Infirmary ng Los Baños, inilunsad

Ulat ni Chloe Paula C. Perez

SERBISYONG PANGKALUSUGAN SA PAMAYANAN. Patuloy na nagbibigay ng abot-kaya at agarang serbisyong medikal ang Ambulatory and Urgent Care Center para sa mga taga Los Baños. (Chloe Paula C. Perez/LB Times)

Ang Ambulatory and Urgent Care Center at Infirmary ng Los Baños, na itinayo sa Bernardo Village ng Barangay Mayondon, ay opisyal nang binuksan noong ika-23 ng Mayo 2025.

Layunin ng bagong pasilidad na mas mapabuti ang kalusugan ng komunidad, lalo na ng mga pamilyang hindi kayang magpagamot sa mga pribadong ospital, sa pamamagitan ng libreng o abot-kayang check-up, paggamot sa mga karaniwang sakit, at iba pang serbisyong medikal.

Ang infirmary ay itinuturing na extension facility ng Rural Health Unit (RHU) ng Los Baños at matatagpuan sa kahabaan ng national highway, na nagbibigay ng mas madaling access para sa mga residente ng mga kalapit na barangay tulad ng Mayondon.

Nagpahayag naman ng saloobin ang ilang stakeholder ng infirmary.

Para kay Princess Ericka Anihay, isa sa mga unang pasyente ng infirmary, hindi matatawaran ang kalidad ng alagang natanggap niya:

“Napakamatulungin at super maalaga ‘yung mga doktor,” aniya, at idinagdag niyang naging mabilis at maayos ang kanyang paggaling.

Samantala, para sa mga residenteng gaya ni Grace Marasigan, isang sari-sari store owner na malapit sa infirmary, ang pasilidad ay hindi lamang naging tulong sa kalusugan kundi pati na rin sa kabuhayan:

“Malaki talaga ang tulong ng pagkakaroon ng malapit na ospital. Para sa mga mahirap, tulong ito sa mga walang-wala. Kasi karamihan ngayon, lagi na nagkakasakit ang tao gawa sa mga kinakain natin. Noong naopera ako, semi-private, ang mahal. May gallstone kasi ako nun.”

Ayon pa kay Marasigan, simula nang itayo ang infirmary ay lumago rin ang kanilang maliit na negosyo:

“Nakapagsimulang lumaki ‘yong sari-sari store namin. Kasi kumpleto na ang mga equipment at serbisyo sa infirmary, kaya marami na ang dumadayo. Bago pa sila pumasok, bumibili muna sila ng facemask. May mga nars din at mga bisita na sa amin kumakain.”

KABUHAYANG UMUSBONG. Lumago ang tindahan nina Grace Marasigan mula nang buksan ang infirmary kalapit sa kanilang lugar. (Chloe Paula C. Perez/LB Times)

Ang Ambulatory at Urgent Care Center ay bukas mula Lunes hanggang Biyernes, 8:00 AM hanggang 5:00 PM, upang tumanggap ng mga pasyenteng nangangailangan ng agarang atensyon.

Sa patuloy na operasyon ng bagong pasilidad, umaasa ang pamahalaang lokal na mas maraming taga-Los Baños ang magkakaroon ng makatao, abot-kaya, at episyenteng serbisyong pangkalusugan—isang hakbang patungo sa mas makatarungan at inklusibong sistema ng kalusugan para sa lahat.