‘Pag May Karamdaman, Dapat May Malalapitan: Laguna Provincial Hospital Itatayo Na

Ulat ni Chloe Paula C. Perez

“Mabuti kase kapag private, hindi ka maaasikaso kapag mahirap ka.”

Payak ngunit mabigat ang mga salitang binitawan ni Aling Trinidad Custodio, isang gulaman vendor sa Los Baños. Sa gitna ng kanyang mainit at nakapapagod na pagtitinda araw-araw, buhat rin niya ang bigat ng katotohanang hindi pantay ang pagtrato sa mga may karamdaman.

Isa itong agam-agam na hinuhugot mula sa matagal nang karanasan sa sistemang tila mas pumapabor sa may pera kaysa sa tunay na nangangailangan. Isa lamang siya sa libu-libong mamamayang Pilipino na naghahangad ng abot-kayang serbisyong pangkalusugan—isang serbisyong may malasakit, hindi mailap sa mga nasa laylayan.

Isang Hakbang Paabante?

Matagal nang hinaing ng mga Lagunense ang kawalan ng pampublikong ospital.

Ngunit, may liwanag na sumisilip. Kamakailan, inilabas ng Department of Health (DOH) ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Republic Act 12071 para sa pagtatayo ng isang Level III General Hospital sa lalawigan, ang Laguna Regional Hospital sa bayan ng Bay. Magkakaroon ito ng 300-bed capacity at mga departmentalized na serbisyo sa Internal Medicine, Pediatrics, Obstetrics and Gynecology, Surgery, at iba pang pangunahing pangangailangang medikal.

Hindi lamang ito sagot sa kakulangan—ito ay isang pagkilala na ang bawat Pilipino, saan mang panig ng bansa, ay may karapatang magpagamot at mabuhay nang may dignidad.

Kalusugan: Isa sa mga Pangunahing Alalahanin ng mga Lagunense

Sa lalawigan ng Laguna na may tinatayang 3.5 milyong mamamayan, isa sa mga pangunahing suliranin ay ang limitadong access sa dekalidad na serbisyong pangkalusugan, lalo na para sa mga kapus-palad. Sa gitna ng patuloy na pagtaas ng kaso ng MPox, HIV, at iba pang sakit sa bansa, mas umiigting ang pangamba ng mga Lagunense: Saan kami lalapit kung kami ay magkasakit? Saan pupunta kung wala kaming sapat na pera?

Ayon sa mga residente, ang kawalan ng access sa malapit at abot-kayang serbisyong medikal ay hindi na bago kundi araw-araw na reyalidad. Sa kabila ng matagal nang hinaing, nananatiling hamon ang kakulangan ng sapat na pondo at atensyon sa mga pampublikong ospital, lalo na sa mga probinsyang lugar. Bunga ito ng ilang dekadang hindi pantay na alokasyon ng badyet at ng urban-centered na pagplano sa kalusugan na tila nakakalimot sa mga nasa lalawigan.

Presyo ng Kalusugan

Ayon kay Aling Trinidad, “Mahal kase dyan sa mga private kaya mahirap. Kailangan magbayad ka agad.” Para sa marami, ito ang katotohanang nagpapalayo sa kanila sa serbisyong medikal—ang presyo.

Paliwanag ni Joel Cabactulan, mamamahayag sa Ronda Balita at matagal nang residente ng Laguna, “Ang mga pampublikong ospital ay mas mura. Halimbawa, ang bayad sa ward room ay maaaring P300 kada araw, at may pagkakataon pang libre ito sa charity ward. Pero sa mga pribado, P2,000 hanggang P3,000 ang private room. Mas mataas pa sa suite.”

Aniya, kahit myembro ng PhilHealth, hindi ito sapat sa mga pribadong ospital.

“Oo, puwedeng ma-cover ng PhilHealth ng hanggang 66% ng bill. Pero dahil mas mataas ang bayarin sa mga private hospital, malaki pa rin ang babayaran ng pasyente mula sa sariling bulsa.”

Ang mga salaysay na ito ay patunay na hindi lahat kayang magbayad sa mga pribadong ospital. Hindi lahat may kakayahang bumiyahe ng malayo o makipagsapalaran sa pila, dokumento, at kakulangan sa serbisyo.

Malayo at Mahirap Abutin

Sa isang lalawigan kung saan limitado ang pampublikong pasilidad, ang kalusugan ay tila pribilehiyo. Isinalaysay ng isang manggagawa sa pamilihan ng Los Baños:
“Maganda sana kung may pampublikong ospital kase hindi na hassle pumunta sa malalayong lugar. Yung ibang pinakamalapit na ospital ay nasa Sta. Cruz, at yung iba, sa Batangas pa dinadala.”

Sa kasalukuyan, ang pinakamalapit na ospital ng DOH ay nasa mahigit 70 kilometro mula sa ilang bahagi ng Laguna, na nangangailangan ng higit dalawang oras na biyahe. Ang ganitong distansya ay karanasang dumadagdag pa sa pasanin ng pamilyang may karamdaman—halos imposible para sa mga walang sariling sasakyan, walang pamasahe, at walang oras na pwedeng mawala.

Hindi Lang Malayo, Mahirap Pang Asahan

Para kay James Yadao, ang isyu ng pangkalusugan ay hindi lang ukol sa distansya kundi pati na rin sa kalidad ng serbisyo.
“Yung ibang ospital sa Calamba, laging puno. Kapag wala kang kakilala, mahihirapan ka. Sa Batangas, wala rin namang pera ang iba para sa gastos papunta ro’n.”

Ang ganitong mga karanasan ay nagpapakita na ang takot ng mga tao ay hindi na lamang sa mismong sakit, kundi sa kawalan ng makatao, maaasahan, at abot-kayang serbisyo kapag sila’y nangangailangan.

Pananaw ng Mamamayan

Mainit ang naging pagtanggap ng mga residente sa balita. Ayon kay Lolo Joel Pojeda, isang tricycle driver:
“Mabuti kase mapapakinabangan ng mga mamamayan. Maganda nga yung gano’n, kase malapit lang.”

Ganito rin ang pananaw ni Edward Castillo, isang street food vendor:
“Ay mabuti kung ganun. Lalo na kung wala nang kailangan mula sa amin, basta kumpleto lang ng papeles, wala nang babayaran o kalahati lang.”

Maging ang kabataan ay dama ang pangangailangan ng isang institusyong abot ng masa. Para kay Eunice Barroso, estudyante sa kolehiyo:
“Malaking tulong siya kase sa panahon ngayon uso yung mga sakit. Para mas maraming maa-accommodate na pasyente. Malaking tulong yun!”

Para sa marami, ito’y tila matagal nang hinihintay na tugon—isang hakbang paabante tungo sa mas inklusibo at makatarungang sistemang pangkalusugan para sa mga Lagunense.

Sa Panahon ng Karamdaman, Dapat May Malalapitan

Ang mga salitang binitiwan ni Aling Trinidad—“hindi ka maaasikaso kapag mahirap ka”—ay hindi lamang pansariling saloobin, kundi panawagan mula sa sistemikong suliranin ng kalusugan sa Pilipinas.

Sa huli, ang ipinaglalaban ng bawat Pilipino ay hindi lamang panakip-butas sa sakit ng ating bayan, kundi matagalang lunas para sa pagkakapantay-pantay ng ating mga karapatan. Ang pagtatatag ng bagong ospital sa Laguna ay simula pa lamang. Sapagkat sa isang sistemang matagal nang mailap sa mahihirap, ang tunay na tagumpay ay nasusukat hindi lang sa pagtatayo ng gusali kundi sa kung gaano ito naaabot, naaasahan, at tunay na naglilingkod.

Sa bawat sugat, may karapatang magpagamot.