilalim ng Asia-Pacific Network for Global Change Research, na naglalayong tulungan ang mga LGU na protektahan ang mga yamang-tubig gamit ang one-planetary-foresight approach.